NABALITA sa The Manila Times noong Hunyo 21, 2023 ang pagbaba nang apat na baytang ng pagiging kompetitibo ng Pilipinas ayon sa 2023 World Competitiveness Ranking (WCR) na isinagawa ng International Institute for Management Development (IMD).
Mula sa 64 na ekonomiyang kasama sa survey ang Pilipinas ay nasa ika-52 pwesto sa pagiging kompetitibo. Ayon sa IMD ang pagbaba ng ranggo ng ating bansa ay bunga ng paghina sa katatagan ng palitan ng salapi, paglala ng kwenta sa mga transaksyong pangkasalukuyan (current account) sa Balanse sa mga Bayaring Internasyonal (Balance of Payments), pagbilis ng implasyon o pagtaas ng pangkalahatang presyo ng mga bilihin, at pagbaba ng kita mula sa turismo.
Samantala, naitala rin ng IMD ang mga positibong pangyayari sa ekonomiya ng Pilipinas tulad ng pangmatagalang paglaki ng hukbong paggawa at empleo, paghusay ng edukasyon sa mga pamantasan, at akses sa mga serbisyong pananalapi.
Noong nakaraang linggo tinalakay ko sa kolum na ito ang kahalagahan ng pagpasok ng dayuhang capital sa ating bansa. Sa harap ng maliit na lokal na pondong nalilikom upang tustusan ang pangangapital sa pagbili ng mga kagamitan, pagtatayo ng pabrika at pagbili ng dayuhang teknolohiya, pinapapasok natin ang dayuhang kapital upang punan ang kakulangan sa bansa.
Ang anumang dagdag na kapital, lokal at dayuhan, ay nakalilikha ng dagdag na empleo at nagpapabilis sa paglaki ng ekonomiya. Nakabatay ang pagsusuring ito sa pangangailangan ng Pilipinas ng kapital. Sa kabilang dako, isang mahalagang tanong ay kung may kahandaan ba ang Pilipinas na tanggapin ang mga dayuhang negosyo at kapital?
Ang binanggit na mababang pwesto ng Pilipinas sa 2023 World Competitiveness Ranking ay isa sa mga palatandaan ng mahinang kahandaan ng bansa upang tumanggap ng mga dayuhang negosyo. Kung mababa ang ating pwesto, ang maraming ekonomiyang nangunguna ang pwesto kaysa Pilipinas ay nagpapahiwatig na higit na mas atraktibo ang mga ito sa mga dayuhang magnegosyo sa mga bansang nabanggit dahil may kapaligiran silang nagsasaad ng matibay na kahandaan upang tumanggap ng dayuhang kapital. Ang pakay ng mga negosyante, dayuhan man o lokal, ay kumita. Mas kikita sila sa mga ekonomiyang matataas ang pwesto dahil may mga katangian ang mga ito upang mapabilis ang negosyo sa bansa.
Ang WCR ay batay sa apat na kategorya: takbo ng ekonomiya, pagiging episyente ng pamahalaan, pagiging episyente ng kalakalan at imprastruktura. Batay sa apat na kategoryang ito, may mga hamon sa Pilipinas ayon sa report sa pagiging kompetitibo nito. Ang patuloy na pagbangon at paglaki ng ekonomiya sa harap ng mga panganib sa labas ng bansa ang hamon sa kategorya ng takbo ng ekonomiya.
Sa kategorya ng imprastruktura ang hamon ay ang pangangapital sa mga imprakstrukturang tutugon sa pagpababago sa klima. Samantala, may tatlong hamon sa pagiging episyente ng pamahalaan: 1)pagpapalakas ng panlipunang proteksyon at sistemang pangkalusugan tungo sa paglaki para sa lahat; 2) pagtugon sa mga kakulangan sa pagkatuto upang mapalakas ang sistemang edukasyonal; at 3) pagpapalakas ng responsableng pamamahala ng pondong pampubliko.
Ang mga hamong ito ay dapat tugunan ng pamahalaan at pribadong negosyo hindi lamang upang tumaas ang ating pwesto sa World Competitiveness Ranking ngunit upang lalong maging atraktibo ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhang negosyo.
Mayroon namang pumapasok na dayuhang kapital sa ating bansa ngunit hindi ito kasing dami ng pondong tinatanggap sa Singapore, Malaysia, Thailand, at Indonesia, mga ekonomiya sa Asean na mas matataas ang pwesto sa WCR kaysa sa Pilipinas. Marami pa tayong dapat gawin upang maging kaakit-akit ang ating ekonomiya sa mga dayuhang kapital. Ito ay hamon sa ating lahat.