DAHIL sa pinsalang dulot ng mga bagyong Egay at Falcon, na nakaapekto sa maraming lalawigan at nagresulta sa milyun-milyong pisong halaga ng pinsala at pagkalugi sa agrikultura, binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa isang matatag na agriculture information system (AIS) na makakatulong sa mga magsasaka na mapataas ang kanilang productivity at tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain sa pamilihan kahit na may mga pagkagambala ng panahon.
Ayon sa senador, ang epekto sa bansa ng mga pananalasa ng bagyo ay dapat mag-udyok sa pamahalaan na magpatibay ng agriculture information system na makakatulong para makaiwas sa anumang artipisyal na kakulangan sa suplay ng agricultural products na maaaring makaapekto sa presyo.
Binigyang diin ito ni Gatchalian sa pagpapatuloy niya ng relief operations ngayong araw para sa mga nasalanta ng Bagyong Egay at Falcon sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Abra, na pawang isinailalim sa state of calamity. Namahagi siya ng bigas, na ibinigay ng Valenzuela City, sa mga apektadong pamilya sa mga naturang probinsya. Kasama ni Gatchalian na bumisita sa mga nasalantang lugar sina Valenzuela City Councilor Niña Lopez at City Social Welfare and Development Office Head Dorothy Evangelista.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tinatayang aabot sa halos P3 bilyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura dahil sa mga nagdaang bagyo. Apektado nito ang humigit-kumulang 117 libong magsasaka at mangingisda sa buong bansa, na nag-iwan ng higit sa 140 libong ektarya ng lugar ng pananim na nasira.
“Suportahan natin ang ating mga kababayan hindi lamang sa short and medium term kundi maging sa pangmatagalang panahon. Inaasahan natin na sa pamamagitan ng pagtatatag ng AIS, mas magiging maayos ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at masosolusyunan ang problema ng kagutuman sa bansa,” ani Gatchalian.
Inihain ng mambabatas ang Senate Bill No. 1374, na naglalayong magtatag ng AIS na magbibigay-daan sa mga magsasaka na mahanap ang kanilang merkado at maibenta ang kanilang mga produkto kung saan malaki ang demand. Oras na maisabatas, inaasahang masisiguro ng sistema hindi lamang ang kakayahang kumita ng mga magsasaka kundi maging ang kasapatan ng suplay ng pagkain sa mga pamilihan.
Sa ilalim ng panukala, titiyakin na ang mga suplay ng agricultural products ay naihahatid sa mga lugar kung saan may demand nang sa gayon ay maiwasan ang mga artificial shortage na siyang nagtutulak sa presyo pataas.