Pangalawa sa dalawang bahagi
NANG sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Leon Maria Guerrero, kasama ang mamamahayag at kaibigang si Salvador P. Lopez, na naging presidente ng Pamantasan ng Pilipinas, ay sumama sa grupong press relations ng United States Armed Forces in the Far East sa ilalim ni Carlos P. Romulo. Nagsilbi si Guerrero bilang unang tinyente sa Bataan, at matapos bumagsak ang Bataan, ay sa Corregidor. Ang kawalan ng suporta at ang pagsuko ng USAFFEE ang nag-udyok kay Guerrero para mawalan ng tiwala sa mga pangako ng Estados Unidos at maging praktikal sa pakikitungo rito.
Sa ilalim ng palayaw na “Ignacio Javier” (ang pinagsamang pangalan ng dalawang pangunahing mga Heswita) na kanya nang ginamit bago pa man ang digmaan, naglabas siya ng mga komentaryo gabi-gabi na pinakinggan ng marami at makikita sa mga ito ang lihim na kahulugang sumusuporta sa mga puwersang Amerikano kaysa Hapon.
Ito marahil ang dahilan bakit pagkatapos sumuko ang mga Hapon, hindi siya ikinulong ng mga Amerikano sa Sugamo Prison sa Tokyo, kung saan siya nagpunta bilang Unang Kalihim ng Embahada ng Pilipinas, at kung bakit hindi rin siya inusig sa People’s Court sa pakikipagtulungan sa mga kaaway.
Ang pagtira niya sa Tokyo’y nagbunsod sa kaniya para isulat ang artikulong “Tagdilim sa Tokyo,” na inilabas bilang serye sa isang pahayagan. Tungkol ito sa mga huling araw ng Republika ni Laurel sa Japan. Ang isa pa niyang artikulo’y pinamagatang “Passion and Death of the USAFFEE,” tungkol sa kaniyang mga karanasan at opinyon sa digmaan. Naging mabagsik ang reaksyon ng Kongresso sa kanyang mga kontrobersyal na mga artikulo, at tinanggal ang kanyang trabaho bilang Hepe ng Protokol sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas. Umalis siya sa kanyang posisyon kahit gusto siyang manatili roon ng kanyang pinuno, si Bise-Presidente Elpidio Quirino, na siya ring kalihim ng Ugnayang Panglabas. Itinalaga siyang abogado sa mga usaping legal at lehislatura ng pangulo ng Senado na si Jose Avelino, at tuluyan na siyang lumayo sa grupong politikal ni Don Elpidio. Dahil gusto niya ang buhay ng isang diplomat at dahil sa malalim niyang interes sa ugnayang internasyonal, naging kaibigan siya ni Senador Claro M. Recto. Nagsama sila sa trabaho at sa kanilang oposisyon sa polisiyang panglabas ng administrasyon.
Naging tagapagsalita siya ng oposisyon tungkol sa ugnayang panglabas at mga usaping legal ng mga kasong may kaugnayan sa eleksyon. Nang manalo si Ramon Magsaysay bilang Pangulo noong 1953, pinapili si Guerrero kung saan niya gustong manungkulan bilang Pangalawang Kalihim: sa Hustisya o Ugnayang Panglabas. Pinili niya ang Ugnayang Panglabas, nagtulak ng isang “malaya” at “maka-Asyano” ng polisiya, at nagbunga sa isang mahabang kontrobersiya na natapos lamang nang mag-alok siyang aalis na lamang para tanggapin ang pagiging Ambassador sa Court of Saint James sa London. Nanungkulan siya rito mula kalagitnaan ng 1954 hanggang 1962, nang siya’y hinirang naman bilang Ambassador sa Madrid. Sa London ay ibinuhos niya ang panahon para magsaliksik sa okupasyon ng mga Briton sa Pilipinas at kanyang inilimbag ang Mga Alternatibo Para sa Mga Asyano at Isang Asyano sa Asya, dalawang koleksyon ng mga artikulo at talumpati niya sa London.
Abogado, diplomat, at taong mahilig sa mga kasayahan, hindi pa rin nakalimutan ni Guerrero ang kanyang unang pag-ibig, ang pagsusulat, na karamiha’y tungkol sa kasaysayan at politika. Kabilang siya sa grupo ng mga manunulat na Pilipino, na ngayon ay nasa kuwarenta anyos na, na nagsusulat sa Ingles. Kasama sina Nick Joaquin. Jose Garcia Villa, N.V.M. Gonzalez, Horacio de la Costa, Teodoro M. Locsin, Estrella Alfon, Leopoldo Yabes, Ricaredo Demetillo, Manuel Viray, Kerima Polotan, Celso Carunungan at iba pa, kabilang ang kaniyang kapatid na si Carmen Guerrero Nakpil, inampon niya ang wikang Ingles at ginawa itong bago. Hindi na ito ang Ingles ng mga Amerikano o ng mga British, kundi Ingles ito ng isang makabago at edukadong Pilipino. Sumusulat si Nick Joaquin ng Ingles na may impluwensiya ng mga Kastila; hindi maiiwasan ni N.V.M. Gonzalez ang kanyang kaligirang Tagalog; pero sa kanilang lahat, si Guerrero ang pinakamalapit sa King’s English dahil sa kaniyang edukasyon sa Ateneo at pananatili ng pitong taon at kalahati sa London. Pragmatiko ang kaniyang pagsusulat at kanyang pinag-aaralan ang mga motibo at gawain mula sa isang pananaw na medyo mapang-uyam. Makikita ito ng mambabasa habang dinaraanan niya ang mga pahina ng talambuhay na ito ni Dr. Jose Rizal.