SA ating paglikom ng mga kaalaman sa agham o siyensiya tuwing huling Lunes ng buwan, tukuyin natin ngayon ang malusog, mahaba at maligayang pagtanda. Ano ang dapat gawin hindi lang para humaba at lumusog ang buhay-maedad, kundi magkaroon din ng saya at saysay?
Problema sa pagtanda hindi lamang ang panghihina ng katawan, kundi ang pagkawala ng halaga at saysay ng araw-araw na buhay. Sa katunayan, sa Amerika kamakailan, nagsampa ng panukalang batas ang isang senador ng Connecticut upang aksiyunan ang suliranin ng pamamanglaw o loneliness. “Pamamanglaw ang isa sa pinakamalubha at di-nauunawaang problema sa Amerika,” wika ni Senador Chris Murphy, ang may-akda ng National Strategy for Connection Act, upang bumalangkas ng mga programa laban sa pagkawala ng ugnayan o koneksiyon sa lipunan, gaya ng pagtugon sa kakulangan ng tulog, wastong pagkain at ehersisyo.
Sa nangyayari sa Amerika, hindi malaong mapagaya tayo, lalo na sa pagsulong ng modernong pamumuhay sa mga lungsod. At ang hamon sa maraming maedad hindi lamang ang pag-iwas sa sakit at panghihina, kundi ang pagbibigay ng timbang at kahulugan sa marami pang taon matapos magretiro sa trabaho. At magkaugnay ang kalusugan at kahulugan sa buhay ng mga lola at lolo. Ayon sa artikulong “Finding Meaning and Purpose in Old Age” sa emoha.com, maraming pag-aaral ang nagsasabing “mahusay ang epekto sa ating kalusugan kung may kahulugan at layunin sa buhay, nakalalaban sa pagpurol ng isip, sa mga suliranin sa puso at ugat, at sa kapansanan” (https://tinyurl.com/bdznfne7).
Alam na natin ang dahilan ng pagkawala ng sigla at saysay sa pagtanda: pagbagal ng galaw, sakit at kapansanan, paglayo ng mga anak at apo, at pagretiro sa trabaho. Nawawalan din ng sigasig maging ang matagumpay sa buhay, dahil mismo sa naabot na nila ang kanilang mga minimithing ambisyon at layunin. Samantala, ang hindi naabot na pangarap maaari ring maging dahilan upang maunsiyami sa buhay. Ano ang sagot ng siyensiya sa pakiramdam ng maedad na wala nang saysay ang buhay? Heto ang ilang mungkahi ayon sa pagsasaliksik:
Patuloy na magtrabaho, kahit bilang bolungtaryo na walang bayad. Ang retiradong doktor, guro o abogado, puwedeng maglingkod sa mahihirap na may sakit o kaso, at sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong sa pag-aaral. Maaaari ring magtrabaho nang bahagi lamang ng bawat araw o linggo, at kahit sa gawaing naiiba sa naging karera. Ano’ng masama kung tumao sa tanggapan ng parokya ang dating propesor o opisyal? Basta may ginagawang mabuti para sa pamayanan.
Magmalasakit at tumulong: Kaakibat ito ng naunang mungkahi na huwag huminto sa pagtatrabaho, maliit o wala mang kita. Bukod sa pagtulong sa nangangailangan, puwede ring lutasin ang mga problema sa komunidad at kapaligiran, sa halip na umasa at umangal na lamang sa gobyerno. Sa paglutas ng problema, pag-ahon ng tao, at pasasalamat ng natulungan, di-munting saysay at kahulugan ang makukuha natin.
Makipagkaibigan at makipagsaya: Sa halip na magmukmok at magsarili, subukin nating makihalo sa tao, lalo na sa kapwa maedad na di-malayong naghahanap din ng kausap, kasama at kaibigan. Hindi bale kung hindi tayo magaling kumanta, sumayaw o maglaro. Malamang gayon din ang maraming makakasama natin. Ang mahalaga, makilahok at mag-aliw. Makabubusog ito ng puso hindi lang para sa atin, kundi sa mga bago nating kaibigan at kalaro.
Lumikha at magsalaysay: Mag-isa man o may kasama, makabubuti sa kalooban ang lumikha ng mga gawang sining, gaya ng larawan, kuwento, retrato at video. Mas madaling gawin ito ngayon sa tulong ng cellphone. Mas mainam siyempre kung maipakikita natin sa pamilya at kaibigan. Subalit kahit sa sarili lang, nakapagbibigay rin sa internet, pihadong marami ang magsasabing gayon din ang naranasan nila — at magpapasalamat.
Pagyamanin ang isip: Hindi dahil maedad na tayo, hindi na kayang matuto ng bagong kaalaman. Sa katunayan, dapat pa ngang lalong magpatalas ng isip dahil mas may oras ang mga retirado upang magbasa, manood, makipagtalastasan, at dumalo sa mga panayam. Lalong madali ito ngayong lumalaganap ang malakas na internet sa mas murang presyo. At sa paglago ng kaalaman at paggamit lalo na ng memorya sa pag-aaral, malalabanan nito ang pagpurol ng alaala o dementia.
Magsikap para sa mga bagong hangarin: Hindi dahil nasa huling bahagi na tayo ng ating buhay, hindi na dapat maghangad makapagpundar o makapagsulong ng mga bagong pagkilos sa lipunan. Sa katunayan, kung ang maedad ang nangunguna sa pagtataguyod ng pagbabago at paglaban sa salang asal at pang-aapi, mas binibigyang-pansin at halaga ang kilusan. At walang ibang makapagbibigay ng sigla at saysay gaya ng pakikibaka para sa katarungan at kabutihan.
Mag-ukol ng panahon, isip at sikap sa Diyos: “Para sa mga may-edad, ang komunidad ng relihiyon ang nakapagbibigay ng pinakamalaking suporta sa lipunan bukod sa pamilya, at mga gawaing relihiyoso ang pinakamadalas na pagboboluntaryo,” ayon sa “Religion and Spirituality in Older Adults” ni Propesor Daniel Kaplan sa MSD Manual hinggil sa kalusugan. Tunay naman: Kung malapit tayo sa Panginoon, hindi kailanman tayo mamamanglaw, at marami tayong makakasama. Amen.