24.3 C
Manila
Lunes, Disyembre 30, 2024

Nakahanda ba tayo sa ‘Apat na Huling Bagay’?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

[L]umapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta man nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon din gumaling ang kanyang anak.

  • Ebanghelyo ni San Mateo, 15:25-28 

BABAE, bata, demonyo at Diyos. Hindi sila ang “Apat na Huling Bagay” sa pamagat, ngunit maaaring ituro nila ang mga haharapin nating lahat sa wakas ng buhay, ayon sa pananampalatayang Kristiyano: kamatayan, paghuhusga, langit at impiyerno.

Bago natin ipaliwanag ang kaugnayan ng babae atbp. sa kamatayan atbp., paano napasok sa usapan ang babae, bata, demonyo at Diyos? Mangyari, nasa pagbasang-misa sila sa Agosto 15, ang Dakilang Kapistahan ng Pagdadala ng Birheng Maria sa Langit (Solemnity of the Assumption of Mary), at sa Agosto 20, Ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon sa Simbahang Katoliko.

Sa Ebanghelyo ng Agosto 20, nakasipi sa itaas, dumulog kay Hesus ang babaeng taga-Canaan, dayuhang lahi sa Lupaing Pangako na sinakop ng Israel sa Bibliya. Bagaman sinabi ng Panginoon sa mga taga-Israel siya sinugo, nagmakaawa ang babae para sa dalagita niyang inaalihan ng demonyo. Dahil sa kanyang pananalig, pinagaling ni Hesus ang bata.

Samantala, isinalaysay ng unang pagbasa sa Agosto 15 mula sa Pahayag o Apokalipsis, ang huling aklat ng Bibliya (Pahayag 11:19; 12:1-6, 10):


“Isang kagila-gilalas na tanda ang lumitaw sa langit: babaeng nadaramitan ng araw at nakatuntong sa buwan … Pagkatapos, tumayo [ang pulang dragon] sa paanan ng babaeng malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling isilang. At nagsilang ang babae ng sanggol na lalaki, ngunit may umagaw at nagdala ng bata sa Diyos, sa kanyang trono. Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal.”

May impiyerno at demonyo ba?

Paano napatungkol sa kamatayan atbp. ang babae atbp.? Medyo pahalang nang kaunti, pero ganito iyon.

Maaaring sagisag ang babae nating mga nilalang, gaya ng babae sa Henesis, unang aklat ng Bibliya, kung saan sinabi ng Maykapal sa ahas na tumukso kina Adan at Eba (Henesis 3:15): “Pag-aawayin ko kayo ng babae, binhi mo at binhi niya lagi kong paglalabanin. Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo, at sa sakong ng bata, ikaw ang tutuklaw.”

- Advertisement -

Kaya hindi kataka-taka na sa mga pagbasang-misa ng Agosto 15 at 20, ibig saktan ng dragon at diyablo ang mga anak ng mga babae. Subalit sa awa at saklolo ng Panginoong Diyos, nasalba kapwa ang lalaking supling sa Apokalipsis at ang dalagitang anak sa Ebanghelyo.

Ngayon, kung babae ang tumatayo para sa mga nilalalang, kamatayan ang hantungan natin. Samantala, ang anak ang bunga niya, at huhusgahan tayong lahat ayon sa bunga ng ating buhay. Sa kabutihang palad, si Hesus na sanggol ni Maria ang kapwa huhusga at sasalba. At dalawa ang maaaring tunguhin: DIyos sa langit o diyablo sa impiyerno.

Kamatayan, paghuhusga, langit at impiyerno.

Ang hirap, bilyun-bilyong tao ang hindi naniniwala sa paghuhusga, langit at impiyerno, maging sa Diyos at demonyo. At kahit ang naniniwala, hindi gaanong binibigyang pansin itong mga pangunahing paniniwala ng Kristiyanismo.

Sa taunang World Values Survey, ang pagsusuri ng mga paniniwala, saloobin at ugali ng mga 120 bansa at 95 porsiyento ng sangkatauhan, kalahati ng mga tumugon sa survey sa maraming bansa ang hindi naniniwala sa Diyos, langit, impiyerno at buhay pagkamatay. Gayon din ang nagsasabing hindi mahalaga ang relihiyon. Sa Tsina, Hapon, Korea at mga mayamang bansa ng Europa, mas marami ang di-relihiyoso kaysa sa relihiyoso.

Samantala, sa Pilipinas, Amerika, mga bansang Latino-Amerikano, at mga bayang Muslim, malakas pa rin ang pananampalataya. Pero mukhang pawala na ito sa mga Katoliko, base sa mga kabataang nagsasabi na hindi sila Katoliko kompara sa mga may-edad.

- Advertisement -

Bukod sa paglaganap ng pamumuhay at paniniwalang secular o di-relihiyoso, isa pang dahilan marahil ang kakulangan ng pangangaral ng Simbahan tungkol sa langit, impiyerno at diyablo. Kuruin mo: Kailan mo huling napakinig na binanggit sa sermon sa misa ang langit, impiyerno at demonyo?

Laging ipinagdiriwang ang pagmamahal at kabanalan ng Poong Maykapal, ngunit bakit hindi ang hustisya ng Diyos, ang gantimpalang langit sa sumusunod sa atas NIya, at ang parusang impiyerno sa lumilihis ng landas? At lalung-lalo na ang mga kampon ni Satanas na walang-hintong naglilihis sa atin patungo sa apoy na panghabang panahon.

Sa mga bersong sumunod sa unang pagbasang-Misa ng Agosto 15 mula sa Apokalipsis, isinalaysay ang pagwawagi ng mga mabuting anghel sa pamumuno ni San Miguel Arkanghel laban sa mga nagrebelde sa Diyos (Pahayag 12:7-17). Subalit patuloy ang mga diyablo sa paglaban, sinisikap na mahigtan ang mga kaluluwa sa langit ng mga mahahatak sa impiyerno.

Lagi nating isaisip ito at ipaalam sa lahat nang hindi tayo maagaw ni Satanas.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -