26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Ang dalawang mukha ng halaga ng piso

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Agosto 5, 2023 na bumababa  ang halaga ng piso na sumabay sa pagbagal ng inflation rate. Ang dalawang ito ay magkaugnay dahil tumutukoy ang mga ito sa halaga ng piso.

May dalawang katangian ang ang halaga ng salaping Piso na pinangangalagaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ang unang anyo ay ang internal o panloob na halaga ng piso samantalang ang ikalawa ay ang  eksternal o panlabas na halaga ng nito. Ang panloob na halaga ng piso ay ang kakayahan nitong makabili ng mga produkto at serbisyo sa loob ng bansa. Ang inflation rate ang naghahayag ng antas na panloob na halaga ng salapi ng bansa. Ang bumabagal na inflation rate ay nagpapahiwatig na ang tumataas ang kakakayahang makabili ng salaping Piso ng mga produktong ipinagbibili sa loob ng ating ekonomiya. Kaya magandang balita ang patuloy na pagbaba ng inflation rate. Tinalakay na sa kolum na ito sa noong Hulyo 6, 2023 kung papaano naitatakda ang inflation rate ng isang bansa.

Ang ikalawang mukha ng halaga ng piso o ang kakayahang makabili nito ng mga produktong inaangkat. Ang eksternal na halaga ng salaping piso ay inihahayag sa palitan ng salapi o exchange rate.  Maituturing ang exchange rate bilang ng presyo ng dayuhang salapi o US dolyar. Kapag ang exchange rate ay tumataas, naghahayag ito na nagiging mahal ang presyo ng US dolyar. At nagpapahiwatig din ito na ang salaping piso ng Pilipinas ay nakararanas ng pagbaba ng eksternal nito o ang salaping Piso ay sumasailalim sa depresasyon.

Paano naitatakda ang palitan ng salapi o ang presyo ng US dolyar? Ang pinakapayak na paliwanag ay ang interaksyon ng demand sa  at suplay ng US dolyar. Tulad ng anumang produkto o serbisyo, ang US dolyar ay may presyo at ito ay itinatakda ng demand sa US dolyar at suplay ng US dolyar sa ating bansa.  Ang demand sa US dolyar ay tumataas kapag mababa ang presyo nito o mababa ang exchange rate. Ang demand sa US dolyar ay nagmumula sa mga produkto at serbisyong na gumagamit ng US dolyar upang mabili. Sa ating bansa, tayo ang nagdedemand ng US dolyar upang magamit sa pag- aangkat ng mga dayuhang produkto at serbisyo na mabibili sa US dolyar. Kapag ang presyo ng US dolyar ay bumababa naeenganyo ang mga Filipinong bumili ng mga dayuhang produkto dahil mura ang mga ito o tumataas ang eksternal na halaga ng piso. Kapag naman ang exchange rate ay tumataas , tumataas ang presyo ng US dolyar at mga produktong inaangkat ay  nagiging mahal kayat bumababa ang demand natin sa US dolyar dahil ang kakayahang makabili ng salaping piso ng Pilipinas ay bumababa.

Samantala, ang suplay ng US dolyar ay nakabatay sa eksport ng ating bansa. Kapag mabababa ang exchange rate, o mababa ang presyo ng dolyar, mahina ang insentibo na mageksport dahil ang makukuhang benta sa pagluluwas ay mababa rin. Maipagpapalit lamang ang murang dolyar sa mas kaunting dami ng piso. Samantala, kapag tumataas ang presyo ng US dolyar o ang exchange rate ay tumataas malakas ang insentibo mageksports dahil ang bawat US dolyar na kikitain nila ay maipagpapalit sa mas maraming piso.


Ang interasksyon ng demand sa at suplay ng US dolyar ang nagtatakda ang presyo ng US dolyar o exchange rate. Ayon sa batayang ito ano ang dahilan kung bakit bumababa ang eksternal na halaga ng piso o ang exchange rate ay tumataas? Maaari itong itukoy sa pagtaas ng demand sa US dolyar o sa pagbaba ng suplay ng US dolyar sa bansa.  Isa sa mga dahilan sa pagtaas ng demand sa US dolyar ay ang malawak na import o inaangkat ng bansa lalo na sa pahanon ng paghaon ng ekonomiya mula sa pandemya.  Sa kabilang dako, ang suplay ng US dolyar ay bumababa dahil sa mababang eksports ng ating bansa dahil hindi pa rin tumataas ang iniluluwas ng bansa dahil sa mga pangyayari sa ibang bnasa. Ikalawa, bumababa rin suplay ng US dolyar dahil sa mataas ang interest rate sa Estados Unidos nais ilagay ng mga mamumuhunan dito sa Pilipinas ang kanilang pondo sa US dolyar at ilagak ito sa mga instrumentong pananalapi na Estados Unidos. Ikatlo, ang napipintong resesyon sa China ay nagdudulot ng pagbaba ng kanilang mga gugulin kasama ang pag-aangkat ng mga produktong gawa sa Pilipinas. Isa pang dahilan ay ang mahinang pagpapadala ng mga salapi ng mga OFWs. Maraming dahilan ang pagbaba ng eksternal na halaga ng piso at ang tinalakay ko sa itaas ay mga posibleng dahilan. Ano sa palagay ninyo ang dahilan na nagpapababa sa eksternal na halaga ng piso?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -