Bakit kailangan ng Pilipinas ng dayuhang kapital?
Noong Hunyo 14, 2023 ibinalita sa The Manila Times na bumaba ang net foreign direct investments ng Pilipinas nang halos 31 porsiyento ayon sa datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Mula sa halagang $792 milyon na naitala noong 2022 ito ay bumaba sa halagang $548 milyon ngayong taon. Bakit mahalaga ang balitang ito?
Ang foreign direct investment (FDI) o dayuhang pangangapital ay tumutukoy sa mga equity placements o mga pondong inilalagak ng mga dayuhan sa iba’t ibang kompanya upang ilaan sa pagpapalawak ng pisikal na kapital kasama na ang pagbili ng mga kagamitan, pagtatayo ng mga pabrika at pagbili ng mga makabagong teknolohiya. Bilang equity placements ang mga dayuhan ay naituturing na mga nagmamay-ari ng kompanya.
Samantala, naiiba ito sa portfolio investments na tumutukoy sa pagbili ng mga dayuhan ng mga instrumentong pananalapi tulad ng bond o panagot na pinagbibili ng mga kompanya upang makalikom ng pondo na gagamitin sa pagpapalawak ng kanilang kapital. Dahil ang mga bond ay mga panagot, ang mga kompanya ay may pananagutan sa mga dayuhang humahawak ng mga bond na bayaran sila ng interes bawat taon bilang balik sa mga bond. Dahil binili ng mga dayuhan ay isang instrumentong pananalapi, wala silang maaangking pag-aari ng kompanya. Samakatuwid, sila ay nagpapautang lamang sa mga lokal na kompanya.
Samakatuwid, kahit ang mga dayuhan ay nakikibahagi sa pag-aari ng kompanya o nagpapautang lamang sa kompanya, ang dayuhang pangangapital at pagbili ng instrumentong pananalapi ay nakatuon sa paglikom ng pondo ng kompanya upang magamit sa pagtustos sa pagpapalawak ng pisikal na kapital nito.
Ang kakulangan ng pondo ng ating ekonomiya upang tustusan ang pagbili ng makabagong kagamitan sa produksyon at modernong teknolohiya ang isa sa mga dahilan kung bakit nag-aanyaya ang ating pamahalaan ng mga dayuhang mangangapital na magnegosyo sa ating bansa. Ang kakulangan ng pondo ay bunga ng maliit ang pondong inilalaan ng mga indibidwal, kompanya at pamahalaan sa bansa sa pag-iimpok.
Mahalaga ang dagdag na kapital upang makapaglikha ng dagdag na empleo. Sa proseso ng produksyon, kinakailangan ang paggamit ng kombinasyon ng paggawa at kapital. Dahil sa kakulangan ng kapital, hindi nakakayanan ng mga kompanya na magdagdag ng manggagawa sa kanilang produksyon. Ang mataas ang unemployment rate sa ating bansa at ang pandarayuhan ng ating mga manggagawa ay bunga ng kakulangan ng pondong lilikha ng mga pabrika, opisina, bibili ng mga makina at kagamitan na mangangailan ng mga manggagawa. Subalit, kahit may pumapasok na FDI sa ating bansa taun-taon, kulang pa rin ito upang makaragdag ng malawak na empleo dahil sa bilis ng paglaki ng hukbong paggawa.
Ang mga dayuhang mangangapital sa ating bansa ay nagdadala rin ng makabagong teknolohiya na pag-aari nila. Ang makabagong teknolohiya ay lalong nagpapataas sa produktibidad ng kapital at manggagawa na nagdudulot ng pagbaba ng gastos sa produksyon. Bunga ng epektong ito ipinakita sa maraming pag-aaral na ang istak ng kapital ng ating bansa ang may pinakamalaking ambag sa bilis ng paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas sa maraming dekada kung ihahambing sa ambag ng total factor productivity at sa kontribusyon ng istak ng mga manggagawa.
Dahil sa napakahalagang papel ng kapital sa ating ekonomiya, nakababahala ang balitang bumababa ang pagpasok ng foreign direct investments dahil nanganganib ang pagdaragdag ng empleo, pagpapataas ng produktibidad ng ating mga kompanya at ang mabilis na pagsulong ng ating ekonomiya.