27.2 C
Manila
Linggo, Nobyembre 17, 2024

‘Tinapay! Tinapay!’

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawang Bahagi

NAGWAKAS ang unang bahagi ng usaping ito sa matatawag na ring malaking hamon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.: Nakahanda ba siyang kilalanin na sa buong sandaigdigan maliban sa Tsina, ang konsepto ng pamamahala ay ganap na lumihis mula sa pagtugon sa mga pangangailangan sa kabuhayan ng mga nasasakupan tungo sa pagtiyak sa asenso lamang ng mga nasa kapangyarihang pulitikal?

Noon pang nakaraang dalawang siglo, nilinaw na ni Marx na ang kapangyarihan sa kabuhayan ay nagbubunga ng kapangyarihan sa pulitika at ang kapangyarihan sa pulitika ay nagsisilbi sa kapangyarihan sa kabuhayan.

Sa simpleng salita, kung gusto mong yumaman manungkulan ka sa gobyerno.

Dito nabago ang katangian ng gobyerno na imbes na serbisyo publiko, kuhanan lamang ng yaman ng mga nanunungkulan. Nakaligtaan na ang dapat  na tiyaking dadalawang batayang pangangailangan ng tao: pagkain at kalusugan.


Mangyari pa, naririyan din ang mga pangangailangan sa isang ligtas, matiwasay at maligayang pamumuhay, subalit ang mga ito ay nagsasangkot na ng mga usaping kultural at pulitikal na siya ngang mga problemang nilalayon nating lutasin sa pag-uusap na ito.

Natukoy natin sa unang bahagi na ang pagtugon sa problema sa pagkain ay magtutungo sa paglutas sa iba pang suliranin ng lipunan. Bakit may mga puta’t magnanakaw, halimbawa? Sapagkat may mga taong walang makain, may nagkakasakit dahil sa gutom, walang maibili ng gamot. Ang laganap na insurhensiya ay mauugat mo sa laganap na kasalatan sa kabuhayan ng mga hikahos na sa kaduluduluhan ay masusukat mo sa kakapusan ng makakain sa araw-araw.

Ang problema tungkol sa panloob na seguridad ay nakaangkla sa problema ng pagkakaloob ng sapat na pagkain sa mga nagugutom.

May kasabihan nga, “Ang gutom na sikmura ay walang kinikilalang batas.”

- Advertisement -

Samakatwid, hindi solusyong pulitikal ang lulutas sa paghihimagsik kundi ekonomiko, sa simpleng salita pagkain.

Sa panuntunang ito biglang lumilinaw kung bakit sa pagsimulang-pagsimula pa lamang ng kanyang termino, hinawakan na ni Presidente Bongbong Marcos ang Kagawaran sa Agrikultura. Ito ang ahensiya ng gobyerno na direktang may kinaalaman sa gawain ng pagpapakain sa sambayanan. Di ba nga’t agad na sumambulat ang mga anomalya sa asukal at sibuyas, ganun din ang kontrobersiya sa bigas.

Magandang balita kung ganun ang desisyon ni Pangulong Bongbong na patuloy na hawakan ang pagiging Kalihim ng Agrikultura. Sa mga anomalyang nabulgar, lumilinaw na ang usapin ng pagkain ng bansa ay napupunta sa kontrol ng mga pribadong kartel na nangagpasasa rito sa mahabang panahon. Di bababa sa kapangyarihan ng isang presidente ang kailangan upang labanan ang mga halimaw na nagpapakabundat sa gutom ng mga mamayang Pilipino.

Sa desisyong ito, hindi maaaring hindi ipasilip sa atin ni Bongbong na nasa kanya na at isinasapraktika ang isang natatanging uri ng gobyerno na ang diin ay sa pagtiyak sa pagkain at kalusugan ng mga mamamayan. Ganap mong tugunan ang dalawang pangangailangan na ito, nalutas mo na ang kalakhan sa mga alalahanin ng pamahalaan. Nabanggit na sa unahan ang problema ng panloob na seguridad, prostitusyon at pagnanakaw.

Subalit pansinin na ang mga sumambulat na anomalya sa pagkain sa Kagawaran ng Agrikultura ay nagbubunyag sa pribadong pag-aari ng pagkain sa lipunan. Dahil dito, inuuna muna ng mga kartel sa pagkain na tiyakin ang kanilang tubo bago ang kapakanan ng mga mamimili. Sa sobrang taas ng halaga ng pagkaing bilihin sa palengke, ang kalakhan ng sambayanan ay hilahod na sa hirap, makakain lamang.

Ano ang dapat gawin?

- Advertisement -

Alisin ang industriya ng pagkain sa kamay ng mga pribadong negosyante at ang pagpapakain sa sambayanan ay gawing pangunahing tungkulin ng pamahalaan. Lubhang napaka-di-makatarungan na pinagkakakitaan ng iilang mga namumuhunan ang gutom at sakit ng sambayanan.

Hindi simple ang problemang ito. Kailangan ang radikal na paglalansag sa sistema ng malayang kalakalan na isinalaksak ng kolonyalistang Amerikano sa lalamunan ng sambayanang Pilipino sa paghalili nito sa Espanya sa pananakop sa Pilipinas. Makaraan ang mahigit isang siglo, Amerika pa rin ang matigas na promotor ng malayang kalakalan na namamayani sa Pilipinas.

Subalit taglay ni Bongbong ang malaking bentahe. Presidente siya ng bansa, may kapangyarihang gawin ang nararapat para sa kagalingan ng sambayanan. Oo, kokontrahin siya ng Amerika kapag binago niya ang sistema sa Pilipinas, subalit hayag sa bayan na ang kanyang pagbabagong gagawin ay para sa kagalingan ng 100 milyung Pilipino, anong panama ng Amerika rito?

Sa katunayan, ito ang ipinakikitang tunguhin ngayon sa buong daigdig. Taggutom din sa malaking bahagi ng Amerika, Europa at Africa. Sa kalakhan ng daigdig, nakapangyayari ang sistema ng pamahalaan na ang diin ay sa pagpapaunlad sa siyensya at teknolohiya para sa  kabuuang kaunlaran sa ekonomiya ng bansa. Ang problema nga, ang pambansang kaunlaran ay kaunlaran lamang ng mga umuugit sa kapangyarihang pulitikal. Sa Pilipinas, aanim na pamilya ang nagmamay-ari ng mga negosyo, samakatwid ng kabuhayan ng buong bansa. Hindi man ang mga pamilyang ito ang direktang may hawak sa gobyerno, hawak pa rin nila ito sa pamamagitan ng mga tuta o kaibigang pulitiko.

Pero sa kaso ni Senadora Cynthia Villar, maliwanag ang halimbawang ito. Asawa siya ni Manny Villar, ang nangunguna sa anim na nabanggit na pinakamayaman sa Pilipinas.

Sa pagdiin ng pamahalaan ni Bongbong sa pagkain at kalusugan ng sambayanan, tutungo ito sa mga pagbabago sa pribadong pag-aari ng kabuhayan. Babalik sa Pilipinas ang kaayusan ng buhay ng ating mga kanunununuan: sama-samang pakikinabang sa yaman ng kalikasan. Subalit di tulad ng sinaunang primitibong komunal na sistema, ang sama-samang pakikinabang sa yaman ng kalikasan sa modernong panahon ay ganap na ginagabayan ng mga kaunlaran sa siyensya’t teknolihiya na inabot ng sangkatauhan.

Sa Pilipinas, nakabungad kay Bongbong ngayon ang ginintuang pagkakataong magpatupad ng isang pamahalaang totoong makatarungan, makatao’t maligaya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -