25.1 C
Manila
Miyerkules, Enero 22, 2025

Mabuti ang tao

- Advertisement -
- Advertisement -
SA mga nakaraang kolum, pulos tungkol sa sigalot sa West Philippine Sea ang tinatalakay. Pinakapangambahan ang tila wala nang pagpigil na pagsambulat ng digmaan sa pagitan ng China at Pilipinas. Marami sa dati ay mga naniniwala na hindi mangyayari ang giyera dahil walang kakayahan ang Pilipinas na gawin ito ay biglang paling na sa pagpapahayag ng kahandaan ng Pilipinas na salungatin ang China sa sandali ng atake. Partikular na tinukoy ang pagtamo ng Pilipinas ng mga makabagong barkong pandigma at ang pag-oorganisa sa mga mangingisdang Pilipino bilang mga milisyang pandagat upang itapat sa ganun ding mga milisya ng China. Mukhang ang karagatan ang magiging pangunahing larangan ng tunggalian oras na sumabog ang labanan.
Sa tingin ng marami, wala nang pagpigil sa giyera. Kapwa ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” R  Marcos Jr. at ang Kalihim ng Tanggulang Pambansa Gilbert “Gibo” Teodoro ay naninindigan na ang pinag-aagawang Ayungin Shoal ay nasa loob ng 200 nautical miles ng Philippine exclusive economic zone (EEZ), na sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay dapat na pasok sa teritoryo ng Pilipinas. Ang problema nga ay ipinagpipilitan naman ng China na pasok ang lugar sa Nine Dash Line Map ng China na siya namang sinasangkalan ng China upang angkinin ang halos kabuuan ng South China Sea, at ang Ayungin Shoal ay pasok sa Nine Dash Line Map.  Noong 2016 naglabas ng desisyon ang Permanent Court of Arbitration (PCA) — isang pribadong arbitration court na taliwas sa ipinamamarali ng mga propagandista ng Estados Unidos na ito ay awtorisado ng United Nations ay walang kaugnayan sa UN — na ang Nine Dash Line Map ay iligal. Ang desisyon ang pinanghahawakan ng Pilipinas upang angkinin ang Ayungin Shoal. Subalit bukod sa hindi kinikilala ng China ang desisyon ng PCA, ipinagpipilitan pa rin nito na noon pang 1999, nangako na si dating Presidente Joseph Estrada na aalisin doon ang BRP Sierra Madre. Hindi natupad ang pangako at sa loob ng mahigit dalawang dekada totoong naging napakabait ng China na pinabayaang pumaroon-pumarito ang mga barko ng Philippine Coast Guard upang magdala ng pagkain sa mga sundalong Marines na nagbabantay sa Sierra Madre. Nangyayari lamang ang pambobomba ng tubig kapag ang dinadala na sa Ayungin Shoal ay mga materyales pang-konstruksyon na ipinagbabawal ng China — tulad ng naganap noong Agosto 5 na siyang kagyat na dahilan ng ngayo’y pinaiinit ng Amerika upang magsilbing mitsa ng nilalayong pagsabog ng giyera.
Lahat ng mga paglalahad sa itaas ay naglalaro sa aking isip habang nakapila sa isang fast food shop. Puno ng kustomer ang lugar. Galing ako sa isang tindahan ng gamot at lahat ng cash ko ay naubos sa pagbayad ng mga binili kong maintenance medicines. Pumila na rin ako upang magtake-out ng mahahapunan. Meron naman akong GCash na pambayad. Pagkaraan ng mahabang panahon ng paghihintay, kaharap ko na ang cashier. Pero, huwag ka, sabi ng cashier hindi sila tumatanggap ng GCash na pambayad dahil nagloloko ang kanilang GCash at baka hindi pumasok ang aking ibabayad. Kaya basa sa mukha ko ang lungkot at kawalang pag-asang makapag-uwi ng mahahapunan. May pag-aatubili pa rin akong umalis sa pila, nag-iisip kung saan magca-cashout. Nang may kumalabit sa aking balikat. Isang babae ang tumambad sa aking paningin habang isinusuot ang kanyang ATM card sa gadget ng cashier.
“Isasama ko na lang ang bill ninyo dito sa bill ko,” wika ng bata pang ginang; nagdadalantao siya.
“Po?” usal ko sa aking pagkagulat.
“Sayang naman ang ipinila ninyo,” sabi ng babae.
“Sa inyo ko na lang itransfer ang GCash ko,”
sabi ko
“Huwag na po. Okay na yun.”
May pag-alanganin na nahihiyang nawika ko na lang, “Salamat po.”
“Okay po.”
Makaraang magbigay sa cashier ng instruksyon kung papaanong i-serve sa akin ang aking order, iminwestra sa akin ng ginang kung saan ako dapat maghintay ng aking order at siya ay tutuloy na sa kanyang mesa.
Mabuti ang tao, usal ko sa sarili habang sinusundan ko ng tingin ang ginang.
At gumana na ang mayaman kong imahinasyon. Ang pinanangambahang giyera Chino-Pilipino ay hindi mangyayari kung ang kahit isa sa dalawa ay magiging tulad ng ginang na nagmagandang loob sa nakita niyang hilahod nang matandang ang tanging hangarin ay makapaguwi ng mahahapunan. Sa loob-loob ko, hindi pa rin nawawala ang purong kadalisayan ng pagkatao. Hindi mo kaanu-ano, ni hindi mo kilala. Ke sehuda kung wala siyang maiuwing hapunan. Magdusa siya at wala siyang pambayad. Pero hindi. Hindi maatim ng kanyang kalooban na umuwi akong luhaan.
Sa lumalalang away ng China at Pilipinas sino ang mag-aala-mabuting ginang na daluyan ng dalisay na pagkatao?
Hindi ko matiis na kilalanin siya. Habang hinihintay ko ang aking order, nilapitan ko siya na kumakain kasama ng kanyang mister. Sa aming pag-uusap, nakilala ko siya bilang Jennifer Echoko (sana wasto ang aking pagkarinig), nagtatatrabaho bilang accountant sa Pure Gold sa Luneta. Ang kanyang mister na si Edward ay isang security guard sa isang resort sa Antipolo.
Makikita na hindi sila yung tipong mayaman upang maging mabait na mga Samaritano. Hindi ko doon sila pinasasalamatan. Higit pa roon, ipinakikita nila na kung mangingibabaw lamang sa China at Pilipinas ang kadalisayan ng kagandahang loob ni Jennifer lutas na ang giyera sa West Philippine Sea.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -