UNANG naganyak akong usisain ang tanong nang masumpungan kong basahin ang aklat ng yumaong Bise Presidente Salvador Laurel na pinamagatang A Child’s Footnote to History. Sa aklat, tinalakay ng binatilyong si Doy Laurel ang maiksing usapan sa pagitan ni Presidente Dr Jose Laurel at Koronel Turner na sinugo ni Heneral Douglas MacArthur upang arestuhin ang Pilipinong presidente sa kanyang hotel sa Nara, Japan noong 1945.
Pagsulat ni Doy, “Sabi ni Papa, ‘Colonel,you are from Harvard and I am from Yale, We can cheer against each other in a ball game and argue passionately on almost any subject matter under the sun. But, on fundamental principles we must agree. One such fundamental principle is that you should not expect me to love Americans better than Filipinos in the same way that I should not expect you to love Filipinos better than the Americans…”
(Koronel, ikaw ay mula sa Harvard at ako ay mula sa Yale. Maaari tayong magkantiyawan sa isang palaro ng bola at magdiskusyon nang mainitan sa anumang usapin sa ilalim ng araw. Subalit sa mga batayang prinsipyo, dapat tayong magkasundo. At isa sa mga nasabing prinsipsyo, hindi mo dapat asahan na mahalin ko ang mga Amerikano nang higit kaysa sa mga Pilipino sa kung papaanong hindi ko dapat asahan na mahalin mo ang mga Pilipino nang higit kaysa mga Amerikano.)
Sumusulpot itong usapin sa lumalalang sigalot sa South China Sea dulot ng panganganyon ng tubig ng barko ng China Coast Guard sa barko naman ng Philippine Coast Guard habang ito ay papunta sa Ayungin Shoal upang maghatid ng mga suplay na pagkain sa mga tropang Marines na nagbabantay sa nabalahurang BRP Sierra Madre. Kaliwa’t kanan ang inabot na batikos ng China mula sa lahat ng sektor ng lipunang Pilipino: mga senador at kongresman, mga opisyal ng burukrasya ng pamahalaan, mga personahe mula sa akadem, at ang mga “paupang masa” na siyang lagi nang kuhanan ng mga raliyesta ng Kano upang sumigaw ng paghingi ng giyera laban sa China. Salamat na lang at meron din namang mga elementong nagagawang lagpasan ang kakitiran ng pananaw sa mga pangyayari at nagagawang ilagay ang kontrabersya sa wastong dapat nitong kalagyan.
Naungkat sa unahan ang aklat ni Doy Laurel dahil nakasaad roon ang buod ng pangangatwiran ni wartime President Dr. Jose P. Laurel sa palasak na bansag sa kanya na collaborator. Ayon kay Dr. Laurel, kinailangan ang kolaborasyon sa Hapones upang itawid ang bansa sa mga kaguluhan ng digmaan at dalhin ito sa mga mas kaayaayang panahon. Sa ganyang kalagayan, ang kolaborasyon ay nagiging kabayanihan.
Ano ang kalagayan ng Pilipinas sa kasalukuyan? Sa isang forum sa Ateneo University, inihalimbawa ang Pilipinas sa damo na dinudurog sa pagbubunuan ng dalawang dambuhalang elepante o kinakain sa panahon na walang labanan. Rekomendadong solusyon: imbes na maging damo lamang lumago upang maging punong kahoy at huwag apak-apakan lamang sa pag-aaway ng dalawang dambuhalang elepante. Tutol ako sa ganung ideya. Sabi ko, unang-una na, ang Pilipinas ay hindi isang damo. Bakit hindi ito umunlad bilang pangatlong elepante? Maaga pa sa kanyang termino, ipinahayag na ni Presidente Rodrigo Roa Duterte sa China at Russia: “Tatlo tayo laban sa mundo.”
Doon na papunta ang Pilipinas sa ganap na pagbuti ng relasyong Chino-Pilipino sa panahon ni Pangulong Duterte. Malaking kasamaang palad nga lang na hanggang anim na taon lang ang kanyang termino. Pagkahaliling-pagkahalili ni Bongbong Marcos, agad lumitaw ang kanyang kampi-Amerikanong kulay.
At ito ang kalagayang sa loob lamang ng isandaang araw ay tumigas na nang husto bilang kampi-Amerikanong kalagayan na siyang kinapapalooban ng kontrobersya ng pambobomba ng tubig ng China.
Totoong napakalupit ng tinuran ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea na ang mga nagtatanggol sa China sa insidente ng pambobomba ng tubig ay mga traydor sa Pilipinas.
Isa ako sa unang-unang nanindigan na ang pambobomba ng tubig ay ang pinakamabait at pinakamakataong maaring gawin upang pigilin ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa paglabag sa usapang lalaki sa pagitan nina Presidente Erap at Presidente Jiang Zemin na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa pinakamaagang panahon; sa loob ng mahigit dalawang dekada, kinonsinte ng China ang pagparoon-parito ng mga barkong pangsuplay ng pagkain sa mga Filipino Marines sa Ayungin Shoal, subalit pinigil sa pamamagitan ng pagbomba ng tubig sa mga barkong lumalabag sa pagbabawal ng China sa pagdadala sa shoal ng mga materyales pangkonstruksyon.
Pagkatapos sasabihin mo, traydor ako sa Pilipinas. Para mong sinabing traydor nga si Presidente Dr Jose P. Laurel sa pakikipagmabutihan sa Hapon upang itawid tungo sa mas magandang panahon ang Pilipinas.
Marami ang nagtatanong. Kung totoong may kasunduan ang mga nakaraang administrasyon na aalisin sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre, bakit hindi ilabas ng China ang dokumento? Wala nang saysay ang tanong. Nagsalita na si Bongbong. Aniya, “Kung meron, binabalewala ko na.”
Ibig sabihin, giyera na kung giyera.
Iyan ang pinakatutultutulan ng kolum na ito. Giyera na pasok na pasok sa adyenda ng Amerika. Matagal ko nang sinasabi na ang giyerang inaasahan ng Estados Unidos ay hindi ang sinasabing inbasyon ng China sa Taiwan na hindi mangyayari dahil kinikilala na ng komunidad internasyunal at mismong ng United Nations ang One China Policy. Ang giyerang pinaghandaan ng Estados Unidos mula pa noong 2014 ay ang pananalakay ng China sa Pilipinas bunga ng siyam na base militar ng Amerika na nasa loob ng kampo militar ng Pilipinas sa ilalim ng kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ito ang digmaang simbilis ng isang kisapmata ay maaaring maganap.
Ang kontrobersya sa BRP Sierra Madre, na inaagnas na ng kalawang bunga ng mahigit dalawang dekada nang pagkabalahura, ay nagsisilbing “isang titis lamang upang magpasiklab ng apoy sa kaparangan.”
Ang malaganap na mga panawagan ng pagkondena sa pagbomba ng tubig ng China sa mga barko ng Philippine Coast Guard ay nalantad na bahagi ng kilos propagandang likha ng isang dating opisyal ng US Air Force na nagngangalang Raymond Powell. Layunin ng propaganda na pag-apuyin sa galit ang mga Pilipino upang magsilbi ngang “titis na magpapasiklab ng apoy sa kaparangan.”
Kaisa ang kolum na ito ng Anti-War Peace Caravan at iba pang mga pagkilos kontra digmaan upang biguin ang Amerika na ilublob ang Pilipinas sa kaparehong perhuwisyong kinasadlakan ng Uktaine.
Maganda ang ginagawa ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte sa bagay na ito. Kinausap niya si Presidente Xi Jinping at pagkatapos si Presidente Bongbong. Lahat sa pansarili niyang kapasidad. Walang lumabas sa media tungkol sa kung ano ang kanyang ipinakipag-usap sa dalawa. May pahiwatig lamang sa kanyang pahayag na ang digmaan ay dapat na desisyon hindi ng isang utak lamang kundi ng siyento doseng milyung mamamayang Pilipino. Kung ang sukatang ito ang masusunod, bigo ang Amerika, walang giyera mula sa China – balik sa dating buti at pauunlarin pa ang pagkakaibigang Chino-Pilipino – wagi ang Pilipinas.