26.3 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Pamamahala sa bilis ng pagtaas ng presyo

Buhay at Ekonomiya

- Advertisement -
- Advertisement -

AYON sa mga ekonomista ng iba’t ibang bangko at institusyong pananaliksik sa Metro Manila ang bilis ng pagtaas ng pangkalahatang presyo ng mga bilihin o inflation rate ay tinataya sa 5.4% ngayong Hunyo 2023 relatibo noong Hunyo 2022. Mas mabagal ito sa naitalang 6.1% noong nakaraang buwan. Ang balitang ito ay lumabas sa The Manila Times, Hulyo 3, 2023

Ang inflation rate ay ang bilis ng pagbabago sa pangkalatahang presyo ng mga bilihin sa loob ng isang taon.

Ang inflation rate ay ang bilis ng pagbabago sa pangkalatahang presyo ng mga bilihin sa loob ng isang taon. Sa dami ng mga produkto at serbisyong ipinagbibili sa loob ng ekonomiya, kailangan ng isang pangkakalatahang presyo upang isabuod ang galaw ng maraming presyo.

Ito ay isinasagawa batay sa proporsyon ng mga produkto at serbisyo sa gastusin ng isang pangkaraniwang mamimili na nakapaloob sa basket ng kanilang mga bilihin.

Halimbawa, may apat na pangunahing produkto sa basket na ito na may kani-kanilang proporsyon sa basket:  bigas (60%), gasolina (20%), kuryente at tubig (15%) at (damit (5%). Kung ang presyo ng mga nasabing produkto ay may iba’t ibang bilis ng pagtaas tulad halimbawa: bigas ay tumaas ng 4% samantalang ang gasolina ay tumaas ng 2%, habang ang kuryente at tubig ay tumaas ng 1% at ang damit ay tumaas ng 10 porsyento.

Ang payak na average o simple average na pagtaas ng presyo o inflation rate ay tinataya sa 4.25 porsiyento. Ngunit ito ay hindi makatotohanan dahil ipinagpapalagay na pare-pareho ang  proporsyon ng mga produkto sa basket. Kung isasama natin sa kalkulasyon ang nag-iibang proporsyon ng mga produkto sa basket, ang average ayon sa bigat o weighted average na pagtaas ng presyo o inflation rate ay 3.45 porsiyento lamang. Ang nabanggit na inflation rate ay mas makatotohanan dahil halos malapit ito sa 4% na pagtaas ng presyo ng bigas dahil ang bigas ang may pinakamalaking proporsyon sa pagkonsumo ng mga mamimili.


Bakit tumataas ang presyo ng mga bilihin? Ang mga dahilan ay batay sa demand at suplay ng produkto. Halimbawa, ang presyo ng gasolina ay nakabatay sa nagbabagong demand nito sa buong daigdig. Kapag taglamig, tumataas ang presyo ng krudo sa bilihang internasyonal dahil tumataas ang demand ng mga pamahayan sa Amerika del Norte at Europa.

Samantala, ang kakulangan ng suplay sa loob ng bansa ng bigas, sibuyas, asukal at iba pang produkto ay nagbabadya ng pagtaas ng presyo. Kapag nagdaragdag ng suplay sa pamamagitan ng pag-aangkat, ang presyo ng mga nabanggit na produkto ay nagbababaan. Sa ating bansa, dahil ang pagkain ang may pinakamalaking bahagi sa basket ng mga bilihin ang pangunahing sanhi ng pagtaas ng inflation rate ay nakaugat sa kakulangan ng suplay ng produkto.

Marami ang nagtatanong sa akin kung bakit ang tugon ng pamahalaan sa pagpapahupa sa inflation rate ay ang paghihigpit sa patakatarang pananalapi na nagpapababa sa suplay ng salapi sa ekonomiya samantalang ang pangunahing sanhi ng inflation rate sa Pilipinas ay nakabatay sa mga dahilang suplay tulad ng kakulangan ng lokal na produksyon ng bigas, asukal, sibuyas?

Isa sa mga dahilan ay wala sa kamay ng pamahalaan ang desisyon ng mga prodyuser na itaas ang suplay ng mga pangunahing produkto. Ikawala, may mahabang panahon ang hihintayin bago maitaas ang suplay. Ikatlo, ito ang pinakamadali at agarang tugon ng pamahalaan.

- Advertisement -

Sa pagbaba ng suplay ng salapi ng pamahalaan itinataas nito ang interes rate, ang presyo ng salapi, na magpapababa naman sa iba’t ibang uri ng paggastos kasama na ang pagkonsumo sa mga pangunahing bilihin at ito ang tuluyang nagpapababa sa pwersa sa pagtaas ng pangkalahatang presyo. Ang ganitong patakaran ay may malaking sakripisyo. Ang mataas ng interes rate ay hindi lamang nagbababa sa pagkonsumo ngunit nagpapababa rin sa pangangapital at guguling pampahahalan at pagluluwas. Ito ay nagpapabagal sa paglaki ng ekonomiya.

Madali at agarang gawin ang patakarang ito  ngunit nakapalaki ng sakripisyo sa buong ekonomiya. Ang pangunahing mensahe ng ekonomiks, sa bawat aksyon, may katapat na sakripisyo, ay lumalabas na naman sa patakarang ito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -