26.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Prologo: Ang Huling Kastila

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang bahagi ng kolum na 2 bahagi

ITO ang prologo ng The First Filipino ni Leon Maria Guerrero na isinalin ko sa Filipino. Nagsimula ito sa isang sipi mula kay Javier Gomez de la Serna.

“May dalawang Espanya: ang isa’y dakila, mapagbigay, taglay ang lahat ng kilalang kaugalian na hinahangaan sa buong mundo, ang mga kabalyerong magigiting, mga bayani sa loob at labas ng bayan. Tahimik na iniaalay ang buhay para sa pag-ibig, para sa isang ideya, sa disiplina ng military o dedikasyon sa agham; ang Espanya na minahal ni Rizal hanggang sa kanyang kamatayan… at ang isa pang “itim” na Espanya na sinunggaban siya sa marilag na oras ng kanyang buhay, ang Espanya na paliit na ng paliit, binubuong masasama at malalamya, na malulupit at mga panatiko, mga ulong walang dangal at mga dangal na walang utak, na hindi nararapat bigyan kahit ng pag-ayon sa katahimikan.”

Ang kasaysayan ng Espanya sa Pilipinas ay nagsisimula at natatapos sa prayle. Noong una, siya ay si Andres de Urdaneta, kagilalagilalas na taga-Basque, sunog ang mukha at tinabingi ng pagsabog ng dalawang paputok. Sa edad na 17, naging kasama siya ni Elcano sa ekspedisyon ni Loaysa matapos itong matalo ay naging isang negosyante’t pirata sa Indies, kung saan siya nagkaroon ng anak na kalahating Indonesian, kasama ng conquistador na si Pedro de Alvarado sa Amerika, naging prayleng Agustino sa edad na 44, personal siyang isinama ni Felipe II para maging pinuno sa ekspedisyon ni Legazpi at sundan ang ruta papuntang Pilipinas kahit labag man ito sa kaniyang konsensiya dahil inisip niyang ito’y pag-aari ng Portugal.

Siya rin ay si Domingo de Salazar, ang unang bishop ng Maynila, na nagpatawag ng isang konseho para kondenahin ang pang-aalipin sa mga Pilipino ng mga encomenderos at binalaan ng apoy sa impiyerno ang mga tatalikod sa banal na misyon ng Espanya. Tapat sa doktrina ng mga Dominikano ukol sa mapayapang pananakop at ang natural na Karapatan ng mga pagano, na pormal ding tinaggap ni Felipe, pinagsikapan niya at ng kaniyang mga kapatid na ipunin ang mga Pilipino sa mga pamayanan kung saan sila mananatiling tapat sa Trono at Altar, at sa wakas ay umamin na nabigo siya sa isang bansa na hindi katulad ng Mexico, at “ang lahat ay maliliit na pamayanan na may sariling pinuno.”


Pero siya rin ay si Juan de Valderrama, provincial superior ng mga Augustinian, na pinagbintangan kasama ng walong iba pa nang paulit-paulit na pagsuway sa utos na huwag makipagtalik; Lorenzo de Leon, isa pa ring provincial superior ng mga Augustinian, na naakusahan na parang isang “negosyanteng pampubliko,” at hinayaan ang “mga pakikipagsapalarang romantiko” at “malawakang pagnanakaw sa mga pag-aari ng Simbahan”’ at si Vicente de Sepulveda, na pinatay sa kumbento ng kaniyang kasamahang mga Augustinian, dahil gusto niyang ibalik ang batas na asetiko ng kanilang groupo.

Ang prayleng Kastila ang tunay na tagagalugad at mananakop ng arkipelago. Kakaunti lamang ang mga kasama ng adelantadong si Miguel Lopez de Legazpi. Apatnapu’t lima lamang ang mga tauhan ng apo niyang si Salcedo sa kanyang eksplorasyo sa hilaga. Ang bigat ng kapangyarihan ay dala-dala ng mga malulungkot na misyonaryo: ang mga Augustinian, na dumating kasama ni Legazpi noong 1565, ang mga Pransiskano, 1578; Heswiat, 1581; Dominikano, 1587; at ang mga Augustinian na Rekoletos, 1606. Pagkatapos nila’y sumunod ang mga Capuchin, Benedictine, at Vincentians. Sila’y mga monghe, prayle, clerks, tagabigay ng sermon, mga guro; nanumpa silang mabubuhay sa kahirapan, kalinisan, at pagsunod sa nakatataas; sila’y mabubuhay sa ilalim ng mga komunidad na may isang Batas; sa Pilipinas, nakilala sila bilang mga prayle lamang, maliban sa mga Heswita na nanatili ang pagiging indibidwal.

Binigyan ang Korona ng Espanya ng malawak na hurisdiksyon sa Simbahan sa Indies, at kadalasa’y iniwasan nitong magkaroon ang isang Order ng control sa isang grupong etniko; pero ang batas ay binago sa Pilipinas dahil sa kakulangan ng mga misyonero at sa nakahihilong dami ng mga wika. Dahil dito, kahit ang lahat ng mga Order ay may mga paroko sa Maynila, ang mga Tagalog ay nahahati sa mga Augustinian, na may mga paroko sa Pampanga at Ilokos, at sa mga Pransiskano, na may mga paroko rin sa Bikol. Ang Bisaya ay hinati sa pagitan ng mga Augustinian at mga Heswita. Hawak ng mga Dominikano ang mga lalawigan ng Pangasinan at Cagayan, pati na ang mga Intsik, na halos lahat ay nakatira sa Parian sa Maynila. Ang mga Rekoletos, na nahuli ng dating, ay kailangang pagtiyagaan ang mga natitira pang parokong nagkalat sa buong arkipelago.

Pero hindi naging madali ang kumbersyon ng mga Pilipino, tulad ng una nilang inakala. Totoong hindi sumuong ang mga misyonero sa mahigpit na uri at sibilisasyon ng India, o nakipagbuno sa Bawal naLunsod ng sibilisasyong Tsino; hindi nila kailangang magkunwaring mandarin o brahmin para magsermon sa mga Pilipino; sa katunayan, ang pinakamahirap nilang ginawa’y hanapin ang mga Pilipino. Dahil tumira silang magkakasama sa maliliit na grupo sa pampang ng mga ilog o sa nilis na kagubatan, at kailangan pa silang ipunin sa mga bayan-bayan para gawing Kristiyano at pamunuan. Pansamantalang nasilaw sa mga ritwal at pista ng Simbahan, matapos nito’y aalis sila sa gabi para bumalik sa mga malalayong bukirin, at susundan na naman sila ng mga misyonero, pakikiusapan, tatakutin, tuturuan, gagamitin sa lahat ng mga ito ang mga bata. Lumalim lamang ang pundasynon ng Kristiyanismo matapos ang 50 taon, na kasabay din sa pagtatayo ng bagong kaauyusang panlipunan at pampulitika.

- Advertisement -

Tatlong daang taon pagkapos nina Prayle Urdaneta at Prayle Salazar, umikot na ang pamayanan sa katauhan ng prayle, kahit anupaman ang kanyang kapisanan. Siya ang pari ng Itinayong Simbahan at habang dumarating at umaalis ang mga gobernador-heneral — 59 sila mula sa panahon ng pananakop ni Napoleon hanggang sa gyera ng mga Amerikano — sila ang totoong kumatawan sa Korona ng Espanya.

(Basahin ang ikalawang bahagi sa Biyernes, Hunyo 23, 2023)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -