29.7 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

ANG HULING KASTILA, Prologo ng ‘Unang Filipino’ (Ikalawang Bahagi)

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

Pagtutuloy ng Prologo ng “Unang Filipiino” libro ni Leon Maria Guerrero na isinalin ni Danton Remoto.

(Ang unang bahagi ay inilimbag noong noong Hunyo 16. Bisitahin sa link na ito https://www.pinoyperyodiko.com/2023/06/16/opinyon/prologo-ang-huling-kastila/1382/)

NANG magsimula na ang ating kasaysayan, 300 taon pagkapos nina Prayle Urdaneta at Prayle Salazar, umikot na ang pamayanan sa katauhan ng prayle, kahit anupaman ang kanyang kapisanan. Siya ang pari ng itinayong Simbahan at habang dumarating at umaalis ang mga gobernador-heneral — 59 sila mula sa panahon ng pananakop ni Napoleon hanggang sa giyera ng mga Amerikano — sila ang totoong kumatawan sa Korona ng Espanya. Minahal sila ng marami, kinamuhian ng iilan; pinagkatiwalaan siya, at minsa’y hindi; alam niya ang lihin ng kaniyang mga paroko at alam din nila ang kaniyang mga lihim. Modelo siya ng pananalig, mahilig din siya sa babae;; isa siyang asetiko, isa ring siyang gahaman at lasenggo; itinuri niya ang sining ng sibilisasyon, isa silang bulag na reaksyonaryo na gumamit ng latigo kapag naririnig niya ang salitang pag-unlad; ipinagtanggol niya ang mga tao sa pagmamalabis ng mga nasa gobyerno, siya rin ay isang traydor at isang taksil.

Kailangan siyang intindihin nang patas; hindi tulad ng Ingles na opisyal sa India o taga Olanes na nangangawisa ng lupain sa Java, hindi niya maaarin gawin, at hindi niya ginawa, na gamitin ang kulay ng balat sa pagitan niya at ng mga Pilipino.  Isa siyang misyonero na kailangang hanapin ang kanyang mga tao, isang pari na kailangang mag-alaga ng kanilang mga kaluluwa. At hindi rin siya dapat, kahit na minsa’y kaniya ring ginagawa, na tumikim sa mga kaligayahang dulot ng mundo; uminom sa malamig na gabi, magkaroon ng isang Pilipinang kerida, magpayaman para sa kaniyang pagreretiro sa Alicante o bumili ng mga gamit sa Valladolid; ang kaniyang mga pangakong binitiwa’y kailangang gawin kahit na walang pasok o siya’y isa nang retirado. At higit sa lahat, siya’y malungkot; isang Kastilang dalawang dagat kalayo mula sa Espanya, isang lalaking bawal magkaroon ng babae, kleriko ng isang kabihasnang wala namang kausap at mga dalang libro, monghe na walang monasteryo, prayle na hindi kasama ang kaniyang mga kapatid na prayle, ermitanyo sa pinaka-sentro ng lipunan. Sino ang maeeskandalo kapag minsan, o madalas, siyang magkamali?

Siya ang pinaka-peligrosong tao, kung saan naghahalo ang malaking kapangyarihan at isang taimtim na misyon, hinirang ang sarili bilang pinuno at gobernardor ng mga kaluluwa’t katawan. Isa siyang utusan ng mga Papa na tinalikdan ang modernismo, liberalismo, rasyonalismo, humanism, lahat ng mga protesta at rebelyon laban sa kapangyarihang galing sa Diyos, mula sa pribadong paghuhukom ng Repormasyon hanggang sa kawalang pananalig ng Enlightenment. Pari siya ng Simbahan at miyembro ng Kapisanan na nakita kung paanong pinatumba ang kanilang mga altar, pinalayas at ipinatapon ang kanilang komunidad, ipinasara ang mga kumbento, pinatay sa gitna ng kalye ang kanilang mga pari, abbot, obispo at arsobispo, ang pinaka-Estado ng Papa na binura sa mapa ng mundo, lahat ng ito gawa ng mga Rebolusyong pinamunuan ng mga tao, bansa at uri ng lipunan. Ano ngayon ang iisipin ng taong ito tungkol sa liberalismo, pag-unlad, nasyonalismo, at kalayaan?


Sa tingin niya’y sila lamang ang nakauunawa sa katutubo. Sino pa kundi siya nagbinyag sa kanila, nakinig sa mga kasalanan nila, nagsermon sa kanila, inalagaan sila at inilibing sila? Kadalasan, ang paaralan ay nasa ibaba ng kaniyang bahay sa paroko, katabi ng kabayo at kalesin; umupo siya sa kanang kamay ng alkalde, na kadalasa’y siya mismo ang pumili; ang opisyal ng military, kahit man kakampi niya o hindi, ay nakikinig sa impormasyon mula sa kaniya; sa Maynila siya’y isang guro’t properso, tagabigay ng pagsusulit at tagapagbawal ng mga bagay, tagatago ng mga lihim ng mga mayayaman, tagatanggap ng kanilang mga donasyon, tagahiram ng pera at tagakuha rin, namimigay at kumakamkam ng mga posisyon, opisina, at karangalan.

At sa bandang huli, siya’y isa pa ring Kastila. Naipanalo ng prayle ang Pilipinas para sa Espanya. Ipagtatanggol niya ito laban sa mga erehe, lberal, Mason, Protestante, tagasulong ng pag-unlad, tagasulong ng paghihiwalay sa Espanya, intelektuwal, nasyonalista o kung sino pa man sila at kung ano pa man ang tawag nila sa kani-kanilang mga sarili. Totoo, hindi isang prayle kundi isang Heswita ang nagsabi kay Rizal: “Galing sa Diyos at sa kalikasan mismo ang karapatan ng Espanya para sakupin ang Pilipinas at pagtakapos ay magkaroon ng dominasyon dito.”6 Pero ang pananaw na pang-teolohiya’y ipaglalaban ng prayle hanggang sa kaniyang huling hininga. Ang mga hari, reyna, ministro at heneral sa Espanya’y maaaring magkanya-kanyang desisyon sa mga bagong taong darating, maaaring magsulat at gumawa ng bagong Konstitusyon, maaaring tanggapin ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao sa Korona, maaaring magbigay ng kalayaang magsalita, magpahayag, bumuo ng mga Samahan, magka-eleksyon at bigyan ng Karapatan ang mahihirap na mg magsasaka at manggagawa sa lahat ng Espanya, maaaring pagbigyan ang pananampalataya sa iba pang mga relihiyon, erehe at tiwalag na mga grupo, maaaring mag-isip ng pagbabago at maging ng rebolusyon mismo — lahat ng ito’y mga pekeng Kastila, traydor sa tamang tradisyon, tagasira ng imperyo at tagasuway sa pamana ni Felipe, gaya-gaya lamang sa mga mabababaw na mga Pranses, laging handang ibenta ang Simbahan at Estado sa ignoranteng mga tao.

Pero siya, ang prayle, ay isang tunay na Kastila hanggang sa huling sandali, kahit siya na lamang ang huling Kastila sa Pilipinas. Hahanapin niya ang mga intelektuwal; ipagbabawal at susunugin niya ang marurimi nitong mga libro at polyeto; sasagot siyang gamit ang mga salita ng katotohanan at pananampalataya; magbibigay siya ng sermon laban sa kanila mula sa kaniyang pulpit, sa kumpisalan, maging sa mga daan. Dadayain niya ang kanilang mga nakatutuwang mga eleksyon, tatalikod sa mga regulasyon para sa sanitasyon, iiwasan ang matataas na mga buwis, magtatago ng kayamanan sa ibang bayan para makaiwas sa kanilang mga batas, kukuha ng magagaling na mga abogado para labanan sila sa sarili nilang mga korte. Hahanapin niya, pagtataksilan, at sisirain ang kanilang mga plano; lalabanan niya sila kung saan man niya makita ang mga ito, sa tirahan ng mga estudyante, sa perya sa lalawigan, sa mga bodega, sa Katedral mismo o sa Palasyo; ipatatapon niya ang mga ito o papupugutan ng ulo. Nanalo siya sa mga laban sa mas malalakas na kaaway; tinalo niya ang mga arsobispo at gobernadora-heneral; itinayo niya ang mga pader mismo ng Maynila; nagsuot siya ng armor at helmet para labanan ang mga paganong Intsik; nagpasok siya ng mga pagkain at kayamanan para linlangin ang mga ereheng Ingles; tinalo niya ang isang libong mga rebelyon ng mga panatiko, Muslim, Kristiyano at mga paganong tribo. Tatalunin niya silang lahat.

Siya ngayon, mismo, ang kalaban ng unang Pilipino.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -