27.7 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

F2 nanaig kontra Cignal

- Advertisement -
- Advertisement -
Sinubukan i-block ni Riri Meneses ng Cignal HD Spikers ang atake ni Kim Dy ng F2 Logistics Cargo Movers sa kanilang laban kagabi, July 1. LARAWAN MULA SA PVL

F2 Logistics Cargo Movers hindi na pinatagal ang laban kontra sa Cignal HD Spikers matapos magwagi sa loob ng apat na set, Sabado ng gabi sa FilOil EcoOil Centre sa Lungsod ng San Juan.

Nakapagtala ang Cargo Movers ng 25-20, 30-28, 23-25, 25-22 na panalo sa pangunguna ni Kim Kianna Dy o KKD na mayroong 23 puntos, 20 dito ay atake, at tatlong blocks.

Sa ikalawang set, na umabot sa 40 minuto, ay matindi ang palitan ng iskor ng dalawang koponan. Ang atake ni Ivy Lacsina sa loob at Net Fault Challenge laban sa Cignal ang naging dahilan upang makakuha ng dalawang puntos ang Cargo Movers at tuluyan ng kunin ang naturang set.

Bagama’t nabaon na ng dalawang set, hindi nagpahuli ang Cignal na makaisa sa pangunguna ng mga beteranong manlalaro na sina Rachel Ann Daquis at Ces Molina. Naging tabla pa ang iskor sa 22, ngunit sa tulong ng magkasunod na atake ni Roselyn Doria at Molina, natapos ang set sa 23-25.

Pagpasok ng ikaapat na set, naging madikit ang laban ngunit kinain muli ng F2 ang kalamangan ng HD Spikers matapos maitala ang kanilang 5-0 run. Ngunit umulan ng error sa Cignal kaya nabaon pa sila ng apat na puntos, 19-15.

Gayunpaman, sinubukan humabol ng Cignal nang sila rin ay magtala ng 5-2 run, sa pangunguna nina Doria, Molina, Daquis at Glaudine Troncoso, dahilan para dumikit ang iskor nila sa Cargo Movers, 21-20.

Ngunit ang tatlong sunud-sunod na puntos ni Lacsina ang nagbigay sa kanila ng pagkakataon na tapusin na ang laro at kinalaunan, ang pag-block din nito kay Daquis ang huling puntos na nagpatapos sa laban. Nakapagtala ng 14 na puntos si Lacsina.

Itinanghal naman na player of the game si KKD na nagsabing alam nilang malakas ang kalaban kaya doble rin ang kayod nila at ang mahahabang rallies na kailangan patay agad (ng bola).

Aniya, lahat ng koponan ay nagpalakas ngayong Invitational Conference kaya kinakailangan na sabayan din nila ito dagdag pa ang mga bagong manlalaro o rookies na kailangan nilang alalayan.

Samantala, magkakaroon ng 10-day break ang liga upang magbigay daan sa paparating na Volleyball Nations League (VNL) na gaganapin sa Mall of Asia Arena mula July 4-9, 2023.

Magbabalik ito sa July 11, kung saan apat na laban ang matutunghayan, mula sa Pool B: Petro Gazz vs. Farm Fresh, 9:30 ng umaga; Cignal vs. Foton naman 12:00 ng tanghali; at mula sa Pool A, Akari vs. Chery Tiggo sa 4:00 ng hapon. Magtatapat din ang koponan mula sa Pool B, Choco Mucho vs. F2 Logistics, 6:30 ng gabi, na parehong may 2-0 kartada.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -