Idineklarang regular holiday ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Hunyo 28, Miyerkules, bilang pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice sa buong bansa.
Sa ipinalabas na Proclamation No. 258, sinabi ni Pangulong Marcos na ang petsa ay ayon rekomendasyon ng National Commission on Muslim Filipinos alinsunod sa 1444 Hijrah Islamic Lunar Calendar.
Ayon sa proklamasyon na may petsang Hunyo 13, 2023 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang Eid’l Adha ay pangalawa sa dalawang mga pinakadakilang kapistahan ng Islam na ipinagdiriwang ng buong mundo.
Feast of Sacrifice
Ang Eid al-Adha, (Arabic: “Festival of Sacrifice”), binabaybay din bilang ʿĪd al-Aḍḥā, at tinatawag ding ʿĪd al-Qurbān o al-ʿĪd al-Kabīr (“Major Festival”), Turkish Kurban Bayram, ay ang pangalawa sa dalawang pinakadakilang pagdiriwang ng mga Muslim, ang isa pa ay ang Eid al-Fitr. (https://www.britannica.com/topic/Eid-al-Adha)
Ang Eid al-Adha ay ang pagtatapos ng mga ritwal ng hajj (pilgrimage) sa Minā, Saudi Arabia, malapit sa Mecca, ngunit ipinagdiriwang ng mga Muslim sa buong mundo. Tulad ng Eid al Fitr, ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng communal prayer (ṣalāt) sa pagsikat ng araw sa unang araw nito. Nagsisimula ito sa ika-10 ng Dhū al-Ḥijjah, ang huling buwan ng Islam calendar, at nagpapatuloy sa karagdagang tatlong araw.
Ang mga lumalahok sa Hajj o Pilgrimage, ang ikalimang haligi ng Islam, ay mga kalalakihan at kababaihan na may kakayahang pisikal at pinansyal at gagawin ito ng minsan lamang.
Sa panahon ng kapistahan, ang mga pamilyang may kakayahan ay mag-aalay ng tupa, kambing, kamelyo, o baka at pagkatapos ay hahatiin ang karne o laman nang pantay-pantay sa kanilang mga sarili, sa mahihirap, at mga kaibigan at mga kapitbahay. Ang Eid al-Adha ay panahon din para sa pagbisita sa mga kaibigan at pamilya at para sa pagpapalitan ng mga regalo.
Ang Feast of Sacrifice (https://www.brandeis.edu/spiritual-life/resources/guide-to-observances/eid-al-adha.html) ay sinasabing nagmula nang utusan ng Panginoon si Propeta Abraham sa isang panaginip, na ialay ang kanyang anak na si Ishmail. At nang nasa akto na siya ng pag aalay ng kanyang anak, ipinadala ng Diyos ang anghel na si Gabriel na may dalang malaking tupa. Dito ay ipinaalam ni Gabriel kay Abraham na ang kanyang pangitain ay natupad na at inutusan siyang ihandog ang tupa bilang pantubos para sa kanyang anak.