ISA sa nais gawin ni Anabelle Calleja, ang tourism expert ng bayan ng Mauban sa Quezon Province, ay ang ma-document ang mga kuwentong-bayan (folktales) na mayroon sa isla ng Cagbalete. Ang Cagbalete ay bahagi ng bayan ng Mauban. Isa itong islang napalilibutan ng puting buhangin kung kaya’t madalas ay naikukumpara ito sa Boracay island ng Aklan. Naging popular ang islang ito nang gumawa ng feature dito ang lingguhang programang pangtelebisyon ni Jessica Soho noong nakaraang Holy Week. Mula raw noon ay dinarayo na ng maraming turista ang isla.
Mula sa pantalan ng Mauban, mararating ang isla ng Cagbalete sakay ang bangkang de-motor sa loob ng 40-45 minuto. Dahil sa maayos na transportasyong-pandagat, madalas itong dayuhin ng mga naninirahan sa iba’t ibang bayan ng Quezon at mga karatig na lalawigan. Malaking tipid kung tutuusin dahil di ka na sasakay pa ng eroplano patungong Boracay kung ang nais lamang ay ma-enjoy ang maputing buhangin at malinis na tubig ng isla. Kahit ang mga foreigners (na naghahanap ng alternative sa Boracay, Bohol, at Palawan) ay alam nang puntahan ito.
Kagaya ng iba pang mga isla, marami ring lokal na naninirahan sa Cagbalete. May mga komunidad sa loob nito kung kaya’t may malaking elementary at national high school din sa isla. Pili lang din ang mga lugar na may signal ang cellphone (bentahe ito para sa iba na gustong mag-relax at pansamantalang mag-detach sa social media). At hindi buong maghapon ang suplay ng kuryente (puwera na lamang kung ang tinitirhang lugar ay may solar power source).
Muli naming dinayo ang isla sa paanyaya ng Mauban Historico-Cultural and the Arts Council (MHCAC) na pinamumunuan ni Dorcas Saliendra-Nilooban. Sa pakikipagtulungan ng kanyang organisasyon (ang MHCAC) sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), layon ng workshop na magsagawa ng culture mapping ng lugar at turuang makasulat ng kuwento ang mga kabataan sa lugar. Isa nga sa naging output nila ay ang mga kuwentong-bayan na mayroon sa isla. Wala pa kasing gaanong written document ng mga kuwentong meron sila roon. Ito ang nais tutukan ng mananaliksik, manunulat, at outstanding tourism officer ng bayan na si Anabelle Calleja kasama ang kanyang team ng mga guro na sina Erwin Nilooban, Marissa Urgelles, at Dorcas Nilooban.
Hinamon namin ang mga kabataan na interbyuhin ang nakatatandang miyembro ng kani-kanilang pamilya tungkol sa mga kuwentong-bayan sa Cagbalete. Binanggit sa mga kuwento na kaya raw tinawag na Cagbalete ang lugar ay dahil puno raw dati ng ‘balete tree’ ang buong isla. Pero nasaan na ang mga puno ng mga balete?
“Nagkaroon daw po ng malaking sunog sa isla noong araw kung kaya’t halos maubos ang matatandang puno ng balete,” pagbabahagi ng isang participant. Iilan na lang ang natitira.
Inaasahan ko na ang ilang kuwentong may kaugnayan sa sirena dahil nga napapalibutan sila ng dagat. Ganoon din ang mga kuwentong umiikot sa pangingisda dahil, bukod sa yumayabong na turismo, ito ang pangunahing pinagkakabuhayan ng mga tao sa isla.
Pero nagulat ako nang marinig ang kuwento ng sampu sa halos tatlumpung kabataang dumalo sa workshop. Binabanggit nila si “Maong.” Ang kuwento tungkol kay Maong ang isinalaysay sa kanila ng mga nakatatandang naninirahan sa islang ito.
Sino itong si Maong?
Siya raw ang isang engkantadong nilalang na nagpapakita sa mga naninirahan sa isla.
Ano ang hitsura niya, usisa ko? Si Maong daw ay matangkad na tao na madalas ay naninirahan sa loob ng mga lumang punong-kahoy. Naninigarilyo raw ito, ayon sa ilan. “Parang kapre?” paglilinaw ko pa. At iyon nga, nakasuot siya ng ‘maong.’
“Maong talaga?” usisa ko habang iniisip kung kailan dumating ang telang maong sa Pilipinas. Sa isip-isip ko, mukhang bagong miyembro ng mitolohiyang Pilipino si Maong dahil parang noong American occupation lang yata dumating ang Levi Strauss (na isa sa nagpasikat ng kasuotang maong) sa bansa. Kung kasabay nga nang paglabas ng nilalang na ito ang pagdating sa Pilipinas ng kasuotang maong, masasabing hindi pa nga katandaan si ‘Maong!’
Itinanong ko sa kanila kung anong kayarian ng maong ang suot nito. Pantalon ba? Jacket kaya? Isang participant ang nagtaas ng kamay at nagsabing batay sa kuwento ng lola niya, ‘shorts’ daw at hindi pantalon ang suot ni Maong? Pansamantala kong naisip ang mga kabataan ngayon na mapa-babae man o lalaki ay sobrang igsi kung magsuot ng shorts, maong man ito o ibang tela. Ganoon din kaya ang suot ni Maong? O baka mala-puruntong ang kayarian nito?
Hati rin sila sa paliwanag sa kung kaaway ba nila o kakampi si Maong. O kung mabuti ba o masama itong nilalang. May ilang kuwento na nagsasabing nambabatok o nandudura si Maong. May nagsasabing pilyo raw itong si Maong, paglalaruan ka. Yung iba, takot na takot umuwi ng kalaliman ng gabi kasi’y ganoong oras daw nagpapakita si Maong (at siyempre pa, ayaw nilang mapagdiskitahan ni Maong!). May salaysay din na parang tagapagtanggol daw ng isla si Maong. Lumawig na ang mga kuwento tungkol sa kanya.
Kapag natapos ni Ms Calleja ang pagdo-document at pagtitipon ng mga salaysay tungkol kay Maong at mailathala ito sa tulong ng NCCA, mas higit tayong malilinawan sa kung anong papel ba ang ginagampanan nitong si Maong sa kasaysayan ng isla ng Cagbalete.
Hirit ko pa, “doon ba sa mismong bayan ng Mauban, kilala rin ba nila si Maong? O may nagpapakita rin bang kagaya ni Maong?”
Umiling sina Ms. Calleja at Mrs. Nilooban. Hindi raw. Mukhang sa isla lang ng Cagbalete naninirahan si Maong. Mukhang sa isla lang isinilang ang mga kuwento’t patotoo tungkol kay Maong!
Sa isla ng Cagbalete, sa bayan ng Mauban sa Quezon, doon lang maririnig ang kuwento ng isang pambihirang nilalang na waring may pagka-fashionable: si ‘Maong’ na nakasuot ng maong!