26.4 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Sulat mula sa Oas

REMOTO KONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

IKALAWANG BAHAGI

HULI kaming dumalaw sa Oas noong isang taon. Malalayo ang pagitan ng aming mga dalaw, ngunit laging panatag ang pakiramdam ko: nakalalayo ako sa lungsod na madalas ay ibig kong takasan.

Sumakay kami sa Fiera ng isang tiyo. Matapos ang siyam na oras na biyahe’y narating din naming ang Oas. Nang makita kami ng Lolo’y may ginawa siyang ikinagulat naming lahat – siya’y umiyak. Biglang naglaho lahat ng kuwento sa akin ng aking mga magulang, tiyo, at tiya (namamalo ’yan ng mga daliri kapag hindi mo nasagot ang tanong niya sa Matematika; nagpapaluhod ’yan sa mga butil ng munggo o kaya’y asin . . . ); ni hindi ako makatingin sa kanya habang umiiyak siya sa may paanan ng batong hagdanan.

Mahigpit kong halukipkip ang aking mga gamit. Makaraan ang ilang sandali’y ipinasa ko na ito sa isang pinsang nag-aabang sa tabi ng nakagaraheng Fiera.

Pagkatapos ng meryenda at kuwentuhan, nagtungo kami sa sementeryo upang magbigay-galang sa puntod ng Lola Socorro. Pagkasindi ng dalawang kandila, nagdasal ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria ang aking mga pinsan. Tahimik akong umusal ng sariling dasal . Paalis na kami nang makita ko ang puntod ng isang mamang namatay sa gulang na 106. Katabi nito ang puntod ng batang namatay naman sa gulang na labing-anim.


“Kilala mo ba siya?” tanong ko sa pinsang si Ariel. Inginuso ko ang puntod. Mahigpit kaming pinabawalan ng isang tiya na magturo sa loob ng sementeryo. Baka raw magalit ang espiritu at paglaruan kami. O kaya’y kunin.

“Oo,” pakli ni Ariel. “Kaibigan ko. Nalunod noong isang taon.”

Labing-anim na taong gulang, nalunod: Ito ang hantungan ng lahat, nasabi ko sa sarili, hantungan maging ng isang taong dinadalaw ng di-maipaliwanag na pangungulila. Pinilit kong patahimikin ang aking kalooban, pero parang may batong bumara sa aking lalamunan.

Kinaumagahan, sakay ng bisikleta ni Lolo’y naglibot kami ni Ariel. Kumain kami ng kuskos (halo-halo) sa palengke. Ang halo-halo sa Oas ay nakakabusog kung ihahambing sa halo-halo sa lungsod. Isang mangkok (hindi baso) nito’y apaw sa munggo, melon, buko, ube, gulaman, at leche plan – lahat sa halagang Ρ1.50 lamang! Ang mga binatilyo’y nag-uumpok-umpok dito tuwing umaga, matapos nilang maglampaso at magpakain ng mga alagang manok at baboy. Dito’y pinag-uusapan nila ang Junior-Senior Prom, ang kanilang mga guro’t mga kaibigan, mga crush nila, ang fraternity na sinalihan, at mga plano matapos ang haiskul.

- Advertisement -

Sa hapon nama’y inakyat namin ang mga puno ng mangga, makopa, at balimbing sa bakuran ng mga kaanak. Nagpakasawa kami sa bungang matamis dahil hinog sa puno. Dito, lumabas muli ang pagkaprobinsyano ko: kumakain ng nakakamay, nagbabasa ng Hiwaga Komiks, nakataas ang paa sa silya. Wala ang maskarang minsa’y kailangan kong isuot kung ako’y nasa lungsod.

Umikot uli kami sa gabi, sakay ng bisikleta. Nagpaikut-ikot kami hanggang makita naming nasa plasa na pala kami. Maluwag ang plasa, natatamnan ng mga santan sa kapaligiran. Malamig ang simoy ng hangin. Sarado na ang simbahan; balot ng dilim ang simboryo; binubutas ng mga bituin ang langit . . . .

Pilipino, Bikolano, at Ingles ang ginagamit naming magpipinsan kapag kami’y nag-uusap. Malapit kami sa isa’t isa, hindi dahil magkadugo kami, ngunit dahil itinuturing ko na silang mga kaibigan. Magkakaibigan kami dahil halos pareho ang mga hilig naming – tumawa, musika, lakwatsa. Matapos ang kuwentuhan sa plasa’y umuwi na kami. Wala nang katau-tao, kahit na ikawalo pa lamang ng gabi. Mga tinig na lamang ang bumabasag ng katahimikan.

Hindi kumpleto ang Mahal na Araw sa Oas kung walang prusisyon. Pagdating ng Biyernes Santo’y nililinis na’t inaayos ng mga pami-pamilya ang kanilang mga imahen. Kami nama’y inutusan na ng Lolo para ihanda ang aming karosa. Pinalibutan namin ito ng morning glory; ikinabit ng isang tiyo ang generator. Konting kalikot dito, punas doon, at handa na ang aming karosa para sa prusisyon sa hapon.

Noong 1605 unang itinayo ang simbahan ng Oas. Makailang ulit nang ibinuwal ito ng lindol, apoy, at digmaan, pero muli’t muli rin itong itinayo ng taumbayan. Ngayo’y kinulapulan ng puting pintura ang lumang simbahan, nagpapaalala sa akin ng mga nitso ng sementeryo.

Tatlumpo na lamang ang mga karosa na kasama sa prusisyon. May panahong umabot pa raw ito ng limampu, sabi ng Tatay. Nasa unahan si San Pedro – kuyom ng isang kamao ang malaking susi; nakapatong naman sa balikat niya ang isang talisayin. May imahen din ni Birheng Maria, tahimik sa kanyang kalungkutan. Ang imahen ng Hesukristong Entiyero’y kulong ng isang kabaong na salamin, sa panahon ng pansamantalang pagkagupo. Ang Hesukristong Nabuhay-Muli ay nasa dulo ng prusisyon, naliligo sa maliwanag na ilaw. Bigla kong naalala ang 16-na-taong-gulang na kaibigan ni Ariel at ako’y nanlamig, dinapuan ng magkahalong takot at lungkot.

- Advertisement -

Linggo ng Pagkabuhay. Nagsimba ako, kahit na hindi ko masyadong maintindihan ang salitang Bikolano. Halu-halo ang mga amoy sa simbahan – alikabok, pawis, kandila, insenso, lumot – pati na yata ang amoy ng dantaon.

Halos nagpapatiran ang mga letra dahil sa mabilis na pagsasalita ng matandang pari. Minsa’y sinurot niya ang organista nang bumaba ng kalahating tono ang organo. Matapos ng kumpisal, pinagalitan niya ang mga babaing naka-maong: ”Uda respeto sa Santa Misa! (Walang galang sa Banal na Misa),” Naglakbay ang aking mata mga mata – halos lahat ng babae sa simbaha’y naka-maong.

Sa pagtatapos ng Misa’y nag-iisang umawit ang pari. Nahalata niya ito. Sumigaw siya sa mikropono. “Magcanta camo gabos! (Lahat umawit).” Naghagalpakan ng tawa ang mga tao. Ito ang unang Misa ko matapos ang apat na buwang paglayo.

Isang araw bago kami umalis, sinabihan ako ng Nanay na samahan ang Lolo sa mababang paaralang pampubliko. Magtitipon daw muli ang Class 1937, sabi ng Nanay, at guro raw nila sa ikapitong baitang ang Lolo.

Nasa kabilang kalye lamang ang paaralan. Ayaw sana siyang payagang lumabas ng aking mga tiya, pero nagpumilit siya at lumabas na ng gate. Tuwid pa ring maglakad ang Lolo, pero hinawakan ko ang isa niyang kamay. Baka siya matisod. Animo’y mga berdeng ilog ang mga ugat na nagsasanga-sanga sa kanyang kamay.

Matapos kumain, nagkaroon ng isang programa. Isang mamang malaki ang panga ang nagkuwento ng mga kapilyuhang ginawa niya; isang aleng mukhang guro naman ang umawit. Nasa likod ako ng malaking silid, tahimik na nanonood. Marahan akong lumabas ng silid-aralan.

Sa ilalim ng punong-mangga, nagsindi ako ng Marlboro. Hindi ako makapanigarilyo sa bahay sa lungsod; lalong hindi ko ito magawa sa bahay ng Lolo sa lalawigan. Ang batang tahimik at mahilig magbasa, naninigarilyo na ngayon? Munting iskandalo marahil ang ihahatid nito.

Tahimik ang hapon. Sa di-kalayua’y hubad ang Mayon – walang ulap na nakatakip dito. Hindi na makinis ang balat ng bulkan, subalit bumibilis pa rin ang tibok ng puso ko tuwing makikita ko ito. Tila mayamang dibdib ang bulkan, may sariling buhay, humihinga.

Mabait siguro ako. Sabi ng matatanda, sa mababait lamang daw ipinakikita ng Mayon ang kanyang buong hugis.

 

Naglakad-lakad ako sa paaralan. Tuyot na petsay, umaalingasaw na palikuran, kaimitong maninipis ang dahon, silid na may bintanang kapis – muling bumalik sa akin ang mababang paaralan sa Pampanga, at tila narinig kong muli ang mga yabag ng isang pitung-taong-gulang, nagsusunog ng kilay habang nakaburol ang kanyang Lola, humahabol sa honor roll dahil lahat daw ng kanyang mga pinsa’y may ganitong karangalan; ngunit di rin naman nakaligtaan ang holeng kulay-bahaghari, ang bayabas ng kapitbahay, ang dogfight ng saranggola . . . .

Alas-kuwatro ng umaga nang gisingin ako ng nakababatang kapatid.

“Dali, Manoy, baka maiwanan ka! Alas-kuwatro y medya ang alis natin!”

Matapos mag-almusal, binuhat na namin ang mga gamit at inayos ang mga ito sa Fiera. Katitila pa lamang ng ulan. Mamasa-masa pa ang lupa.

Si Lolo’y may suot na bughaw na bonnet at makapal na kayumangging sweater. Hinalikan namin siya sa pisngi. Nangako kaming babalik uli,  kung hindi sa Mahal na Araw ay sa Araw ng mga Patay. Tumango-tango lamang siya.

Bumaba na kami sa hagdanang bato, sumakay sa Fiera, at kumaway sa Lolong nakatayo sa balkonahe. Umandar na ang sasakyan. Malayo na kami’y kumakaway pa rin ang Lolo. Habang palayo ang sasakya’y walang kakurap-kurap ang tingin ko sa Lolo, hanggang nilamon na siya ng dilim.

Pero hindi ko natupad ang pangako kay Lolo. Hindi na ako nakadalaw muli. Lumipat na rin sa lungsod ang pamilya ng tiyo na nag-aalaga kay Lolo. Isinama nila ang Lolo.

Huli kong nakita ang Lolo noong despedida para sa isang tiya na pupunta sa New York para dumalo sa kasal ng aking pinsan. Nag-tape kami ng isang palatuntunan – regalo  namin sa pinsang ikakasal. Ako ang emcee (dahil hindi pinaaawit ang emcee) at hinihilingan ko ng isang awit ang Lolo. Lahat ay natahimik: ang awit niya’y tungkol sa isang binatang nalulungkot; at hinihiling niyang sana’y makasama na niya ang minamahal na nahiwalay na sa kaniya.

Pitumpu’t-siyam na taong gulang na ang Lolo.

Namatay ang Lolo isang buwan matapos ang despedida. Atake sa puso. Inilibing siya sa Oas. Sa pagkakataong ito’y sumama ako sa kanyang libing.

Pagkalibing sa Lolo’y ikinandado na ang lumang bahay. Ipininid ng mga bintana’t pinto ang kanilang mga mata. Umingit ng pamamaalam ang kahoy na sahig. At tinitigan ng mga dahon sa bakuran ang bahay na wala nang laman.

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -