26.8 C
Manila
Huwebes, Enero 23, 2025

Gawad Ponciano B.P. Pineda sa Araling Salin

- Advertisement -
- Advertisement -

Bukás na ang pagtanggap ng Komisyon sa Wikang Filipino ng mga panukalang saliksik para sa Gawad Ponciano B.P. Pineda sa Araling Salin [KWF Grant sa Saliksik].

Ang Gawad Ponciano B.P. Pineda sa Araling Salin ay proyekto ng KWF na naggagawad ng pondo sa mga pananaliksik sa araling salin sa Pilipinas. Ito ay bagong bukás na proyekto at kompetisyon ng KWF na isasagawa taon-taon mula ngayong 2023.

Ang grant ay naglalayong higit pang mapasulong at mapalakas ang kultura ng pananaliksik sa pagsasalin sa bansa. Isa ito sa mga pamamaraan ng KWF upang matugunan ang mandato ng ahensiya sa pagpapaunlad ng wikang pambansa at iba pang wikang katutubo. Sinusuportahan din nito ang mga mananaliksik sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo at pagkakataong mailimbag ang mga saliksik sa isang refereed journal, at upang maitampok nila ang kanilang saliksik sa araling salin at mapakinabangan ng publiko.

Ang grant ay bukás sa lahat ng propesyonal at baguhang mananaliksik sa araling salin, mga mananaliksik mula sa akademya, at nása industriya ng pagsasalin. Maaaring isagawa ang pananaliksik ng indibidwal o grupo.

Magkakaloob ang KWF ng halagang PHP25,000.00 sa bawat mapipiling proposal. Makukuha ito sa pamamagitan ng reimbursement at batay sa nagawang pananaliksik ng proponent. Kaugnay nito, matapos ang pagsasagawa ng saliksik, kinakailangang makapagsumite ang proponent ng listahan ng pinaglaanan ng badyet tulad ng bayad sa mga informant, pamasahe, pagkain, load, bayad sa internet, papel, audio/video recorder, etc. Kinakailangang may kalakip itong resibo o anumang patunay ng gastos bago makapag-reimburse. Makukuha dito ang form sa lagom ng gastos.

Malayà ang mananaliksik na magpanukala ng anumang saliksik na may kaugnayan sa araling salin sa Pilipinas. Ilan sa mga paksang maaaring saliksikin:

  • saliksik sa pagsasalin at kasaysayan
  • saliksik sa pedagohiya ng pagsasalin
  • saliksik sa pagsasalin at postkolonyalismo
  • saliksik sa pagsasalin at ang kultural na pagkakakilanlan
  • pagsasalin sa post-COVID na mundo
  • pagsasalin bilang talinghaga
  • gender at pagsasalin
  • kasaysayan ng industriya ng pagsasalin sa Pilipinas
  • pagsasaling pampelikula at pandulaan
  • stylistics/poetika at pagsasalin
  • pagsasalin at araling pangkultura
  • pagsasalin at araling pangwika
  • pagsasalin at panitikan

Hindi maaaring ipása ang mga saliksik na naipanukala na sa ibang journal, babasahín, at antolohiya o nakatanggap na ng grant o inulit lámang. Ang matatapos na saliksik ay gagamitin ng KWF sa isang forum na idaraos sa taóng 2024. May unang opsiyon din ang KWF na ilimbag ang mga saliksik sa isang refereed journal.

Isusumite ng mananaliksik ang pinal na kopya ng saliksik na nása Word file, minimum na tatlumpung [30] pahina, single-spaced, Arial font, size 12 pts.

Sa 30 Agosto 2023 ang hulíng araw ng pagpapása ng proposal ng pananaliksik at sa 30 Setyembre 2023 iaanunsiyo ang mga gagawaran.
Magsumite ng sumusunod:

  1. Form sa Aplikasyon;
  2. Updated na curriculum vitae.

Ipadala sa 2/P Gusali Watson 1610 Kalye J. P. Laurel, San Miguel, Malacañang Complex, Maynila 1005.

Para sa mga tanong, magpadala ng mensahe sa [email protected].

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -