26.8 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

‘Huwag matakot,’ sabi ng Panginoon. Bilib ka ba?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan. Tinagurian nila akong “Kilabot saanman.” Sinasabi nila, “Isuplong natin! Isuplong natin!” Pati matatalik kong kaibigan naghahangad ng aking kapahamakan. Wika pa nila, “Marahil malilinlang natin siya; pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan.” Subalit ika’y nasa panig ko, Poon, malakas ka’t makapangyarihan; madarapa ang lahat ng umuusig sa akin, hindi sila magtatagumpay kailanman.

—   Aklat ni Jeremias, 20:10

MASAYA dapat para sa mga tatay ang Hunyo 18, Araw ng Mga Ama. Pero marami sa kanila ang di nalalayo kay Propeta Jeremias sa unang pagbasa ng Misa sa Hunyo 25, sinipi sa itaas, dahil sa problema at pabigat na hinaharap.

At ang dumadagundong na tanong kapwa ng propeta at mga padre de pamilya: Aayuda ba sa atin ang Diyos?

Mula sa mga pamilyang lumikas sa paligid ng Bulkang Mayon hanggang sa mga amang taga-Ukranya at Rusya na 16 buwan nang nagtatagisan, pati mga amang walang panustos sa mag-anak, pihadong nayayanig ang tiwala at pag-asa nila sa langit.


Aayuda ba ang Diyos?

Sa mga pagbasa sa darating na Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon, may Salita ng Diyos na dapat magbigay ng pag-asa — kung bilib tayo gaya ni Jeremias.

Sabi ng Salmong Tugunan (Salmo 68, 8-10, 14, 17, 33-35): “Kung makita ito ng mga dukha, sasamba sila sa laki ng tuwa. Dinirinig ng Diyos ang may kailangan, lingkod na bilanggo di nalilimutan.”

Ngunit balik tayo sa tanong: Aayuda ba ang Diyos matapos dinggin ang ating hinaing?

- Advertisement -

Para kay Jeremias, tinitimbang ng ligalig sa tiwala natin: “Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Poon, Diyos na Makapangyarihan, alam mo ang laman ng kanilang mga puso’t isip.”

Sa Salmong Tugunan, bukod sa pananampalataya, handa pang magpakasakit ang umaawit: “Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi, napahiyang lubos sa pagkaunsiyami. Sa mga kapatid parang ako’y iba, kasambahay ko na’y di ako kilala.” Handa rin ba tayo?

Sa pangalawang pagbasa mula kay Liham ni San Pablo sa mga Taga-Roma (Roma 5, 12-15), sinabi ng Apostol na unang nagdusa ang Panginoon, at dahil dito, nagtamo tayo ng kaligtasan:

“Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahang-loob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao — si Hesukristo.”

Samantala, sinabi mismo ng Panginoong Hesus sa pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Mateo (Mateo 10, 26-33): “Huwag kayong matakot sa mga tao. … Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao, kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”

Subalit hindi lang paghahayag ng Magandang Balita ang aayudahan ng Diyos, kundi pangangailangan din sa araw-araw. Sabi ng Poon sa mga Apostol sa mga naunang berso ng Mateo 10:

- Advertisement -

“Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. … Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak o tanso. Sa inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit ng sandalyas, o tungkod …”

Puwede ba iyon?

Iyon ang tanong ng marami, lalo na ang di-nakaririwasa. Tiwala tayo sa Diyos, pero dapat pa ring may dalang pagkain at iba pang pangangailangan. Maging si San Pablo sa Ikalawang Liham sa Mga Taga-Tesalonika, nangaral siya:

“Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang bigyan kayo ng halimbawang dapat tularan. … ito ang itinuro namin sa inyo, ‘Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho’” (Tesalonika 3:8-10).

Ang aral ni San Jose

Medyo magulo ang Bibliya, ano? Sa totoo lang, simple lang ang pangaral dito: Dapat magsikap at manalangin din, sapagkat, wika nga, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

Makikita ito sa buhay ni San Jose, ang nangalaga sa Anak ng Diyos at siyang huwaran ng mga ama.

Ayon sa programa ng Men of St. Joseph, ang samahang itinalaga ng mga Obispong Katoliko na palaganapin sa buong bansa, pangunahing kabanalang-asal ni San Jose ang lubusang magtiwala sa Diyos at sumunod sa Kanyang atas nang walang tutol.

Pagtitiwala at pagtalima. Pag-asa at paggawa. Dasal at asal.

Nang magdalantao ang Mahal na Birhen, naisip ni San Jose na hiwalayan siya nang lihim. Subalit nakinig ang lalaki kay Anghel Gabriel tungkol sa paglilihi ni Maria sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, at pinakasalan niya ang dalaga. Tiwala at talima.

Nang sabihan ng Anghel na lumikas ang buong mag-anak sa Ehipto bago mamaslang ang mga sundalo ng Haring Herodes, agad sumunod si San Jose, buong pag-asa na pangangalagaan sila ng Diyos. Pag-asa at paggawa.

At sa pagpapalaki kay Hesus, itinuro ni San Jose ang lahat ng dapat ipabatid ng ama: pananampalataya sa Diyos, kaalamang maaaring ipaghanapbuhay, at wastong pagsamba at pamumuhay sa Sambayanang Hinirang ng Panginoon. Dasal at asal.

Sa atin ding mga paghamon, magtiwala tayo at tumalima, at gaya ng pahayag ng Panginoong Hesukristo, walang dapat ikatakot.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -