Una sa dalawang bahagi
SI Carlos Quirino ang direktor ng Pambansang Aklatan nang manalo “Ang Unang Pilipino” ni Leon Maria Guerrero sa Jose Rizal Centennial Biography Contest noong 1963. Isinalin ko rito ang pagpapakilala nila sa premyadong aklat tungkol sa buhay ng ating pambansang bayani.
Sa prayle nagsisimula’t nagwawakas ang kasaysayan ng Espanya sa Pilipinas. Siya ang pinaka-mapanganib na tao — naghahalo ang malaking kapangyarihan at debosyon sa kaniyang misyon — isang taong naniniwala sa kaniyang sariling trabaho bilang pinuno ng mga katawan at gobernador ng mga kaluluwa. Bukod pa rito, ang prayle ay isang matapat na Kastila hanggang sa dulo, kait na siya na lamang ang huling Kastila sa Pilipinas. Siya ang naging malakas na kalaban ng unang Pilipino, si Jose Rizal.
Sa temang ito inihabi ni Leon Ma. Guerrero ang pinakahuli, at walang dudang pinakamahusay, na talambuhay ni Dr. Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, na gumising sa natutulog na nasyonalismo ng kaniyang mga kababayan sa kanyang dalawang nagbabagang mga nobela at binuo sila sa isang matibay na bansa.
Hindi sinulat ni Guerrero ang talambuhay ni Rizal bilang isang kumpletong dayo. Sa unang banda, tulad ng ating pambansang bayani, nag-aral siya sa Ateneo de Manila sa parehong lokasyon nito sa Intramuros noong panahon ng mga Kastila. Walang malaking pagbabago sa sistema ng edukasyon ng mga Heswita sa ilalim ng mga Amerikanong pari, kaya’t nalanghap ng batang Guerrero ang paraan ng pagtuturo at ang kaligirang nakapalibot sa paaralan noong bago dumating ang digmaan. Bukod pa rito, ang kanyang interes sa pinakasikat na estudyante ng paaralan ay pinalalim ng kaniyang salin sa Ingles noong 1950 ng mga sanaysay ni Rizal bilang isang estudyante rin sa Ateneo; at sa nakaraang dekada’y gumawa si Guerrero ng makabagong salin ng dalawang nobela ni Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, na inilabas sa Gran Britanya at Estados Unidos ng isang tagalimbag sa London.
Ang dalawang salin na ito’y agad na naging tampulan ng komentaryo sa bansa. Sa unang banda, hindi sila literal na tapat sa orihinal sa Espanyol; at dahil dito’y pinulaan ng ibang mga Rizalista na naniniwalang ang salin ay isang “pambabastos” sa wikang ginamit ng ating bayani. “Sinubukan ko rito,” paliwanag Guerrero sa kaniyang pagpapakilala sa Noli, na “gumawa ng isang bagong baryon na magpapakita sa mambabasa sa kasalukuyan ang ‘daloy ng orihinal na komposisyon,’ ang Noli na isinulat ni Rizal kung siya’y sumulat nito sa Ingles para sa kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino.” Kung kayo ma’y ayon o hindi sa bersyo ni Guerrero, hindi maikakailang nagbigay siya ng isang bago at preskong pananaw na hindi nagawa ng mga unang nagsalin ng mga sikat na nobelang ito.
Ang lahat ng mga pag-aaral tungkol sa buhay at mga nobela ni Rizal ay paghahanda lamang ni Guerrero para sa kaniyang pinaka-seryosong gagawin: ang pagsulat ng talambuhay ng Dakilang Malay. Ang timpalak sa talambuhay ni Rizal na ginawa ng Jose Rizal Centennial Commission ang naging daan para rito. Inilahok niya ang kanyang manuskrito sa ilalim ng palayaw na “Aries,” ang kaniyang sagisag sa zodiac, at hinirang ito ng lupon ng mga hurado, sa pamumuno ni dating Justice Alex Reyes ng Korte Suprema, bilang pinakamahusay sa anim pang ibang mga sumali.
May lamang si Guerrero sa mga naunang sumulat ng talambuhay ni Rizal: kay Wenceslao Retana, ang masipag na bibliographer na Kastila, na ipinakitang tapat pa rin si Rizal sa Espanya; kay Austin Craig, ang Amerikanong propesor ng kasaysayan, na nagsimulang maghulma kay Rizal bilang santo; at kay Rafael Palma, na siyang unang tamang nagpakita ng mga damdamin at pangarap ni Rizal, pero ang kanyang pagiging Mason ay naging dahilan para hindi siya makagawa ng isang patas na pagtingin sa aspektong relihiyon ng buhay ng ating bayani.
Mas mahusay ang aklat ni Guerrero sa tatlong ito: isa siyang masipag na mananaliksik sa panahong halos nailabas na lahat na ng bahagi ng buhay ng ating bayani; may malawak siyang kaalaman sa kasaysayan ng Pilipinas at iba pang mga bansa; at ipinakikita niya ang motibasyon ni Rizal bilang isang Pilipinong ipinagmamalaki ang kaniyang kalinangan, pero may malawak din siyang pananaw na internasyonal na nagpapakitang hindi pinakamagaling ang kaniyang bansa o rasa. Para kay Guerrero, si Rizal ang pinakadakilang taong nanggaling sa rasa ng mga Malay; pero hindi niya ipinakita si Rizal bilang isang santo o imahen sa museo — kabaligtaran nito, ipinakita niya sai Rizal bilang isang tunay na tao na may mga pagkakamaling matatagpuan sa kahit sino pa mang mga tao, at may matang “nakatutok din sa mga magagandang babae,” isang bagay na ayaw ipakita ng iba nating kababayan na gustong idambana si Rizal.
Leon Maria Ignacio Agapito Guerrero y Francisco ang kumpletong pangalan sa binyag ng ating awtor. Siya’y isinilang noong ika-14 ng Marso, 1915, sa distrito ng Ermita sa Maynila, anak ni Dr. Alfredo Leon Guerrero at Filomena Francisco, ang unang Pilipinang pharmacist. Matagal nang prominenteng residente ng Ermita ang kanilang pamilya, ang Ermita na isang pamayanan sa timog ng Intramuros at kilala noong panahon ng mga Kastila bilang lunan kung saan galing ang mga habing may magagandang burda at mga magagandang mestiza. Ang kaniyang lolo ay si Leon Maria Guerrero, kung saan sinunod ang kaniyang pangalan, isang kilalang botanist at kinatawan sa Malolos Congress at kasapi sa uang Philippine Asembly. Lolo rin niya si Beato Francisco ng Sampaloc, isang mamamahayag na namumuno sa El Comercio, nangungunang pahayang pang-negosyo noong panahon ng mga Kastila. Si Fernando Maria Guerrero, ang makata at mamamahayag ng rebolusyon, ay kaniyang tiyo; gayundin si Manuel Severino Guerrero, na nakadiskubre sa tiki-tiki, isang gamot sa beri-beri. Intelektuwal ang pamilya ni Guerrero, at hindi nakagugulat na nakipagsabayan ang batang si Leoni sa dalawa pang mga kaibigan at karibal ng walong taon, sina Padre Horacio de la Costa at ang namayapa nang si Jesus Paredes, Jr. Lahat sila’y ginawaran ng Bachelor of Arts, summa cum laude, ng Ateneo noong 1935, katapat ng record na itinala ng ating bayani mula sa Calamba dalawang henerasyon na ang nakararaan .
Nag-aral siya ng Abogasiya sa gabi sa Philippine Law School habang nagsusulat para sa Philippine Free Press. Isa niyang naisulat ang satirikong nobelang, “Ang Kagalang-galang nasi Mayor,” na inilabas bilang serye sa naturang magasin. Isang taon bago siya nagtapos bilang summa cum laude, pinakasalan niya ang magandang dilag na si Anita Carominas ng Cebu noong 1938, at bilang pulotgata, nagpunta sila sa isla ng Bali sa Indonesia. Biniro siya ng ilang malditong kaibigan na para itong pagdadala ng uling sa Newcastle. Matapos pumasa sa pagsusulit sa bar bilang isa sa may 15 pinakamataas na marka, sumama siya sa opisina ng Solicitor General at habang naroroon, ay inatasang gumawa ng isang apela laban sa bata at matalinong kapwa abogado, si Ferdinand Marcos, na naging Presidente ng Pilipinas. Pinawalang sala ng Korte Suprema ang naakusahan sa krimen ng pagpatay, pero ang desisyo’y hindi repleksyon sa nang-uusig, na ang kaso’y naka-angkla sa isang hindi-mapagkakatiwalaang kumpisal ng isa di-umanong miyembro ng grupo na naging testigo laban sa estado.