29 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

National Certificates hindi ibinebenta – Tesda

- Advertisement -
- Advertisement -

MULING naglabas sa publiko ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) ng paalala hinggil sa mga pekeng National Certificates (NCs) na ibinibenta online o sa iba pang pamamaraaan.

Naglabas ng paalala ang Tesda matapos makatanggap kamakailan ng ulat na may inarestong lalaki sa Cotabato City na nagbebenta ng mga pekeng NC at driver’s license.

Ipinaliwanag ng bagong hirang na Tesda Director General, Secretary Suharto Mangudadatu, na ang tanggapan lamang ng Tesda ang nagbibigay sa mga kwalipikadong indibidwal na nakapasa sa assessment para sa kani-kanilang kwalipikasyon. Ang inisyung NC ay may bisa sa loob ng limang taon.

Matatandaan na isa sa mga bagay sa 10-point agenda ni Secretary Suharto ay ang pagsunod at pagpapahusay sa pag-monitor ng mga inisyung NC. Pagsasagawa ng ahensiya ng regular na inspeksiyon sa mga Tesda-accredited training and assessment centers para tiyakin na sumusunod sila sa mga regulasyon sa pagpaparehistro ng programa gayundin sa pagsasagawa ng assessment at certification.

Pinayuhan din ni Secretary Mangudadatu ang mga sertipikadong manggagawa at employer na maaari nilang iberipika online ang kanilang NC. Kanya ring hinikayat ang publiko na iulat ang sinumang indibidwal na nagbebenta ng mga pekeng NC sa Tesda hotline 8887-7777, o SMS 0917-479-4370.

Maaaring ma-access online ang Registry of Certified Workers sa Tesda website, https://www.tesda.gov.ph/Rwac. Kinakailangan ng mga employer ang NC bilang patunay na may kasanayan at kakayahang magsagawa ng trabaho ang isang manggagawang lokal o sa ibang bansa.

“Prayoridad ng Tesda ang integridad ng sistema sa pagbibigay ng sertipikasyon sa mga manggagawa upang matiyak ang kanilang produktibo at kalidad sa pagtatrabaho at ang kanilang pandaigdigang kasanayan,” pahayag ni Secretary Mangudadatu.

Maaaring sumailalim sa isang assessment ang mga estudyante, manggagawa, o sinumang indibidwal na gustong makakuha ng National Certificate para sa mga kasanayan na kanilang natutunan mula sa mga pribadong Tesda-accredited assessment centers, at sa Tesda Regional at Provincial Offices sa buong bansa. Makikita online ang kumpletong listahan ng mga assessment center sa https://www.tesda.gov.ph/AssessmentCenters/.

Kasama sa mga kinakailangang dokumento para sa assessment ang duly accomplished application form; tatlong passport-size pictures na may nakasulat na pangalan ng aplikante sa likod ng bawat larawan; at duly accomplished Self-Assessment Guide.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -