HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Teacher Education Council (TEC) na tiyakin ang ugnayan sa pagitan ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro sa kakalunsad lamang na ‘Matatag’ K to 10 curriculum.
Matatandaang nakatuon ang bagong lunsad na K to 10 curriculum sa mga foundational skills tulad ng literacy at numeracy, pati na rin sa values education at peace competencies. Mula sa 11,700 learning competencies, 3,644 na lamang ang mananatili sa bagong curriculum. Tumutukoy ang mga learning competencies sa mga kaalaman, kakayahan, at mga asal na dapat matutunan ng mga mag-aaral matapos ang kada aralin o gawain.
“Dahil ang ating mga guro ang may pinakamahalagang papel sa pagkatuto ng mga kabataan, kailangang tiyakin nating ang kanilang edukasyon at pagsasanay ay akma at tugma sa mga dapat nilang ituro sa ilalim ng bagong K to 10 curriculum,” ani Gatchalian.
Magsisimula ang bagong curriculum sa School Year (SY) 2024-2025 sa Kindergarten, Grade 1, 4, at 7. Para sa SY 2025-2026, magsisimulang ipatupad ang curriculum sa Grade 2, 5, at 8; kasunod ng Grade 3, 6, at 9 para sa SY 2026-2029. Magsisimulang ipatupad ang bagong curriculum sa Grade 10 sa SY 2027-2028, kasunod nito ang ganap na pagpapatupad ng buong curriculum sa 2028.
Sa paghahanda sa mga guro, binigyang diin ni Gatchalian ang papel ng National Educators’ Academy of the Philippines (NEAP), ang professional arm ng Department of Education (DepEd). Bagama’t mandato ng NEAP na magpatupad ng mga dekalidad na professional development programs para sa mga in-service teachers, school leaders, at iba pang mga teaching-related personnel, binigyang diin din ni Gatchalian na dapat magsimula ang preparasyon ng mga guro sa pre-service o sa kolehiyo pa lamang.
Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), paiigtingin ng TEC ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHEd), at Professional Regulation Commission (PRC). Mandato rin sa TEC ang magtakda ng mga basic requirements para sa mga teacher education at programs, at tiyakin ang ugnayan nito mula kolehiyo hanggang sa magsimulang magturo ang mga guro.
Nakasaad sa Excellence in Teacher Education Act na ang Secretary of Education ang magsisilbing chairman ng TEC.
Si Gatchalian ang pangunahing may akda at sponsor ng naturang batas.