ANG investment ay ang pagtatayo ng mga gusali, factory at makinarya at pagtatalaga ng mga imbentaryo ng hilaw na sangkap (raw materials) para lumaki ang kapasidad ng produksyon.
Ang pinakamalawak na sukatan ng investment ay ang gross capital formation na inilalabas ng Philippine Statistics Authority bawat quarter.
Base sa sukatang ito, lumago ang investment (capital formation) sa Pilipinas ng 12.2% sa unang quarter ng taon, pagkatapos ng 13.8% na pagtaas sa buong taon ng 2022. Ang paglagong ito ay nakatakda sa real o constant terms o tinanggalan ng epekto ng inflation. Ang paglagong ito ang sukatan ng kumpiyansa ng mga mangangalakal sa Pilipinas at ibang bansa sa ekonomiya ng Pilipinas.
May iba’t ibang bahagi ang gross capital formation. Una ay ang fixed investment na kasama ang konstrukyon o pagtatayo ng gusali, paktorya at makinarya. Tumaas ang fixed investment ng 10.3%. Kasama nito ang konstruksyon na lumakas ng 14.3% at ang pagtatayo ng makinarya na lumakas din ng 7.2%. Ang ikalawa ay ang pag-iimbak ng bagong imbentaryo na lumago nang halos tatlong beses sa P29 billion sa unang quarter ng 2023 mula sa P9.1 billion sa real terms noong 2022 .
Ang ikatlo ay ang breeding stocks at orchard development. Kasama nito ang pagtatayo ng mga bukid para sa mga alagang halaman at hayop na lumago lamang ng 2.0%. Ang huli ay ang intellectual property products na mga bagong produkto ng ating mga imbentor. Lumago ito sa real terms ng 2.5%.
Nangyari ang paglago ng investment sa gitna ng pagtaas ng interest ng pautang (real lending rate) sa 3.9% noong unang apat na buwan ng 2023 mula 0.4% noong 2022. Dahil ang investment ay maaring itayo sa pamamagitan ng equity o sariling savings ng mga may-ari, at pautang na naggagaling sa mga bangko at bond market, pag tumataas ang interest, ang karaniwang nagyayari ay humihina ang investment. Ngunit sa Pilipinas, nakita natin na hindi ito nangyari. Malakas pa rin ang investment at inaasahan ng mga investor na mas malaki ang linis na kita o rate of return kaysa interest rate.
Nangyari ang paglago ng investment habang padausdos ang global foreign direct investment (FDI). Ito ang ikalawang sukatan ng investment. Ang FDI ay mga investment na galing sa mga dayuhan na pumapasok sa isang bansa. Mula $1.48 trillion noong 2021, bumagsak ang global FDI sa $1.3 trillion noong 2022, 12.4% na pagbagsak. At inaasahang tutuloy ang pagbagsak sa 2023 dahil sa kadiliman ng economic environment na dulot ng mataas na inflation, mataas na interest rates ng pautang, at ang digmaan sa Ukraine.
Kasama ang Pilipinas na nakaranas sa pagdausdos ng FDI. Sa unang apat na buwan ng 2023, bumagsak ng 18% ang FDI sa bansa sa $2.9 billion, mula $3.6 billion noong unang apat na buwan ng 2022. Mabuti na lang at maliit na bahagi lang o 9.2% ang FDI sa kabuuang investment sa buong bansa. Malaki pa ring di hamak (90.8%) ang bahagi ng mga Pilipinong investor sa ating bansa.
Ang kadilimang dulot pagtaas na inflation sa buong mundo ang puno’t dulo ng pagtaas ng interest. Kapag tumataas ang inflation, ginagamit ng mga bansa ang kanilang monetary tools para maibsan ang demand ng mga produkto. Binabawasan nila ang pag-isyu ng pera at inuutang ng Bangko Sentral ang pera na nasa kamay ng private sector sa pamamagitan ng pagbenta ng mga central bank (BSP sa Pilipinas) bills at bonds. Dahil nito, tumataas ang interest ng pautang. Ang pagtaas naman ng interest rates ang nagpapabagal ng investment at ng ekonomiya. Sa projections ng IMF noong Abril ngayong taon, bababa sa 2023 ang world GDP growth sa 2.8% mula 3.2% noong 2022. Ang pinakamalaking bagsak ay mararanasan ng mga mauunlad na bansa (advanced economies) na kung saan mas matindi ang problema ng inflation. Lagpas sa kalahati ang lagapak ng GDP growth nila sa 1.3% mula 2.7%. Alam naman natin na karamihan sa mga FDI ay galing sa mauunlad na bansa.
Ang unang dahilan ng malakas na investments sa bansa ay ang patuloy na pagtaas ng gastos ng gobyerno sa inprastruktura. Sa 2023, nakaprograma na palawigin ng pamahalaan ang gastos sa inprastruktura sa P1.28 trillion mula P1.0 trillion o 25% na paglago sa nominal terms (at 18% in real terms). Base sa pananaliksik ng Department of Finance (DoF), pag lumalakas ang infrastructure investment, lumalakas din ang private investments ng 3.7 beses sa susunod na anim na quarter.
Ang ikalawang dahilan ng kumpiyansa ng investors ay ang malagong 9.9% na pagtaas ng GNI (Gross National Income) noong unang quarter at ipinagpatuloy ang 9.9% na pagtaas noong buong taon ng 2022. Kahit bumaba ang GDP sa 6.4% noong unang quarter mula 7.6% noong nakaraang taon, napanatili nito ang mataas na GNI growth. Sa GNI isinasama sa GDP ang net primary income from abroad o malinis na kita ng mga OFWs (overseas Filipino workers) at Filipino investors abroad. Binabawas pa rito ang kita ng mga foreign expatriates at dayuhang investors sa ating bansa. Ang net primary income ay lumago ng 81.2% noong unang quarter. Nagpadala ang OFWs ng $11.67 billion noong unang apat na buwan samantalang ang Filipino investors ay nakapag-ambag ng US$3.9 billion sa unang tatlong buwan.
Ang ikatlong dahilan ay ang pagpasa noong Marso 2021 ng bagong batas na Republic Act (RA) No. 11534 na tinaguriang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na nagpaigting sa mga fiscal incentives para mas maging epektibo at kapaki-pakinabang sa bayan. Tumaas noong 2022 ang approved investments na may fiscal incentives sa P940 billion mula P773.5 billion, 17.2% na paglago in current terms (11.2% kapag real terms). Bumilis pa ang pagtaas nito sa unang quarter ng 2023 sa P480.4 billion mula P190.6 billion noong unang quarter ng 2022, 36.2% in current terms o 33.4% in real terms.