SA pagdiriwang ng ika-125 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas, mahigit 100 aplikante sa Ilocos Sur ang nagdiwang ng kanilang kalayaan mula sa kawalan ng trabaho nang sila ay tanggapin bilang intern para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at enumerator para sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa job fair na isinagawa ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa Candon City noong Hunyo 12, 2023, mahigit 60 kabataan ang natanggap bilang government intern, sa ilalim ng Government Internship Program ng DoLE.
Katuwang ang Office of Deputy Speaker at Ilocos Sur 2nd District Rep. Kristine Singson at ang Pamahalaang Lungsod ng Candon, sa pangunguna ni Mayor Eric Singson, ang Kalayaan Job Fair sa Candon ay nag-alok ng humigit-kumulang 4,000 bakanteng trabaho mula sa 41 kalahok na employer.
Magtatrabaho ang mga GIP sa loob ng anim na buwan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sa local government unit sa 2nd District ng Ilocos Sur.
Sa parehong job fair, tumanggap ang Philippine Statistics Authority ng 71 enumerators at tatlong field workers para sa kanilang Community-Based Monitoring System (CBMS).
Sa kanilang trabaho na magsisimula ngayong Hunyo, ang bagong tanggap na empleyado ng CBMS ay magiging responsable sa pagkolekta, pagproseso at pagpapatunay ng datos ng komunidad na maaaring gamitin para sa pagpaplano, pagpapatupad ng programa at pagsubaybay sa pagbabago sa lokal na antas habang binibigyang kapangyarihan ang mga komunidad na lumahok sa proseso.
Nagsagawa ng kabuuang walong job fair ang DoLE Regional Office 1 (DoLE RO1) bilang pagdiriwang ng kalayaan ng bansa. Mahigit sa 29,000 bakanteng trabaho ang inialok mula sa 233 employer na nakibahagi sa ginanap na job fair.