May bagong debate hinggil sa hiling ng Estados Unidos (US) na tumigil sa Pilipinas ang 50,000 dating tauhan at kaalyado ng Amerika sa Afghanistan habang pinoproseso ang US visa nila. At isa sa matinding tumututol dahil sa maaaring banta sa ating seguridad walang iba kundi si Bise-Presidente Sara Duterte.
Sinabi ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa Senado na sumulat si VP at Kalihim ng DepEd Inday Sara sa Anti-Terrorism Council kontra sa gusto ng US. Ang dahilan: Baka may masaktan o mapatay, pati mag-aaral, kung maglaban ang mga Afghano at mga teroristang Pilipinong kaalyado ng Taliban, ang kalaban ng Amerika sa Afghanistan.
May pangamba rin ang Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (NBI) at ang Pambansang Ahensiya sa Koordinasyon ng Intelihensiya (NICA). Ayon sa NBI, may mga “sleeper cells” o lihim na pangkat terorista sa bansa na maaaring umatake sa mga Afghanong papasok.
Sabi naman ng hepe ng NICA at dating pinuno ng Kapulisang Pambansa ng Pilipinas (PNP) Ricardo de Leon na puwedeng gamitin ng terorista bilang propaganda ang pagpasok dito ng mga Afghanong tumulong sa pagsakop ng US sa Afghanistan mula 2001 hanggang 2022.
Maaaring magbunsod ito ng terorismo hindi lamang dito sa ating bansa, kundi pati sa ibayong dagat, lalo na sa Gitnang Silangan. Tanda pa natin ang pagkidnap kay Angelo de la Cruz dahil lumahok ang Pilipinas sa digma ng Amerika sa Iraq noong 2003.
Mas peligroso ang EDCA
Sa totoo lang, kung may pangamba ang mga pinuno ng bansa at mga ahensiya ng gobyerno sa pagpasok ng mga Afghanong tumulong sa US, lalo dapat mag-alma sa pagbigay ng Administrasyong Marcos Jr. ng siyam ng base militar para gamitin ng hukbong Amerikano sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Malamang maproseso at makaalis sa loob ng isa hanggang tatlong taon ang 50,000 Afghano, yamang mahigit 200,000 non-immigrant visa ang naibibigay ng Embahada ng Amerika sa Pilipinas sa isang taon. Samantala, puwedeng tumagal ng 10 taon o higit pa ang EDCA, lalo na kung pahabain ito nang isa pang dekada pagsapit ng buwan ng renewal sa Abril 2024.
At hindi lang mga pangkat ng terorista ang baka umatake sa ating mga base, kundi mga raket at bomba ng mga bansang katunggali ng Amerika, kabilang ang Tsina at Hilagang Korea.
“Pauulanan tayo ng missiles,” babala ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang panayam kay Pastor Apollo Quiboloy noong Marso — na hindi halos pinansin ng pangunahing media sa bansa.
Sa katunayan, wala halos sinasabi ang mga pinuno ng bansa, mga kagawaran ng pamahalaan, at maging mga pangunahing pahayagan at brodkaster tungkol sa mga malagim na peligro sa bansa, lalo na sa mga lungsod at lalawigang may baseng EDCA.
Kung may mga pasabog na maligaw ng tama sa mga kampong gamit ng Amerikano, lagot ang mga lungsod ng Cebu, Cagayan de Oro, at Puerto Princesa at ang mga lalawigan ng Cagayan (kung saan may dalawang base), Isabela, Nueva Ecija, Pampanga at Katimugang Palawan.
At kung bomba atomika ang bumagsak, hindi lang tao ang mapipinsala, kundi lupain, pati ang pangunahing sakahan ng palay ng ating bansa sa Gitnang Luzon. Hindi matataniman o makakain ang may kontaminasyong nuklear.
Ang pinakamahalagang debate
Papatulan kaya ni VP Sara ang EDCA, gaya ng dating Pangulong Duterte? Sa halip na hintayin kung tutulad sa ama ang anak, mukhang naniniguro na ang Amerika at mga kakakampi nito sa Pilipinas na hindi makakontra ang Bise-Presidente — o makapasok sa Malakanyang pagbaba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.
Ito pihado ang dahilan kaya nagkaintriga sa Kongreso laban sa dating pangulong Gloria Arroyo, isa sa mga pangunahing tagasuporta at tagapayo ni Inday Sara. Subalit ang VP pa rin ang pinakapopular na pinuno sa bansa, ayon sa mga survey. Sa ulat ng Social Weather Stations, nanguna ang Pangalawang Pangulo sa mga pulitikong ibig ng taong humalili kay Marcos.
At kung kontrahin niya ang EDCA, baka makakampi niya si Senador Robin Padilla, ang nanguna sa halalan ng senador sa 2022 — at naghayag noong Abril na hindi dapat gamitin ng Amerika ang Pilipinas upang atakihin ang Tsina.
Napakahalaga sa kapayapaan at kaligtasan ng ating bansa ang magkaroon ng malawakan at masinsinang debate tungkol sa EDCA, lalo na sa panahon ng posibleng gera sa pagitan ng Tsina at US kung magdeklara ang Taiwan ng independensiya.
Subalit tikim ang bibig ng nakararaming pinuno at opisyal natin. Sa halip, sabi pa ni retiradong heneral Carlito Galvez Jr., noong tagapangalaga ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, na walang dapat ikabahala sa EDCA — bagaman mismong mga eksperto ng seguridad sa Amerika ang nag-uulat na unang aatakihin ng Tsina sa digmaan ang mga paliparang gamit ng US sa Asya.
Napakahalagang mangusap si VP Sara, Sen. Padilla at iba pang pinuno tungkol sa panganib ng EDCA, lalo na sa paglapit ng pagtatapos at posibleng renewal ng kasunduan.
Hindi ito politika, kundi pagtaya sa kaligtasan at tunay na kasarinlan ng mahal nating Inang Bayang Pilipinas.