26.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

3 tanso nasungkit ng soft tennis team

- Advertisement -
- Advertisement -

Kagila-gilalas ang ipinakitang laro ng Team Philippines sa naganap na 2023 NongHyup Bank Incheon Korea Cup International Soft Tennis Team Tournament na idinaos mula Hunyo 14-21, 2023 sa South Korea.

Ayon sa post ng Philippine Sports Commission (PSC) kahapon, nag-uwi ng tanso sina Joseph Arcilla sa Men’s Single Event, Bien Zoleta at Dheo Talatayod sa Mixed Doubles at maging ang Men’s Team na binubuo nina Arcilla, Talatayod, Samuel Nuguit at Ryan Carpio.

Makasaysayan ang pagkapanalo ng ating mga atleta sa Men’s Singles at Mixed Doubles dahil ito ang unang pagkakataon na nakasungkit ng medalya ang ating mga pambato sa naturang event. Samantala, pangalawang beses nang nakapag-uwi ng medalya ang Men’s Team sa parehong paligsahan, ayon sa PSC.

Nauna nang kinilala ang galing ng soft tennis team ng Pilipinas nang ipasa ang isang resolusyon sa Senado noong nakaraang buwan, matapos kumabig ng tatlong gintong medalya, isang pilak at isang tanso ang grupo sa naganap na 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.

Ang Resolution No. 66 na ipananukala ni Senator Sonny Angara, co-sponsor si Sen. Bong Go, ay nilagdaan ni Senate President Juan Miguel Zubiri kung saan pinahahalagahan ang Philippine Soft Tennis Association sa pamumuno ni chairman emeritus Dr./Brig. Gen. Antonio Laperal Tamayo at national president Cpt. Robert Joseph Moran, ayon sa ulat ng The Manila Times.


Nakasaad din sa resolusyon na ang pagpapakitang-gilas ng koponan sa Cambodia ay hindi lamang nagpapakita ng galing ng atletang Pinoy kundi ang determinasyon din ng mga itong mag-uwi ng karangalan sa bansa.

Samantala, ipinahayag din ni head coach Divina Escala na ang pagsasanay ng Team Philippines na dumalo sa kampo ng Korean team sa Jincheon National Training Center at ang NH Korea Cup ay bahagi diumano ng kanilang training para sa darating na Asian Games, ayon sa ulat ng PNA.

 

Ang Asian Games, na naunang itinakdang idaos noong Setyembre 2022 ay inilipat at gaganapin na sa ika-23 ng Setyembre hanggang ika-8 ng Oktubre, ayon sa anunsyo ng Olympic Council of Asia (OCA).

- Advertisement -

Nakaplanong isagawa ang kumpetisyon sa soft tennis mula Oktubre 3-7 sa Hangzhou Olympic Tennis Center.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -