SA gitna ng pagwawakas ng public health emergency dahil sa Covid-19 at sa mga pinangangambahang sama ng panahon, naghain si Senador Win Gatchalian ng resolusyon upang suriin ang kahandaan ng mga paaralan para sa School Year 2023-2024.
Maliban sa pagwawakas ng public health emergency na dulot ng Covid-19 at ang banta ng El Niño, binigyang diin ni Gatchalian na nagdulot ng mas maikling school break ang pagbabago sa school calendar. Para sa taong ito, nakatakda ang school break mula Hulyo 8, 2023 hanggang Agosto 27, 2023, katumbas ng 51 araw. Sa gitna ng break na ito, magsasagawa ng mga remedial classes sa mga pampublikong paaralan mula Hulyo 17, 2023 hanggang Agosto 26, 2023.
Layon ng Proposed Senate Resolution No. 689 ang agarang pagsusuri sa mga hamon at sa magiging epektibo ng parehong face-to-face classes at alternative delivery modes. Bibigyan din ng konsiderasyon ang mga panawagang ibalik ang summer break mula Abril hanggang Mayo.
Sa ilalim ng Department Order (DO) No. 034 s. 2022, nakatakdang magsimula ang school year (SY) 2023-2024 sa Agosto 28, 2023 at magtatapos sa Hunyo 28, 2024. Matatandaan na ginamit ang DO No. 034 s. 2022 na batayan para sa SY 2022-2023. Nakasaad din dito na maglalabas ng hiwalay na DO para sa pagsisimula ng SY 2023-2024 at SY 2024-2025.
Samantala, kamakailan lang ay inanunsyo ng DepEd na binabalak nilang simulan ang pasukan sa Agosto 29 imbes na Agosto 28. Isinasapinal na rin ang DO na magtatakda sa school calendar para sa darating na school year.
“Sa gitna na patuloy na pagbangon mula sa pandemya at pagbabalik sa normal ng sektor ng edukasyon, napapanahong suriin natin ang kahandaan ng ating mga paaralan para sa patuloy na paghahatid ng edukasyon. Dahil nagpapatuloy pa rin ang mga hamon at pinsalang dulot ng pandemya, mahalagang matukoy natin kung paano natin tutugunan ang mga ito,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Binalikan ng senador ang mga naging hamon sa pagpapatupad ng distance learning noong isuspinde ang pagpapatupad ng face-to-face classes dahil sa Covid-19, lalo na’t mas maraming mga nangangailangang mag-aaral ang apektado ng digital divide. Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2021 sa mga nangangailangang mga sambahayan, 40% lamang ang may access sa internet at 95.5% ang gumamit ng mga papel na modules.