ANG programang economic stimulus ay ginagawa ng bansa kapag may napipintong pagbagsak ng eknomiya. Pag nakakaharap sa matinding krisis o recession, gagamit ang bansa ng kanyang fiscal at monetary tools para mapalakas ang produksyon at paglikha ng trabaho. Ang ibig sabihin ng fiscal tools ay revenues, expenditures at deficit management. Ang ibig sabihin ng monetary tools ay ang pag-isyu ng pera ng Bangko Sentral at pagtakda ng policy interest rate. Kapag ang gobyerno ay gumagasta nang higit sa kanyang revenues at nagi-isyu ang Bangko Sentral ng mas maraming pera, pinapalago nila ang ekonomiya para hindi masyadong malakas ang dagok ng krisis.
Ang economic stimulus ay ipinapatupad ng mga apektadong bansa noong Asian crisis (1997-1998), global financial crisis (2008) at noong kasagsagan ng Covid-19 health crisis (2020-2022).
Sa Pilipinas, itinaas natin noong 2020 ang National Government (NG) budget deficit sa 7.6% ng GDP mula sa dating 3.4% of GDP noong 2019. Noong 2021, ang deficit ay itinaas sa 8.6% ng GDP. Ang Bangko Sentral naman ay nag-isyu ng dagdag na currency sa pamamagitan ng pagbili nito ng Treasury Bills at Treasury Bonds ng gobyerno at ibinaba ang policy interest rate sa 2% per annum mula sa 4% noong Disyembre 2019. Ang policy interest rate ng Bangko Sentral ay siyang guide ng mga bangko sa sisingilin nilang interes pag sila mismo ang nagpautang sa mga tao at korporasyon.
Dahil sa fiscal at monetary tools na ito. nalimitahan ng bansa ang pagbagsak ng real GDP sa 9.5% sa halip na 13.3% base sa pag-aaral ng DOF. Napababa rin natin ang epekto nito sa unemployment rate na nalimitahan natin sa 10.4% sa halip na 12.9% ayon sa pag-aaral ng DOF.
Mas matagumpay ang fiscal stimulus kapag may mga proyektong handang ipatupad ng bansa. Ang pinakamaganda ay inprastruktura na mataas ang multiplier effect sa ekonomiya.
Una, ang average na taunang kita (economic rate of return) ng mga proyektong inprastruktura mula 1980 hanggang 2020 ay 39% per annum. Ikalawa, mataas ang value added component dahil nangangailangan ng maraming trabahador at maraming domestic inputs gaya ng buhangin, graba at semento. Ikatlo, napapalago ng public investment ang pribadong investment. Base sa mga pag-aaral ng Department of Finance, bawat piso ng public investment ay nakapanghihikayat ng 3.7 times ng halaga ng papasok na private investment.
Noong kasagsagan ng Covid-19, kailangan ding magtayo nang madalian ng mga ospital at pagamutan sa iba’t sulok ng bansa at kailangang magbigay ng ayuda sa mga naapektahang manggagawa at iba pang sektor.
Ngunit may hangganan ang programang economic stimulus. Pinatataas nito ang lebel ng utang. Kapag mataas ang lebel ng utang, mas sensitibo ang ating ekonomiya sa future economic shocks. Ang pagbaba ng export demand sa ating mga produkto, ang pagtaas ng lebel ng interest sa paindaigdigang financial system at pagyanig sa palitan ng mga currencies ay nakakasama kaagad sa kumpiyansa ng investor sa ekonomiya kapag mataas ang lebel ng utang. Ang ikinakatakot nila ay baka maging sanhi ito ng pangmatagalang krisis dahil hindi na tayo makabayad ng utang pag nagyari ang mga ito. Nangyayari na ito ngayon sa Sri Lanka at noong 2008 sa Greece at Portugal.
May tatlong dahilan kung bakit maganda ang kahinatnan ng ating programang economic stimulus at hindi hahantong sa debt crisis.
Una, mababa sa simula ang lebel ng utang ng bansa. Masuwerte ang bansa dahil noong 2019, napababa na ng gobyerno sa 34.1% ng GDP ang general government debt na siyang minamanmanan ng mga investors. Ito ang pinakamababang level ng general government debt mula noong 1980.
Ikalawa, tumataas ang kumpiyansa ng mga investors sa ekonomiya bago ang Covid crisis. Noong 2019, katataas lang ang credit rating ng bansa sa 2 bahagdan mas mataas sa investment grade ng Moody’s at Standard & Poors, dalawang pinakamalaking credit rating agencies ng mundo.
Ikatlo, maganda ang pagmamaneho sa finances ng mga ahensiya at korporasyon ng gobyerno bago ang krisis kaya meron silang savings at unused budgets na puedeng ilipat sa mga emergency expenditures. Kaya para sa Bayanihan to Heal as One Act, ang NG ay nakakolekta ng P160.6 billion na dibidendo at share ng NG sa kanilang kita mula sa government owned and controlled corporations (GOCCs), ang pinakamalaki sa buong kasaysayan. Nakapaglipat pa ng P5.5 billion na savings mula sa badyet ng mga ahensiya para malabanan ang pandemya, mabigyan ng ayuda ang mga apektadong manggagawa, maipagpatuloy ang gastusin sa inprastruktura at mapalakas ang ekonomiya.
Nakatulong nang malaki ang economic stimulus programs para lumago sa 5.7% ang real GDP growth noong 2021 at umakyat pa sa 7.6% noong 2022. Kaya lang, kailangan ng normalisasyon ng fiscal management para makapaghanda ulit ang bansa sa susunod na economic shock. Kailangan ng tinatawag na fiscal consolidation para pababain ang deficit sa 6.1% ngayong 2023 at sa 5.1% sa 2024.