24.3 C
Manila
Sabado, Disyembre 28, 2024

Parangal na OVP Pasidungog, iginawad sa DOLE RO 6

- Advertisement -
- Advertisement -

IGINAWAD ng Office of the Vice President (OVP) sa Department of Labor and Employment Regional Office No. 6 (DoLE RO 6) ang parangal na ‘Pasidungog’ para sa mga kontribusyon at suporta nito sa OVP sa pagkamit ng mga layunin nitong baguhin ang buhay ng mga mamamayang Pilipino.

Ang Pasidungog, na ang ibig sabihin ay pagbubunyi o kadakilaan, ay isang selebrasyon ng pagtutulungan, pagpapahalaga, at pagkilala sa mga partner ng OVP sa suportang kanilang ibinigay sa implementasyon ng kanilang mga proyekyo at gawain.

Sa paggawad ng parangal, binigyang-diin ni Bise Presidente Sara Duterte ang iisang hangarin ng kanilang iba’t ibang partner na magkatuwang na nagtutulungan upang pagaanin ang pang-ekonomiyang kalagayan ng mga mahihirap.

“Narito tayo para sa ating iisang hangarin sa ating kapwa Pilipino — lalo na iyong mga nahihirapan nang bumangon mula sa kahirapan at ang paulit-ulit na karahasan na kaakibat nito,” wika ni VP Duterte.

Nagbigay ang Office of the Vice President Satellite Field Office sa Bacolod, sa pakikipagtulungan ng DoLE RO 6 sa ilalim ni Regional Director Atty. Sixto Rodriguez, Jr., ng kabuuang P9,311,588 emergency employment package sa 1,898 benepisyaryo mula sa 17 barangay sa lungsod sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad).


Sinabi ni RD Rodriguez na ang tinanggap na parangal ay hindi lamang tungkol sa pagkilala sa kanilang ginawa kundi isang paalala rin sa responsibilidad na kaakibat nito.

“Isa itong hamon upang patuloy nating gampanan ang ating responsibilidad sa paglikha ng magandang kinabukasan para sa ating bansa,” pahayag ni RD Rodriguez.

Kinilala rin ng DoLE RO 6 director ang mga nagbahagi ng kanilang kadalubhasaan at tulong sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa ng DoLE.

“Hindi lamang para sa akin ang parangal na ito, kundi para sa lahat ng tumulong sa aming pagsisikap,” aniya.

- Advertisement -

Binigyang-diin din ni RD Rodriquez na “ang Pasidungog ay nagpapatunay sa kapangyarihan ng pagtutulungan at ang kabutihang maaaring makamit ng DoLE kapag ang lahat ay nagtutulungan tungo sa iisang layunin.”

Binigyang-halaga niya ang inspirasyong ibinibigay ng parangal para patuloy na suportahan ang mga adbokasiya ni VP Sara Duterte para sa ikabubuti ng sambayanang Pilipino.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -