27.5 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Choco Mucho Flying Titans sasabak sa VTV Intl Women’s Volleyball Cup

- Advertisement -
- Advertisement -

CHOCO Mucho Flying Titans pambato ng Pilipinas sa 2023 VTV (Vietnam Television) International Women’s Volleyball Cup na gaganapin sa probinsya ng Lao Cai sa Vietnam mula ika-19 hanggang 26 ng Agosto.

Wagi ang Choco Mucho kontra sa Chery Tiggo sa kanilang huling laban para sa ikapitong pwesto sa PVL Invitational Conference noong Hulyo 22. (LARAWAN NG PVL)

Ito ay matapos ianunsyo ng koponan sa kanilang Facebook page noong Lunes ang kanilang partisipasyon sa international tournament, na siya namang kinumpirma ng coach ng Flying Titans na si Dante Alinsunurin noong Miyerkules, Agosto 2.

Binubuo ng pitong koponan, makikipagbakbakan ang Choco Mucho sa anim na iba pa, kasama ang dalawang koponan mula sa Vietnam, ang Tel Vietnam at U23 Vietnam, at apat na guest teams: Australia, Mongolia, Kansai University ng Japan at ang Suwon Club mula sa South Korea.

Samantala, matapos baguhin ang format ng kompetisyon, magiging maikli ang labanan dahil wala ng semi-finals. Ngayon, ang mga koponan ay magtutunggali sa round-robin format kung saan ang dalawang koponan na aangat sa dulo ang siyang magtutunggali para sa titulo.

Gayundin ang mga nasa ikatlo at ikaapat na ranggo na siyang magpapaligsahan para sa ikatlong pwesto, habang ang nasa ikalima at ikaanim na ranggo naman ang siyang maglalaban para naman sa ikalimang pwesto.


Sa mga naunang season, hinahati sa dalawang grupo ang mga lalahok at kung sino ang dalawang koponan na pinakamahusay mula sa bawat grupo ang siyang magkikita sa semi-finals.

Itinatag noong 2004, ang VTV Cup ay ginaganap taun-taon sa Vietnam. Ngunit nahinto ito noong 2020 hanggang 2022 dahil na rin sa paglaganap ng Covid-19 at pag-iiskedyul muli ng 2021 Southeast Asian Games. Huling nagkampyon dito ang NEC Red Sockets mula sa Japan noong 2019.

Inaasahan na magpapakitang gilas ang tropa nila Sisi Rondina matapos magtapos sa ikapitong pwesto ang Flying Titans sa 2023 PVL Invitational Conference.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -