Sa gitna ng pagrepaso ng K to 12 program, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na bigyang pansin ang 4 sa 10 mag-aaral na pumapasok sa Grade 1 ngunit umaalis ng paaralan pagdating ng Grade 10.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd) at pagsusuri ng tanggapan ng senador, sa 100 na mag-aaral na pumasok sa Grade 1 noong School Year (SY) 2010-2011, 60 lamang ang tumuloy hanggang Grade 10 at 58 lamang ang natapos ng junior high school.
“Ang hamon para sa atin ay kung paano tulungan ang 40% na nawala pagdating ng Grade 10. Kailangan nating pag-isipan kung paano mananatili ang mga bata mula Grade 1 hanggang Grade 10 at isa itong hamon na kailangan nating tutukan sa EDCOM,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Ang kawalan ng personal na interes sa mga kabataang may edad na 12 hanggang 17 ang pangunahing dahilan ng hindi pagpasok sa paaralan. Batay sa 2019 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), 41.9% ng mga kabataang may edad na 12 hanggang 15 at 28.3% ng mga may edad na 16 hanggang 17 ang nagsabing wala silang interes pumasok.
Pangalawang dahilan naman ng hindi pagpasok ang kawalan ng sapat na kita ng pamilya. Ayon pa rin sa 2019 FLEMMS survey, 14.4% ng mga kabataang may edad 12 hanggang 15, at 15.4% ng mga may edad 16 to 17 ang hindi nagpatuloy sa Grade 10 dahil sa kawalan ng sapat na kita ng pamilya.
Sa ilalim ng ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) na inihain ni Gatchalian, iminungkahi niya ang pagpapatupad ng mass awareness campaigns upang hikayatin ang pagbabalik ng mga mag-aaral sa paaralan. Layunin ng panukalang ARAL Program ang pagpapatupad ng pambansang programa para sa learning recovery upang tugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.