MAYROONG tatlong elemento para magkaroon ng kasaysayan — tao , lugar at panahon. Kung wala ang lahat ng ito, walang kasaysayan na maisusulat. Kung gayon, puwede bang magkaroon ng kasaysayan ang mga hayop, lalo na ang mga aso?
Inilunsad noong Sabado, Agosto 5, 2023, ang akda ng aking kaibigang si Ian Christopher Alfonso na Dogs in Philippine History, na sampung taon niyang pinagpagalan. Dito makikita na ang kasaysayan ng aso sa Pilipinas ay kasaysayan ng kung ano ang ginawa ng tao sa aso. Samakatuwid ito ay kasaysayan pa rin ng Pilipino at ng kanyang pakikipag-ugnay sa aso.
Sa 654 na mga pahina at 28 mga bahagi, masasabing ang aklat ay ”overwhelming” sa unang tingin. Gayundin, lahat ng datos ay binabanggit ang pinaghanguhan, kumbaga iskolarli at siyentipiko ang metodo, batay sa ebidensya at pananaliksik. Kaya naman kung tutuusin, maraming maaaring sabihin ukol sa aklat dahil napakaraming tema nitong natatalakay, komprehensibo kumbaga.
Kaya bilang isang public historian, ang tatalakayin ko na lamang ay kung papaanong sa kabila ng pagiging isang aklat na mabigat sa datos, tumatawid ang akda sa pagiging pagiging public history — o kasaysayan na inilalapit sa madla.
Sa kabila ng pagbanggit sa lahat ng mga naunang nag-aral ukol sa kasaysayan ng aso sa Pilipinas, akademiko man o kasaysayang pangmadla (Gilda Cordero Fernando, Nicolo Ludovice, Arleigh de la Cruz, Taj Vitales, at iba pa), hindi mabigat sa teyorya ang aklat kaya naman tila koleksyon ito ng mga salaysay o kuwento na madaling basahin. Puwede mo itong dalhin sa Boracay habang nagpapahangin sa dalampasigan, o basahin bago matulog.
Kahali-halina rin dahil hindi tinipid sa mga makulay na larawan, marami sa mga ito ay hindi pa masayadong nakikita ng madla. Ngunit, dahil hindi naman lahat ng sandali sa kasaysayan ay naidokumento ng foto, ang marami sa mga ito ay kailangang lagyan ng pagsasalarawan, at dito inipon ni Alfonso ang ilang mga artista Derrick Macutay, Mariel Ylagan Garcia, Richard Baula at Alfred Galvez.
May isang buong seksyon ukol sa mga aso sa sining biswal na pinamagatang ”Joyce,” ang pangalan ng aso ng pintor na si Juanito Torres (na mula kay Joyce Jimenez) na lagi niyang inilalagay sa kanyang mga obra. Liban, kay Torres tampok sa seksyon na ito ang mga akda nina Fernando Amorsolo, Carlos ”Botong” Francisco, Lorenzo Guerrero, Vicente Alvarez Dizon, José Rizal, na ipinapaalam pa isa-isa mula sa mga ay-ari nito kaya nagtamo ng pinakamagandang kalidad ng mga imahe. Masasabi kong ang aklat ay ”amalgamation of the Filipino talent” kaya ang aklat mismo ay maituturing na “work of art in itself.” Walang tapon at hindi sayang ang ipambibili mo ng aklat.
Ang pinakamahaba ang isa sa pinakatampok na bahagi ng aklat ay ang ”Dog Memorials” na nagtataglay sa kuwento ng mga natatanging aso na dinakila sa bansa tulad nina Saver at Kabang, ito lamang sana yung bahaging may pamagat na ”Dogs in Philippine History.”
Hindi ko maalala kung naaalala ni Ian na minsang iminungkahi ko sa kanya na ito na ang gawin niyang pamagat ng aklat: pinakasimple, naroon na lahat ng gusto lamanin, hindi na kailangang ipaliwanag. Tendensiya kasi ng akademiko na magpamagat ng mga mahahabang pamagat sa linya ng “Ang Dalumat ng Aso sa Kapantasang Pilipino at Kalinangang Austronesiko.”
Maraming bahagi ng aklat ang anekdotal — halimbawa, malalaman niyo sa aklat na ayon sa anak ni Marcelo H. Del Pilar na si Anita, na mayroong dalawang dalmatian ang kanyang ama. Masarap isipin na hindi lang pala siya Mr. Suave at Siling Labuyo, magiliw din siya sa alaga. Gayundin, si Commodore George Dewey, nang ilunsad laban sa mga Espanyol ang Labanan sa Look ng Maynila, ay may dala palang ligaw na Chow-Chow mula sa Hongkong na kanyang nang inampon. Mula sa aklat na ito malalaman kung bakit kaya naniniwala ang mga Pilipino na nalalason ang aso sa vetsin kahit hindi naman totoo, at malalaman din ang kuwento ng isang sundalong Amerikano na ang pangalan ay William Leonard Baker na nahumaling sa isang aspin sa Tacloban na ang pangalan ay Castelar at ang kanilang bitter-sweet na kuwento ng pagmamahalan.
Pero hindi ibig sabihin walang malaking tema ang aklat. Isa sa mga pangunahin at malaking naratibo ng aklat ay ang kuwento ng Pilipinong aso, na noon ay tawag ay aso lamang. Na ayon kay Padre Francisco Ignacio Alcina, ang pinakaimportanteng kronikler ng Kabisayaan, ”na ang pagtrato ng mga katutubo sa mga ito ang marahil pinakadakila sa kahit anong mamamayan sa daigdig.”
Ngunit sa pagdating ng kolonyalismo, ang aso na ito ay itinuring na marumi at iniwan na sa calle, hence, magiging asong kalye, askal. Sa mga nagdaang panahon, makikita natin kung papaanong naingat muli ang dangal ng askal ng dahil sa mga atletang Azkals at dahil ang askal ay ginawa nang Aspin o Asong Pinoy. Kumbaga, nasalamin din sa kuwento ng Asong Pilipino ang ating kuwento ng pagkakasagap ng kolonyal na mentalidad sa pagtratong marumi ang aspin at pag-aalaga ng mga dayuhang breed at ang pagyakap muli ng mga ordinaryong Pilipino sa aspin.
Tinitingnan ko ito sa kung papaano raw inuuri ng mga sinaunang Pilipino ang mga nilalang ayon kay Dr. Carmen Peñalosa ng Kolehiyo ng Miriam: (1) Tao (sentral sa kaginhawahan), (2) Hayop / Halaman (nagbibigay ng ginhawa sa tao, bilang pagkain at alaga), at (3) Aswang (sumisira sa ginhawa ng tao). Sa maraming panahon, itinuturing silang tagapagbigay ng ginhawa subalit may panahon na itinuring silang mga aswang noong panahong wala pang bakuna sa rabies, at sa ngalan ng pampublikong kalusugan, ay pinagpapatay ang maraming aso noong panahon ng Espanyol at inilibing sa Luneta de Bagumbayan. Itinuring silang aswang na nagpapaalala sa atin kung papaanong ang mga nire-redtag at mga lulong sa ipinagbabawal na gamot ay pinatay sa ngalan ng kabutihang pambayan.
Kung Pilipinong perspektiba ang hinahanap, hitik ang aklat sa mga naratibong mula sa bayan, mga epiko, mga awitin (halimbawa Banal na Aso ng Yano), at iba pa. Nakatala na sa aklat ng kasaysayan (ni Alfonso) ang nangyari sa aking best friend noon na si Mirdad Abuy noong ako ay nasa ikatlong baitang, Dekada 1990, nang makagat ng aming aso. Imbes na sa doktor namin dalhin kinabukasan, siya ay dinala sa Victoria, Tarlac, sa katabing bayan namin, upang ipa-tandok. Ipinasipsip ang rabies sa tulong ng sungay ng kalabaw at idinura ng hilot. Ayon kay Alfonso, marahil konektado ito sa paniniwala sa kaluluwa na lumalabas sa butas ng ating mga mukha at katawan.
Una kong nakilala si Alfonso bilang tagapagtanggol ng kanyang bayang Macabebe at ng mga Kapampangan sa taguring sila ay ”Dugong Aso” dahil sa pagkampi ng ilan sa kanila sa mga mananakop na Espanyol at Amerikano. Tapat daw sila sa kung sino ang kanilang amo, ngunit wala pa namang bansang Pilipinas sa panahon na iyon at kanilang lamang iniingatan ang kanilang interes. Subalit napatunayan na rin naman sa maraming pagkakataon na ang lahi ni Ian Alfonso ay palaban din tulad ng aso na batayan ang laya ng bayan, simula pa lamang sa bayaning walang pangalan na nanguna at namatay sa Labanan sa Bangkusay noong 1571, isang paksang malapit din kay Alfonso. May mga pagkakataon na nilalagayan natin ng katangian ng tao ang aso and vice versa. Bakit tinatawag ang ipokrito na banal na aso, napakasama ba sa atin ng aso? Kaiba talaga sa ibang bansa sa Asya na naniniwala sa reinkarnasyon, talagang may paghahati ang kulturang Pilipino sa tao at sa hayop, pero hindi ibig sabihin ay hindi nito mahal ang aso.
Paborito ko rin na bahagi ng aklat ang tungkol sa papel ng Rizal Park Luneta sa Kasaysayan ng aso sa Pilipinas — bilang pinaglibingan ng mga asong pinatay noong epidemikong rabies at noong panahon ng Amerikano naman ang sayt ng Manila Carnival Dog Show. Maaaring maging produkto rin nito ay isa pang aspekto ng kasaysayang pangmadla, ang pinapanukalang monumento ng asong Pilipino sa pinakaimportanteng liwasan ng bansa, ang sentro ng Pilipinas, sa Barangay 666 sa Lungsod ng Maynila (hence, Chapter 26 Barangay 666, opisina rin ng NHCP na opisina ni Alfonso).
Bagama’t mayroon nang ibang naunang nagsulat ukol sa mga aso sa Pilipinas, sa aking palagay si Alfonso talaga ang tamang tao na magsagawa ng ganitong obra na komprehensibo at mainam, dahil hindi lamang siya historyador, may hilig din siya sa agham o mga hayop, may hilig sa mga monumento, may natatangi at kilalang istilo sa graphic design at book lay-outing, at nakapaglakbay na sa maraming lugar bilang iskolar at bahagi ng Komisyong Pangkasaysayan. Aba, naisama pa niya ang hilig niya sa anime (Dahil sa kartuns na Dog of Flanders at sa asong si Patrasche na pinanood namin noong bata kami, at inawit pa nga namin sa Kapampangan—AB Cedie, Sara, Remi, Nello, Patrasche, magtindang gatas). Kaya naman, tila lumitaw ang pagka-Renaissance Man ni Ian dito, and ”there is something for everybody,” ika nga.
At sa usaping public history o kasaysayang pangmadla, dati kapag may paksa ka na gusto pag-aralan, itatago mo ang paksa mo kasi baka maunahan ka. Pero iba na ngayon ang panahon, dahil alam ng lahat na nagsusulat si Alfonso ukol sa mga aso, ay mga batis na mismo ang inilalapit sa kanya ng mga kaibigan at kapanalig, na nagpapakita sa kasaysayang pangmadla bilang gawain ng bayanihan. At alam natin na kahit may magsulat ukol sa iyong paksa, may iba ka pa ring atake at maidadagdag.
Maaari namang isulat niya ito para sa ikasusulong ng kanyang akademikong karera pero salamat Ian Alfonso, at inialay mo ang napakahalagang akdang ito sa altar ng kasaysayang pangmadla.
Sa tanong kung may kasaysayan ba ang aso, mayroon dahil tulad ng ipinakita ng aklat, may kasaysayan ang aso hangga’t siya ay may saysay sa tao, kaya ang Dogs in Philippine History ay kuwento rin natin. Dogs in Philippine History is also, our history and our story, isang salamin ng pagkataong Pilipino bilang isang bansa, lalong-lalo na ng bawat isang nagmamahal sa kanyang alaga.