26.8 C
Manila
Lunes, Nobyembre 11, 2024

Hamon kay Bongbong

- Advertisement -
- Advertisement -

ULTIMONG BIGWAS

Ni Mauro Gia Samonte

ANO na ang narating ng ating pagtalakay sa usapin ng pagsasabansa sa industriya sa pagkain? Na ito ay tutungo sa pagkawala ng halaga ng pera at sa gayon ay paglaho ng lahat na kademonyuhang dulot ng kagahamanan ng tao sa salapi.

Ganon pala naman, bakit hindi isabansa ang industriiya ng pagkain?

Masalimuot ang tanong.

Una muna, kailangan ang kapangyarihan ng gobiyerno upang ito ay maisagawa. Subalit nilinaw na nga sa mga naunang talakayan na ang kapangyarihang pulitikal — ang  kapangyarihan ng gobiyerno — ay  nagsisilbi sa kapangyarihan sa kabuhayan na nagbigay-buhay dito. Sa isang sistema na ang mga nahahalal sa gobiyerno ay mga lahi ng mga kapitalista’t panginoong maylupa, sino ang magpapakaulol para lansagin ang kalakalan na ubod na pinagkakayamanan ng kanyang lahi?

Ang maghahangad lamang na maisabansa ang industriya ng pagkain ay ang mga tunay na makabansa’t sosyalistang sektor ng lipunang Pilipino na walang makasariling hangaring yumaman.

Ito na ang naging tunguhin ng mga pagbabalikwas na tumampok sa bansa simula sa rebolusyon ng Katipunan noong 1896, tungo sa rebelyong Huk noong mga taong 1950, hanggang sa insurhensiya ng Communist Party of the Philippines(CPP)/New People’s Army(NPA)/Narional Democratic Front(NDF) sa loob ng nagdaang mahigit na kalahating siglo.

Sa haba na ng panahon na inabot ng laban ng CPP/NPA/NDF, kaduda-duda na na may pag-asa pang magtagumpay ito sa kanyang inaadhika. Lumilitaw na passe na ang panahon ng mga matagumpay na armadong pagbabalikwas. Ang mga huling armadong pakikibakang aking natatatandaang nagtagumpay ay ang pag-aalsa ni Fidel Castro sa Cuba na nagpabagsak kay Fulgencio Batista at ang Vietnam War laban sa Kano noong dekada sisenta. Magmula noon, ang pagpapalit ng rehimen mula kapitalistikong sistema tungo sosyalista ay nangyari na sa pamamagitan ng pagpapaloob na lamang sa namumunong sosyalistang bansa sa mundo, tulad sa Unyong Sobyet bago ito iginuho ng perestroika ni Mikhael Gorbachev noong 1991. Doon naman nagsimula ang China bilang nag-iisang taga-pagbandila ng pandaigdigang sosyalismo sa pamamagitan ng Belt and Road Initiative ni Presidente Xi Jinping na tinatayang sumaklaw na sa dalawa-katlong bahagi ng buong mundo. Ibig sabihin, sa ganun na kalaking saklaw ng daigdig ang iniiralan na ng kaisipang Xi Jinping na “pandaigdigang komunidad na may pinaghahatiang kinabukasan (world community of shared future).”

Walang bansang naghihikahos, walang bansang ibabaw sa iba. Ganap na taliwas ito sa malakas na kahambugan ni Biden: “We are America. Second to none (Tayo ay Amerika. Hindi segundo kahit kanino).”

Ang tinutumbok sa bahaging ito ng talakayan ay ang naririyan nang sagot sa tanong kung papaano matatamo ng Pilipinas ang pagsasabansa sa industriya ng pagkain. Ipinakikita ng China ang daan, nasa Pilipinas na lamang kung ito ay tularan.

Pagkain na rin lang ang pinag-uusapan, maikwento ko lang sandali  ito. Sa isang yugto sa giyera sibil sa Tsina, dumating ang tagsalat sa bigas na isasaing. Nagpatupad si Mao Zedong ng patakaran na hanggang sa ganito na lamang ang dami ng bigas na isasaing kada pamilya. Ang problema, napakakonti ng bigas na itinutuka sa bawat angkan. Hindi malinaw kung si Chairman Mao din ang umisip ng patakaran na sa pagsaing damihan ang tubig upang sa halip na manipis na kanin ang lumabas na isinaing ay isang buong kaldero ang naluto. Ewan kung doon naimbento ang lugaw.

Sa kasalukuyan, tinatayang may 1.4 billion na ang bilang ng populasyon ng China. Dalawang taon na ang nakararaan, 800 milyon sa bilang na ito ay ganap nang naiahon sa kahirapan. Ano ang ipinakita nito? Na mula sa pagtitiis na lamang sa pagkain ng lugaw, ang milyung-milyung Tsino ay naglulunoy na ngayon sa buhay na sagana, masaya’t mariwasa.

Tandaan, 800 milyong pobreng Tsino ang iniligtas sa kahirapan. Bakit hindi ito magagawa sa 100 milyong Pilipino lamang?

Nasaan ang kaligtasan?

Nasa sistema ng gobyerno.

Sa tanong, samakatwid, kung paano isasabansa ang industriya ng pagkain sa Pilipinas, ang sagot ay ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno mula sa makakapitalistang demokrasya kuno tungo sa tunay na makataong sosyalistang pamahalaan.

Paano magaganap ang pagpapalit ng gobyerno? Ang ganap nang pagkapilay ngayon ng insurhensiyang CPP/NPA/NDF ay nagpapakita sa pagkabangkarote na ngayon ng armadong pakikibaka bilang pamamaraan sa pagtamo ng sosyalistang buhay para sa Pilipinas. Subalit naririyan ang daan na ipinakikita ng China. Ang BRI ni Presidente Xi Jinping ay umabot na sa kasuluksulukan ng Africa at sa mga hikahos na lugar ng Europa. Bakit hindi ito magawang yakapin ng Pilipinas?

.Sa tanong na ito natin màaring sukatin si Presidente Bongbong Marcos. Sobra-sobra na ang gaan ng buhay at luho na kanyang tinatamasa. Panahon na upang isakripisyo naman niya ang kanyang sarili at intindihin nang ganap ang bayan. Kung totoong hangad niyang paunlarin ang buhay ng mga pobre sa Pilipinas, buong kababaang loob na yakapin niya ang halimbawa ng buhay na inihahain ng China. Tulad ng pamagat ng aking aklat na CHINA The Way, The Truth and The Life, China lang ang tanging daan sa mapayapa, maunlad at masayang buhay.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -