31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Digital payments sa Malasiqui LGU, ikinasa ng Landbank

- Advertisement -
- Advertisement -

MAS mabilis nang makapagbabayad ng amilyar at business permit ang mga residente at negosyante sa bayan ng Malasique sa Pangasinan sa pamamagitan ng online payment facility ng Land Bank of the Philippines (Landbank).

 

Ito ay matapos isama ang LandBank Link.BizPortal sa website ng pamahalaang lokal ng Malasiqui kung saan maaaring ma-access ang mga government services.

 

Sa pamamagitan ng Link.BizPortal, maaaring kumpletuhin ng mga customer ang mga pagbabayad para sa mga lokal na transaksyon nang mas ligtas at mas madali nang hindi kinakailangang magtungo pa sa municipal hall.


 

Pinangunahan ni Malasiqui Mayor Noel Anthony Geslani kasama sina LandBank Senior Vice President Ma. Belma Turla at Assistant Vice President Emelyn Justiniano ang paglulunsad ng mga bagong online services noong ika-8 ng Hunyo 2023 sa Municipal Hall ng bayan.

 

Sinamahan sila ni Malasiqui Vice Mayor Alfe Soriano, Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan Provincial Director Natalia Dalaten, at LandBank San Carlos (Pangasinan) Branch Head Menchie Mencias.

- Advertisement -

 

“Patuloy na nakikipagtulungan ang LandBank sa mga local government units at iba pang government partners para mabigyan ang mga customer ng safe at secure online payment options. Ito ay bahagi ng aming pagnanais na mapalawak ang sakop ng serbisyong pinansyal habang isinusulong ang makahulugan at epektibong pagtugon sa pangangailangan ng publiko,” sabi ni LandBank President at CEO Lynette Ortiz.

 

Sa kasalukuyan ay may 22 local government units (LGUs) sa Pangasinan ang naka-ugnay na sa Link.BizPortal upang magbigay ng mahusay at maginhawang serbisyo sa digital na pagbabayad para sa mga Pangasinense. Kabilang sa mga ito ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at ang mga Pamahalaang Lungsod ng Alaminos, Dagupan, San Carlos at Urdaneta.

 

“Itong launching po natin ngayon ay napakahalaga dahil kahit saan, kahit anong oras ay pwede nang makapagbayad ng fees,” ayon kay Mayor Geslani, na nagsabi pang ang kalulunsad na online service ay makatutulong para mapagaan ang pagbabayad ng mga bayarin na kailangan sa pagpapatakbo ng negosyo sa Malasiqui.

- Advertisement -

 

Ang Link.BizPortal ay ang web-based payment channel ng Landbank na nagbibigay-daan sa mga kliyente na magbayad para sa mga produkto at serbisyo online sa mahigit 1,250 government at private partner merchant sa buong bansa.

 

Noong Abril 2023, nakapagtala ang LandBank ng halos 2.8 milyong transaksyon na umabot ng P4.2 bilyon ang halaga sa pamamagitan ng Link.BizPortal.

 

Ang pag-aalok ng LandBank ng mga solusyon sa digital banking ay kaisa sa pagsusulong sa digital at financial inclusion agenda ng National Government alinsunod sa pinalawak nitong mandato ng paglilingkod sa bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -