27.9 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Gatchalian binigyang-diin ang epektibong pagkontrol sa baha

- Advertisement -
- Advertisement -

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian na mahalaga ang pagkakaroon ng epektibong programa sa pagkontrol ng baha. Aniya, isa ito sa mga nakapipinsalang epekto ng climate change.

“Dahil sa masamang epekto ng climate change sa ating mga komunidad, kailangan ng pamahalaan na magtayo ng sapat na mga imprastraktura na magbibigay ng sapat na proteksyon sa mga lugar na madalas bahain at nagdudulot ng pagkasira ng mga bahay, pananim, at iba ang mga ari-arian,” sabi ni Gatchalian, na umiikot ngayon sa Pangasinan, Bataan, Pampanga, at Bulacan para suriin ang pananalasa ng mga nagdaang bagyo, kamustahin ang kalagayan ng mga apektadong pamilya, at mamahagi ng humigit-kumulang P8.5 milyong halaga ng bigas sa mga biktima ng nagdaang kalamidad.

Ilang bayan at munisipalidad sa buong Pangasinan, Bataan, Pampanga, at Bulacan ang idineklarang nasa ilalim ng state of calamity kasunod ng hagupit ng mga bagyong Egay at Falcon.

Sa Bulacan, nakalaan ang P5.2 milyong halaga ng bigas para sa mga apektadong komunidad sa Malolos, Calumpit, Hagonoy, Balagtas, Paombong, Obando, San Miguel, Guiguinto, Pandi, at Plaridel. Pamumunuan ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang pagtanggap ng ayuda galing sa senador. Sa Pangasinan naman, pamumunuan nina Dagupan City Mayor Belen Fernandez, Calasiao Mayor Kevin Roy Macanlalay, Mangatarem Mayor Ramil Ventenilla, at Sta. Barbara Mayor Carlito Zaplam ang pagtanggap ng P1.25 milyong halaga ng bigas para sa mga apektadong pamilya. Aalamin din ng senador ang kalagayan sa Pampanga at Bataan at pupulungin din niya sina Bataan Governor Joet Garcia at Pampanga Governor Delta Pineda. Tig-isang milyong pisong halaga ng bigas ang para naman sa Bataan at Pampanga. Ang higit walong milyong pisong halaga ng bigas ay mula sa pamahalaang lungsod ng Valenzuela.

“Ang pagsasaayos ng flood control ay napakahalagang hakbang lalo na sa bansang tulad natin na madalas tamaan ng bagyo at madalas bahain. Dahil sa epekto ng climate change, magiging balakid ang ganitong mga pagbaha sa pag-unlad ng bansa kung hindi ito agarang masosolusyunan,” diin niya.

Ang panawagan ni Gatchalian ay kasabay ng pahayag ng Pangulo na mayroon nang master plan ang kanyang administrasyon upang mabilis na matugunan ang climate change, kabilang ang pagtatayo ng isang malaking water dam para maiwasan ang pagbaha at ayusin ang agrikultura.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -