27.4 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Gatchalian pinatitiyak ang pagpapatupad ng Inclusive Ed law; kinilala sa adbokasiya para sa PWDs

- Advertisement -
- Advertisement -

MATAPOS niyang makatanggap ng “Special Apolinario Mabini Award” noong Hulyo 18 ng hapon sa Malacañang, nanindigan si Senador Win Gatchalian na titiyakin niya ang maayos na pagpapatupad ng batas para sa inclusive education sa pamamagitan ng puspusang oversight.

Hawak ni Senator Win Gatchalian ang kanyang Special Apolinario Mabini Award. Larawan ni Panyong Alcantara/OS WIN GATCHALIAN 

Iginawad kay Gatchalian ng Philippine Foundation for the Rehabilitation of the Disabled Inc. ang “Special Apolinario Mabini Award” bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs).

Noong 18th Congress, inisponsor ni Gatchalian sa Senado ang Republic Act No. 11650 o “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.” Nakasaad sa batas na titiyakin ng lahat ng mga paaralan ang access sa dekalidad na edukasyon para sa bawat mag-aaral na may kapansanan. Itinakda rin ng batas na walang mag-aaral na may kapansanan ang pagkakaitan ng pagkakataong makapag-aral dahil sa kanyang kapansanan.

SI Senator Gatchalian habang kinukumusta ang mga PWDs sa Malacañang. 

“Bagama’t isang tagumpay para sa atin ang pagkakaroon ng batas para sa ating mga mag-aaral na may kapansanan, isang hakbang lamang ito para maitaguyod ang kanilang kapakanan. Patuloy nating sisiyasatin ang pagpapatupad ng batas o kung naipapatupad nga ba ito upang walang mag-aaral na may kapansanan ang mapag-iiwanan,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng batas, binibigyan ng mandato ang Department of Education (DepEd) na makipag-ugnayan sa mga local governments upang magtayo at magpatakbo ng Inclusive Learning Resource Center for Learners with Disabilities (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Magbibigay ang mga ILRC ng mga serbisyong may kinalaman sa pagtuturo at pag-aaral, kabilang ang mga therapy, mga dekalidad na reading at writing materials, at iba pang mga serbisyo upang matulungan ang proseso ng pag-aaral para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Iginiit din ni Gatchalian ang pangangailangang taasan ang enrollment rate sa mga mag-aaral na may kapansanan, lalo na’t isa sila sa mga lubos na napinsala ng pandemya ng Covid-19. Batay sa datos ng DepEd noong Marso 14, 2022, may 126,598 mag-aaral na may kapansanan na naka-enroll sa mga DepEd schools para sa School Year (SY) 2021-2022, mas mababa ng 65% kung ihahambing sa 360,879 na naitala noong SY 2019-2020.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -