MATANONG ko lang, yung IMEI number ba ng cellphone unit ninyo ay naisulat at naitago ninyo sa isang ligtas na lugar? Kakailanganin ninyo yan kung sakaling mawala o manakaw ang cellphone ninyo.
Nagiging madalas na rin ang pagnakaw ng cellphone. Hindi kagaya ng dati, maraming cellphone ngayon ay mga mamahaling klase at kasing-taas na ng kalibre at halaga ng isang desktop computer.
Dahil madali itong dukutin o hablutin kagaya ng isang wallet, maraming snatcher at mandurukot ang nagkalat ngayon para lang makadekwat ng bagong modelo na cellphone na nagkakahalaga ng P15,000 pataas.
Baka akala ninyo na kapag hawak ninyo ang cellphone ninyo habang naglalakad kayo sa kalsada ay mahihirapan ang snatcher. May snatcher na naka-motorsiklo at nagmamanman lang sa mga naglalakad kung may bitbit na cellphone.
Bigla na lang tatabi sa sidewalk ang naka-motor at hahablutin ang hawak na cellphone, ipapasok ito sa isang bag, tapos kakaripas na ng andar bago pa mamalayan ng biktima. Dahil naka-facemask, helmet, gwantes, at jacket ang magnanakaw, di na iyon makikilala.
Yung mga sumasakay sa LRT at MRT ay hindi rin ligtas, sapagkat minamanman sila ng mga magkakasabwat na magnanakaw. Magsesenyasan sila kung sino ang target para may iipit sa kanya sa pintuan ng tren bago pa siya makalabas.
Kung pinasok ng taong ito ang cellphone sa harapan o likod na bulsa niya, at habang abala sa paglabas ng pintuan ng tren, hindi niya siguro alam na dinudukutan na pala siya. Tapos yung magnanakaw na nakatangay ng cellphone, hindi na yun bababa pa sa tren. Pag umandar na ang tren, walang malay ang biktima kung paano hahanapin pa ang nawalang cellphone.
Kung may biglang kumuha ng cellphone ninyo at hindi na ibinalik, ano ang inyong magagawa?
Una, kailangang isumbong ang pangyayaring ito sa pinakamalapit na police station. Gagawa ang police desk sergeant ng Police Report o Blotter base sa inyong salaysay kung papaano naganap ang krimen. Pag nakuha na ninyo ang kopya ninyo, ipa-xerox ninyo agad ito para magbigay ng kopya sa telco (telecommunications company) tulad ng Smart, Globe, Talk-N-Text, o Dito.
Kapag natanggap na ng telco ang Police Report, maari na silang magbigay sa inyo ng isang kapalit na SIM (Subscriber Identification Module) card na kapareho ang cellphone number na inyong nawala. Ito ang SIM Replacement.
Kakaiba ito sa SIM Blocking na gagawin kung ayaw na ninyong magamit uli ang cellphone number ng nawalang cellphone. Ibig sabihin, kakalimutan na ninyo ang dating number ninyo at isa-isa ninyong sasabihan ang mga kasama at kaibigan ninyo na bago na ang cellphone number ninyo.
Pero sayang naman kung magagamit pa uli ang dati na ninyong cellphone number para hindi na mahirapan pa ang mga kakilala ninyo na tawagan kayo sa bago ninyong number.
Sunod naman, kunin ang tinago mong IMEI number ng nanakaw o nawalang cellphone unit, at dalhin ito sa pinakamalapit na opisina o himpilan ng National Telecommunications Commission (NTC). Ang main office nila ay nasa Agham Road sa Quezon City, sa pagitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) mint (pagawaan ng pera).
Ipakita mo ang Police Report at ID Card mo sa NTC. Ipapadala ng NTC ang IMEI number ng phone mo para permanenteng iba-block (haharangin) ng bawat telco ang unit na iyon sa kanilang network. Ibig sabihin, hindi na pwedeng lagyan pa ng bagong SIM card ang ninakaw na cellphone unit mo at hindi rin iyon mapapakinabangan ng magnanakaw o ng taong makabili ng ninakaw na cellphone mo.
Kung yung dati mong cellphone number ay naka-register sa GCash at iba pang financial apps, ipagbigay-alam din sa kanila na nawala yung dati mong cellphone at hindi ka pumapayag na may taong mag-a-apply ng cash loan gamit ang GCash number mo. Kailangan magpakita ng tamang ID ang sinumang magtangka na humingi ng loan gamit ang GCash number mo.
Kung may bangko o financial agency na nagtatangkang singilin ka dahil ginamit ang cellphone number mo para umutang sa kanila, mangyari ipakita mo ang kopya ng Police Report na ipinagawa mo sa pulis. Dahil ni-report mo na ninakaw ang cellphone mo, hindi ka dapat singilin at dapat habulin nila yung taong pinautang nila.
Oo nga pala, kung tinamad ka at hindi ka gumawa ng Police Report, ibig sabihin nun ay walang krimen na nangyari. Bakit pa magpapakahirap ang mga pulis na hulihin ang mga magnanakaw kung wala namang nire-report na nakawan?