25.3 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Bakit may mga limitasyon sa kalakalan sa serbisyo sa RCEP?

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Agosto 23, 2023 ay idinaos ang aking panayam profesoryal via Zoom na tumalakay sa isang sanaysay na may pamagat Malaya ba ang Kalakalang Internasyonal? Mga Hadlang sa Kalakalan ng mga Serbisyo sa Regional Economic Partnership (RCEP). Ang paksang sinuri ay nakatuon sa mga kundisyon sa liberalisasyon sa kalakalan sa mga serbisyo sa ilalim ng RCEP lalo na sa pagpasok sa bilihan o market access at tratong mamamayan o national treatment. Naiiba ang sanaysay na ito sa ibang pag-aaral na tumalakay sa mga benepisyo at oportunidad sa RCEP, isang kasunduang rehiyonal sa Asya Pacifico. Itinuon ang sentro ng sanaysay sa mga dahilan ng mga bansang naglalagay ng mga limitasyon sa kanilang layuning maging bukas ang kanilang ekonomiya sa kalakalang internasyonal.

Tunay na mabibigat ang mga oportunidad sa kasunduang RCEP dahil ito ang pinakamalawak na Rehiyonal na Kasunduang Pangkalakalan o Regional Trading Arrangements (RTA) sa buong mundo. Ayon sa World Bank, noong 2021 ang pinagsamang GDP ng 15 ekonomiyang kasapi ng RCEP ay umabot sa $29.6 trilyon o katumbas ng 30.8% ng pandaigdigang produksyon. Malawak din ang bilihan sa RCEP dahil may populasyon ang mga miyembro nito ng 2.3 bilyong tao o halos 29.3% ng mga tao sa buong mundo. Halos 30% ng kalakalan sa buong mundo ay kontrolado ng mga miyembro ng RCEP na umabot sa $12.9 trilyon. Malaki rin ang ambag ng mga kasapi ng RCEP sa pagdaloy ng mga pondong kapital na umabot sa $862.1 bilyon o 26.2% ng daloy ng Net FDI sa buong mundo. Masasabi nating mahigit pa sa ikaapat na bahagi ng ekonomiya ng mundo ay nasa kontrol ng mga bansang kasapi ng RCEP.

Kahit malalawak ang oportunidad sa pagbubukas ng ekonomiya sa ilalim ng RCEP maraming miyembro ng kasunduan ay naglalagay ng mga kundisyon sa proseso ng liberalisasyon. Maituturing mga hadlang sa malayang kalakalan ang mga kundisyong ito.

May tatlong pangunahing dahilan ang maaaring itukoy sa paglalagay ng mga limitasyon sa mga pangakong liberalisasyon ng mga ekonomiya sa larangan ng pagpasok sa bilihan at tratong mamamayan. Ito ay pagtugon sa maling pagpili bunga ng di pantay na impormasyon, pagtataguyod ng interes ng bayan at ang pananatili ng kontrol sa ekonomiya.

Ang paglalagay ng mga kundisyon kapag ang bilihan ay sumasailalim sa di pantay na impormasyon ay katanggap tanggap na patakarang ekonomiko. Kapag hindi pantay ang impormasyon sa pagitan ng mga mamimili at prodyuser maaaring manamantala ang isang manlalaro sa bilihan na nakalalamang ang impormasyon. Isang halimbawa ng di pantay na impormasyon ay maling pagpili ng isang mamimili dahil hindi lubusang inilalahad ng suplayer ng serbisyo ang mga katangian niya, ng kanyang kompanya at ng serbisyong ipinagbibili. Dahil hindi kumpleto ang impormasyon sa mamimili maaari siyang gumawa ng maling desisyon. Sa mga sa sitwasyong tulad nito, iniuutos ng pamahalaan ang kundisyon na ilahad ng suplayer ng serbisyo ang mga katangian ng suplayer at ng serbisyo nito bilang proteksyon sa mamimili nang makagawa ito ng wastong desisyon.

Halimbawa, isa sa mga limitasyong hinihingi ng Korea sa pagpasok ng mga propesyonal ay pangangailangang lisensiyado at rehistrado ang mga ito sa Korea. Sa pamamagitan ng paglilisensya at pagrerehistro sa Korea nakatitiyak ang bansa na ang propesyonal ay may angkop na kasanayan upang isagawa ang serbisyo.

Isa pang katanggap tanggap na dahilan sa paglalahad ng mga kundisyon o limitasyon ay ang pagtataguyod ng interes ng bayan. Sa ngalan ng interes ng bayan maaaring itakda ang lawak ng pakikipagkalakalan sa labas ng bansa. Ang lubusang malayang kalakalan ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa mga mamamayan o sektor ng ekonomiya.

Halimbawa, sa Japan kinakailangan sumailalim sa pamamaraan ng pagtatasa ang mga dayuhang nais magtayo ng negosyo sa Japan. Ang pagtatasa ay nakabatay kung ang negosyo ay may panganib sa pambansang seguridad, gambalain ang kaayusang publiko  o hadlangan ang kaligtasang publiko. Nais ng Japan na ligtas ang kanilang bansa sa mga dayuhang negosyo na maaaring magdala ng gulo o banta sa pambansang seguridad.

Ang pinakahuling dahilan na ginagamit sa paglalahad ng mga limitasyon sa pagpasok sa bilihan at tratong mamamayan ay ang pananatili ng kontrol sa ekonomiya ng mga lokal na suplayer. Sa pananaw ng mga ekonomista, hindi gaanong katanggap tanggap ang dahilang ito dahil maaaring mauwi ito sa monopolyo ng lokal na suplayer ng serbisyo, at ang paglalaan ng mas mababang uri ng serbisyo. Ganoon pa man, karapatan ng pamahalaan ng isang bansa na magtakda ng mga limitasyon.

Halimbawa, sa China ang mga dayuhang suplayer ay pinapayagang magtayo ng ospital kung kasangkot ang mga mamamayang Tsino kung ito ay naaayon sa pangangailangan ng China.

Kahit ang mga limitasyong ito ay maituturing hadlang sa malayang kalakalan ang mga ito ay nagmumula sa mga lehitimong dahilan sa loob ng bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -