ISANG maningning at makabuluhang selebrasyon ang isinagawa sa Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna para sa pagdiriwang ng ika-452 Foundation Day ng lungsod.
Itinampok sa halos dalawang linggong selebrasyon ang mga bagay na ukol sa kapaligiran, kalikasan, sining at kultura.
Nagsimula ang selebrasyon nitong Hunyo 15 sa pamamagitan ng isang malawakang Clean Up Drive sa buong Maynila na sinundan ng isang magarbong parada ng mga karosa ng The Manila Film Festival (TMFF) at tinapos ang gabi sa panonood ng TMFF Premier Night sa SM Manila.
Ginugol naman ang sumunod na araw sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno sa Arroceros Park at sa iba’t ibang parte pa ng syudad. At sa gabi ay ginanap ang pagtatanghal mula sa nag-iisang Unkabogable Star Vice Ganda sa Kartilya ng Katipunan. Kasama niya sa pagtatanghal sina Mc Muah at Lassy, gayundin ang Six Part Invention.
Nitong Hunyo 17, Sabado, ay ginanap ang isang mass wedding sa San Agustin Church kung saan may 160 ang ikinasal na pares na mga Katoliko. Ang civil wedding naman ang naganap sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
Sinundan ito noong Hunyo 19 ng pag-aalay ng bulaklak bilang pagdakila kay Dr. Jose Rizal sa Luneta at nang gabi ay nagkaroon naman ng TMFF Awards Night kung saan itinampok ang mga indie films na gawa ng mga mag-aaral mula sa ibat ibang kolehiyo at unibersidad sa Maynila.
Narito ang mga tumanggap ng parangal: Best Actress, Sue Prado; Best Actor, Kych Minemoto; Best Supporting Actress, Lotlot Bustamante; Best Supporting Actor, Kian Co; Best Director, Carlo James Buan, Best Screenplay, Tricia Reena Loi Lorenzana for Ctrl-F-Esc; Catalyst for Change Award, Ctrl-F-Esc; Best Child Actor, Prince Espana; People’s Choice Award, Unspoken; Best Cinematography, Patrick Edward Garillo at Jaime Medina; Best Editing, Jayson Kyle Julian, Richard Nicolas, Patrick Edward Garillo; Best Production Design, Zea Clemente, Voltaire John Lumangaya, Tricia Cruz, at Vhan Marco Molacruz para sa pelikulang The Adventures of Kween Jhonabelle; Best Theme Song, Kadiliman na isinulat ni Aisha Ahamad at inareglo ni Brigz Viernes; Best Musical Score, Brigz Viernes para sa Ctrl-F-Esc; at Best Sound Design, Martin Apolinario para sa The Adventures of Kween Jhonabelle.
Ginawaran rin ng parangal na Ehemplo Manileno si Konsehal Lou Veloso para sa natatangi nitong kontribusyon sa larangan ng sining ng pag-arte.
Kinabukasan ng gabi naman ay ginanap ang glamorosong Rampa Manila kung saan rumampa ang mga naggagandahang modelo sa Bulwagang Rodriguez ng Manila City Hall suot ang magagarang obra ng mga local designer gaya nina Michael Leyva, Jo Rubio, Marlon Tuazon, Puey Quiñones, at Albert Andrada.Nagkaroon din ng Loyalty Service Award para sa mga empleyado ng city government of Manila noong June 21 para sa mga empleyado ng lungsod na nanatili rito ng 25, 30, 35, 40 at 45 taon. na sinundan naman ng pagkilala sa mga Outstanding Manilans noon Hunyo 22.
May 576 na manggagawa ng lungsod ang nakatanggap ng parangal. Nasa 176 dito ay may 25 taon serbisyo, 247 naman ang 30 taon, 123 ang 35 taon, 17 ang 40 taon, 12 naman ang mahigit 40 na at isa ang ginawaran para sa 45 taon nito sa serbisyo sa pamahalaang lungsod.
Sila ay binigyan ng certificate at cash gift bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa serbisyo.
Noong. Hunyo 23 naman ay ginanap ang Miss Manila, kung saan itinampok ang mga naggagandahang kandidatang Manilenya na nagpamalas ng kanilang angking talento at talino.
Nakatakda naman ngayong Hunyo 24 ang pag-aalay ng bulaklak kay Rajah Sulayman at Civil and Military Parade sa Moriones, Tondo at ang Grand Copa De Manila na nakatakdang ganapin sa, Malvar, Batangas.
Deklaradong special non-working day sa lungsod ang Hunyo 24 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.