INAASAHANG magdedesisyon ang National Capital Region Tripartite Regional Wages and Productivity Board (NCR-TRWPB) sa susunod na buwan sa petisyon ng labor sector para sa bagong minimum wage o family living wage na nagkakahalaga ng P1,160, o P590 na pagtaas mula sa kasalukuyang P570 araw-araw na take-home pay.
Ayon kay DoLE NCR Regional Director Sarah Buena Mirasol, magkakaroon sila ng deliberasyon tungkol sa petisyon sa susunod na linggo. “Sa susunod na buwan, marahil ay meron na kaming desisyon,” aniya pa.
“If we grant the petition, that will be an increase. The second issue is how much [will be granted],” dagdag pa ni Mirasol sa isinagawang public consultation hearing noong Miyerkules na ginanap sa Philippine Trade Training Center sa Pasay City.
Ang pampublikong pagdinig ay matapos ang magkahiwalay na konsultasyon ng RTWPB-NCR sa mga sektor ng manggagawa at empleyado.
Matatandaang naghain ng petisyon ang labor sector para sa bagong minimum wage na aabot sa P1,160, o P590 dagdag sa kasalukuyang tinatanggap na P570 sahod kada araw.
Ang pinakahuling pagtaas ng suweldo na inaprubahan sa NCR ay noong Mayo 13, 2022 na nagkaroon ng bisa ng sumunod na buwan.
Umabot ito sa P33, na ginawang P533 ang minimum wage rate para sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura at P570 para sa non-agriculture private workers sa Metro Manila.
Ang petisyon na P1,160 na bagong minimum na sahod ay ibinatay ng labor sector sa naging inflation rate na umabot sa 8.1 porsiyento noong Enero at 8.7 porsiyento noong Pebrero, na nagpababa sa purchasing power ng P570 na minimum wage sa P488 lamang.
Ayon din sa Partido Manggagawa (PM), isinusulong ng mga organisasyon mula sa sektor ng mga manggagawa ang pag-apruba sa wage petition na inihain ng Kapatiran ng mga Unyon at Samahang Manggagawa (Kapatiran) noong Disyembre 6.
Sinabi ni PM Secretary General Judy Miranda sa isang pahayag na hanggang noong Enero 2023, ang mga manggagawa ay nawalan ng P88 sa halaga ng P570 minimum wage dahil sa inflation. Kaya kailangan ng P100 dagdag para mabawi ang purchasing power ng sahod ng mga manggagawa.
“This wage hike demand is merely wage recovery. We are not yet even talking of workers claiming a just share in the fruits of their labor,” ani Miranda.
Bukod sa petisyon ng Kapatiran, ang Unity for Wage Increase Now ay naghain noong Marso 21 ng P1,141 na minimum wage rate sa Metro Manila.
Sinang-ayunan naman ni Robert Maronilla ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) ang obserbasyon ng sektor ng paggawa, ngunit idiniin din nito na hindi kayang bayaran ng small, medium and micro enterprises (SMMEs) ang panukalang pagtaas ng suweldo, dahil hindi pa sila nakakabangon sa epekto ng pandemya.
Aniya pa, sakaling igiit ang P1,160 increase sa sahod ay baka mapilitan magsara ang ilang maliliit na kompanya o magbawas ng mga empleyado.
Idinagdag ni Maronilla na sa iminungkahing pagtaas ng sahod ay maaaring maiwan ang mga manggagawa mula sa impormal na sektor, na bumubuo ng 60 porsiyento ng labor force sa bansa. “The informal sector is big. If they are left behind, it could lead to an economic collapse,” aniya pa.
Kaugyan nito, sinabi rin ng hepe ng DoLE-NCR na mayroong mga safety net at exemptions para sa mga establisyimento na hindi kayang bayaran ang dagdag-sahod.
Samantala, makakatanggap ng 200 porsyentong bayad ang mga manggagawang papasok sa trabaho sa Hunyo 28, regular holiday kung kailan ipagdiriwang ang Eid al-Adha o Feast of Sacrifice ng mga Muslim.
Ayon sa Labor Advisory 14, Series of 2023 na nilagdaan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma noong ika-16 ng Hunyo, babayaran ng 200 porsyento ang isang empleyado sa unang walong oras na ipinasok nito. Kung sumobra sa nakatakdang walong oras, 30 porsyento kada oras base sa hourly rate nito ang idadagdag sa kanyang suweldo. Ang computation ay hourly rate ng basic wage x 200 porsyento x 130 porsyento x number of hours na pinagtrabahuhan.
Para sa mga oras na ipinasok sa regular holiday na nagkataon na rest day din ng isang empleyado, siya ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng hourly rate sa nasabing araw o hourly rate ng basic wage x 200 porsyento x 130 porsyento x 130 porsyento x bilang ng oras na ipinasok.