MARAMI na ang nasasabik sa pagsisimula ngayon ng umaatikabong bakbakan sa court ng mga malalakas na manlalaro ng volleyball sa buong mundo.
Ang Pilipinas nga ang isa sa mga napiling host ng week 3 ng Preliminary round at magiging bahagi ng pamosong Men’s Volleyball Nations League o VNL, kung saan walo sa top 25 na koponan sa buong mundo ang maglalaban-laban mula July 4-9 na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa Lungsod ng Pasay.

Ang walong koponan na kalahok dito ay ang World’s No. 1 na Poland; Brazil, No. 2; Italy, No. 4; Japan, No. 7; Slovenia, No. 9; Netherlands, No. 12; Canada, No. 17 at ang China na nasa No. 25.
Alas-tres ng hapon, ang grupo mula sa Pool 6 tampok ang Olympic triple-gold winner na Brazil laban sa defending at four-time world champion na Italy ang magpapasimula ng naturang event na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pangunguna ni Ramon “Tats” Suzara. Japan at China naman ang sunod na maglalaban, 7:00 ng gabi.
Ayon kay Suzara mapalad ang mga Pinoy na matutunghayan ang top 4 teams sa buong mundo, kaya nanawagan ito sa ating mga kababayan na suportahan ang bawat laro, pagbabahagi nito sa ulat ng The Manila Times.
“I announced last year — we have a contract with the Volleyball World to host the Volleyball Nations League for the next two years, this is the second year,” dagdag pa nito.
Kinabukasan, July 5, magtutunggali muli ang mga koponan na nasa Pool 6 kung saan, Canada at Netherlands sa 3:00 ng hapon at Poland kontra Slovenia naman sa gabi, 7:00.
Sulit naman ang ikatlong araw, July 6, dahil tatlong laro mula ulit sa grupo ng Pool 6 ang magpapakitang-gilas. Kung saan alas-onse palang ng umaga, magtatagpo na sa court ang Brazil at Netherlands. Canada at Italy sa hapon, 3:00pm habang magtatapos ang araw sa pagkikita ng China at Slovenia, 7:00 ng gabi.
Hindi ka rin mabibitin sa ikaapat na araw, July 7, dahil magsasalpukan din ang grupo mula sa Pool 5, Poland vs. Brazil, 11:00am; Slovenia vs. Italy, 3:00pm at Japan vs. Netherlands, 7:00pm.
Makikipagtunggali muli ang nasa Pool 6 sa July 8, una na dito ang Brazil vs China, 11:00am; Poland vs Canada, 3:00pm at Japan vs Italy, 7pm.
Tuloy-tuloy ang bakbakan ng mga grupo sa Pool 6 sa huling araw, July 9, kung saan China at Canada sa 11:00am; Slovenia at Netherlands, 3:00pm at sa ika-7 ng gabi, Japan vs Poland ang magwawakas ng halos isang linggong salpukan ng malalakas na koponan.
Kasalukuyan, Japan ang nangunguna sa VNL Men’s Standings kung saan ay wala pa silang talo, 8-0, na sinusundan ng Estados Unidos, 7-1, Slovenia at Poland, 6-2, pumapanglima naman ang Brazil na may 5-2 kartada.
Nauna nang matagumpay na nakapag-host ang Pilipinas noong nakaraang taon, isang women’s at isang men’s, na ginanap sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Samantala, ang national team ng Japan ay magkakaroon ng Fan’s Day sa July 5, Miyerkules sa ganap na 5:30 ng hapon, ayon sa PNA.
Hindi rin magpapahuli ang ating national team na nakatakdang lumaban sa isang friendly match laban sa The Netherlands at China.