27.9 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

P173-M iginawad sa manggagawa sa Region 7

Sa pamamagitan ng DoLE-SeNA

- Advertisement -
- Advertisement -

IGINAWAD ng Department of Labor and Employment (DoLE-7) ang mahigit P173 milyon sa mga apektadong manggagawa sa ilalim ng programang Single Entry Approach (SEnA). Ito ay para lamang sa unang anim na buwan ng taong kasalukuyan.

Nakinabang sa nasabing halaga ang 2,904 na manggagawa mula sa buong Central Visayas, para sa iba’t ibang monetary claims para sa kanilang underpayment sa sahod; maternity claim; at hindi pagbabayad ng 13th month pay, holiday pay, night shift differential, service incentive leave, at overtime pay, bukod sa iba pa.

Naitala ang pinakamalaking halaga noong Mayo na umabot sa P103.5 milyon na iginawad sa 1,136 manggagawa.

Samantala, pinangasiwaan din ng Kagawaran ang pagbibigay ng mga sumusunod na monetary claim: P43.7 milyon sa 887 apektadong manggagawa noong Marso; P11.8 milyon sa 405 manggagawa noong Pebrero; P8.1 milyon sa 221 manggagawa noong Enero; P3.9 milyon sa 159 manggagawa noong Hunyo; at P1.7 milyon sa 96 manggagawa noong Abril.

Sinabi ni DoLE-7 Regional Director Lilia Estillore na ang positibong resulta ng SEnA, bilang alternatibong mekanismo sa pagresolba ng hindi pagkakaunawaan, ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang field offices ng DoLE-7. Para sa unang semestre ng taon, pinangasiwaan ng DoLE-7 ang 1,379 requests for assistance (RFAs) na may 84.70% settlement rate at 97.75% disposition rate.

Pinasalamatan ni Direktor Estillore ang lahat ng Single Entry Assistance Desk Officers (SEADOs) sa kanilang pagsusumikap upang tiyakin na maisasaayos sa loob ng 30 araw o mas maaga sa itinakdang araw ng proseso ang lahat ng natanggap nilang kahilingan na tulong mula sa online SENA o sa mga kliyenteng nagpunta sa kanilang tanggapan.

Mula Enero hanggang Hulyo 2023, tumatagal lamang sa lima hanggang anim na araw ang pangangasiwa ng DoLE 7 sa mga hiling na tulong.

Ang halaga ng settlement at ang bilang ng mga nakinabang na manggagawang sa bawat field office ay ang mga sumusunod:

1)    Tri-City Field Office (sakop ang siyudad ng Cebu, Mandaue at Lapu-Lapu) – P161,562,759.84 ang kabuuang halaga na  tinanggap ng 2,476 manggagawa;

2)    Negros Oriental Field Office (NOFO) – P4,729,463.08 ang tinanggap ng 118 manggagawa;

3)    Cebu Provincial Field Office (CPFO) – P3,420,412,44 ang kabayarang natanggap ng 169 apektadong manggagawa;

4)    Bohol Field Office – P2,624,293.81 ang ibinigay sa 82 manggagawa ; at

5)    Siquijor Field Office – P715,073.44 kabuuang halaga ang napakinabangan ng 59 manggagawa.

Hinimok ni DoLE-7 OIC-Assistant Regional Director Emmanuel Ferrer ang mga manggagawa at employer na may mga suliranin ukol sa paggawa na pakinabangan ng husto ang SEnA, kung saan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng employer at empleyado ay inaasahang maaayos sa loob ng 30 araw sa pamamagitan ng conciliation at mediation proceedings.

Makikita ang e-SEnA o online SEnA sa opisyal na website ng DoLE-7 – https://ro7.dole.gov.ph/.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -