27.2 C
Manila
Sabado, Enero 18, 2025

Koreano, mas babata ng 2 taon

- Advertisement -
- Advertisement -

ISA o dalawang taon ang mababawas sa edad ng mga Koreano ngayong Miyerkules, Hunyo 28, kung kailan sisimulan nang gamitin ang sistemang kinikilala sa buong mundo at hindi na ang tradisyonal na paraan ng pagbibilang ng edad ng isang tao sa Korea.

Ayon sa pahayag ng Ministry of Government Legislation noong Lunes, ang pagbabago ay ayon sa rebisyon sa General Act on Public Administration at Civil Act, na ipinasa ng National Assembly of the Republic of Korea noong Disyembre 8, 2022.

Sa ilalim ng tradisyonal na sistema ng edad ng Korea, ang isang tao ay itinuturing na isang taong gulang na sa oras ng kapanganakan at pagkatapos ay madadagdagan ng isang taon tuwing Enero 1.

Sa internasyonal na pamantayan ng edad ng isang tao, ang edad ay mula zero sa kanyang kapanganakan at madadagdagan ng isang taon bawat pagsapit ng kanyang kaarawan.

Sa isang media briefing, sinabi ni Minister of Government Legislation Lee Wan-kyu na ang mga pagbabago ay makabuluhan dahil ang paggamit ng international age system ay makababawas ng kalituhan sa panlipunan o administratibong usapin.

Sa ilalim ng mga pagbabago, ang lahat ng edad na nakasulat sa mga batas, kontrata at iba pang opisyal na dokumento ay ibabatay sa internasyonal na sistema.

Ayon pa sa ministro, makikipagtulungan sila sa Ministry of Education, Ministry of Interior and Safety at mga lokal na pamahalaan upang palaganapin ang mga aktibidad na magtataguyod ng isang kultura ng paggamit ng internasyonal na sistema ng edad sa araw-araw na pamumuhay sa lalong madaling panahon.

Gayunpaman, ang lumang pormula na nagkalkula ng edad batay sa taon ng kapanganakan ― at hindi isinasaalang-alang ang araw o buwan ng kapanganakan ng isang tao ― ay mananatili sa ilang pagkakataon, tulad ng pagpasok sa elementarya at pagbili ng alak o tabako.

Sa kasalukuyan, ang mga bata ay pumapasok sa elementarya mula Marso 1 ng taon pagkatapos nilang maging anim na taong gulang sa internasyonal na sistema ng edad, anuman ang kanilang kaarawan. Ang sistemang ito ay magpapatuloy.

Para sa pagbili ng mga produktong pinaghihigpitan sa edad, tulad ng alak at tabako, ang taon lamang ng kapanganakan ang patuloy na isasaalang-alang.

Ayon naman kay Yoo Sang-bum ng People Power Party, ang pagbabago ay naglalayong bawasan ang mga hindi kinakailangang socio-economic costs gayundin ang maaaring kalituhan na kung minsan ay humahantong sa mga legal at panlipunang hindi pagkakaunawaan. RAC

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -