27.5 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 29, 2024

Pagpapatibay ng digital education isinusulong ni Gatchalian para sa tuloy-tuloy na pag-aaral 

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng mga sakuna, isinusulong ni Senador Win Gatchalian na gawin nang batas ang paggamit ng mga alternative delivery modes, kabilang ang online learning.

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian na gawin nang batas ang paggamit ng mga alternative delivery modes, kabilang ang online learning. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Matatandaang inihain ni Gatchalian ang Digital Transformation of Basic Education Act (Senate Bill No. 383) upang isulong ang digital transformation sa sektor ng edukasyon. Sa ilalim ng panukalang batas, bibigyan ng mandato ang Department of Education (DepEd) na patatagin ang kakayahan sa Information and Communication Technologies (ICT) ng mga paaralan upang magpatupad ng distance learning.

Sa ilalim din ng naturang panukala, tutulungan ng Department of Science and Technology (DoST) ang DepEd at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa paggamit ng agham, teknolohiya at inobasyon sa pag-aaral at pagtuturo, at upang ihanda ang sektor ng edukasyon sa  Fourth Industrial Revolution.

“Paano kung maantala ang pasok sa loob ng dalawang linggo? Dapat may alternatibong paraan tayo ng pagtuturo, gawin natin itong isang batas, at ihanda natin ang ating mga guro. Kailangan maging handa tayo sa ano mang sitwasyon upang patuloy na makapagturo ang ating mga guro at patuloy na matuto ang ating mga mag-aaral. Ito ang reyalidad na dapat nating harapin,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Inihain kamakailan ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 689 upang suriin ang kahandaan ng mga paaralan para sa Academic Year 2023-2024. Layunin ng gagawing pagsusuri ang pagiging epektibo at ang mga hamong kinakaharap ng pagpapatupad ng face-to-face classes at pag-aaral gamit ang alternative delivery modes.

Bibigyan din ng konsiderasyon ang banta ng El Niño at ang panawagang ibalik sa Abril at Mayo ang bakasyon ng mga mag-aaral.

“Kailangan natin ng pormal na polisiya, maaaring sa pagitan ng batas, upang patuloy na makapag-aral ang mga mag-aaral at patuloy na makapagturo ang mga guro,” pahayag ni Gatchalian.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -