27.5 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Gusto ng U.S. magmatigas tayo sa Tsina. Tama ba?

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

TALAGA bang mas maayos na ang sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS) dahil mas palaban ang Pilipinas sa mga pagkilos ng Tsina sa teritoryong angkin natin?

O hindi kaya ito mauwi sa mas matindi at marahil marahas na away?

Sabi ng Tanod Baybayin ng Pilipinas o Philippine Coast Guard (PCG), mas maayos ang kalagayan natin sa WPS, salamat sa “pagbubulgar at paghihiya” ng agresibong aksiyon ng Tsina sa dagat at mumunting islang saklaw ng ating exclusive economic zone (EEZ).

Ang mga barkong ng Tsina na dumarami sa  Iroquois Reef at Sabina Shoal, timog ng  oil- and gas-rich Recto Bank sa West Philippine Sea. TMT FILE PHOTO

EEZ ang karagatang may 200 milyang dagat o nautical miles (nm) mula sa pangunahing teritoryo natin. Bawal magsagawa sa EEZ ang ibang bansa ng gawaing pagkakakitaan nang walang pahintulot natin, ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos), ang pandaigidigang kasunduang gumagabay sa mga dagat.

Ang matagal nang problema, inaangkin ng ibang bansa ang bahagi o lahat ng EEZ at mga islang pag-aari natin ayon sa ating mga batas. Noong 1975 inagaw ng Vietnam ang isang isla, at sa nagdaang dalawang dekada, napasailalim ng Tsina ang Mischief Reef noong 1995 at ang Scarborough Shoal sa 2012.


Palaban sa Tsina

Matapos pumayag ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero na ipagamit sa mga puwersa ng Estados Unidos (US) ang siyam na base militar natin, marami ang  umasang mas maipagtatanggol ng Pilipinas ang ating EEZ, sa tulong ng Amerika at iba pang kaalyadong bansa.

Ngunit mukhang mas dumalas ang mga panghihimasok at agresibong kilos diumano ng mga barkong Tsino. Ayon sa mga ulat mula sa mga Amerikano at sa PCG, dose-dosenang sasakyang pandagat ng Tsina ang tumitigil sa ating EEZ.

Noong isang linggo, lumabas ang ulat ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP sa Ingles) na 48 barko ng pangingisda ang nakita sa EEZ. Ayon sa AFP, peligro ito sa seguridad ng Recto Bank, bahagi ng teritoryong inaangkin natin na tinatayang mayaman sa langis at gas sa ilalim ng dagat.

- Advertisement -

May paratang din ang Tanod Baybayin na halos magbangga ang bangka nito dahil humarang daw at masyadong lumapit sa ating bangka ang isang barkong Tsino. Bago iyon, “pirming sinundan, niligalig at hinadlangan” daw ng dalawang barkong Tsino ang sasakyang dagat ng PCG na naghahatid ng pangangailangan sa mga sundalong Pilipino sa Ayungin Shoal.

Idinagdag ng PCG na patuloy nitong “ibubulgar” ang tinuguriang agresibong aksiyon ng Tsina. Samantala, nagpahayag ng lubhang pagkabahala sa mga kilos ng Tsina ang Kalihim ng Depensa ng Amerika, restiradong heneral Lloyd Austin, at ang Embahador ng US sa Pilipinas MsryKay Carlson.

Huwag tayong magpagamit

Nagagalak ang maraming Pilipino na mas pumapalag ang PCG sa Tsina, at ayon sa isang survey, suportado ng nakararami ang joint patrol o pagpatrolya natin sa karagatan kasabay ng US Coast Guard o Navy, sampu ng mga barko ng iba pang kaalyadong bansa.

Pero talaga bang makabubuti na lalo pang makipaggirian sa mga Tsino, kasama pa ang mga Amerikano na tumitindi rin ang patigasan sa kanila, hindi lamang sa karagatan, kundi sa Taiwan din? At hinihikayat pa ng US ang mga bansa ng Timog-Silangang Asya sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) na makiisa sa US at pumalag sa Tsina — gaya ng Pilipinas.

Sa linggong ito, mismong si Kalihim ng Estado Antony Blinken, pangunahing opisyal ng Amerika sa ugnayang panlabas, ang makikipagpulong sa mga kapwa niyang ministro ng diplomasya sa Jakarta, Indonesia.

- Advertisement -

Ayon sa mataas na opisyal ng State Department, hangad ng Amerika na makipagtulungan sa mga bansa sa Asya para sa “push back” o pagkontra sa “upward trend” o lumalagong aksiyon ng Tsina sa karagatan na di-nakabubuti, nagpupuwersa at iresponsable (“unhelpful, coercive and irresponsible”).

Dalawang tanong: Magbubunga kaya ng kapayapaan at pagkakasundo sa Asya ang ganitong pakay ng Amerika na sinapian ng Pilipinas at sinusunod ng PCG sa pagmatigas sa Tsina?

At gagaya kaya sa Pilipinas ang ibang bansa sa Asean — o susunod pa rin sila sa neutrality o di-pagkampi na siyang patakaran ng Asya, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mismo noong mga buwan bago siya bumalikwas, pumanig sa US noong Pebrero at nagbukas ng siyam na base military sa hukbong Amerikano?

Sa kabutihang palad, may pinuno tayo na hindi sumusunod sa plano ng Amerika. Sa halip ng lalong susugan ang awayan sa Beijing, tinanggap ni Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa (DND sa Ingles) ang pagdalaw ng Embahador ng Tsina Huang Xilian noong isang linggo. At nagkasundo silang palakasin ang ugnayang militar ng Pilipinas at Tsina.

Harinawa, sa halip ng agad tuligsain ang Tsina sa bawat paratang ng agresibong kilos mula sa Amerika at maging sa PCG at AFP, magkakaroon ng pagsisiyasat at pagpupulong upang alamin ang tunay na nangyari at humanap ng paraan upang maresolba ang alitan at iwasang maulit ito.

Sa gayon, matutupad ang hangad ni Kalihim Teodoro na hindi maging kasangkapan ang Pilipinas sa tagisan ng mga dambuhalang bansa.

Ngayon, hindi ba mas makabubuti, makaiiwas sa puwersahan, at responsible ang gayong patakaran?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -