31 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Pope Francis, 1 linggo pa sa ospital

- Advertisement -
- Advertisement -

MANANATILI pa sa ospital sa susunod na linggo si Pope Francis, ayon kay Doctor Sergio Alfieri, ang surgeon na nag-opera sa Santo Papa noong Hunyo 7.

Sa isinagawang press briefing ng Holy See Press Office noong Sabado, sinabi ni Alfieri na ito ay upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagpapagaling nang sa gayon ay makabalik na ito sa kanyang mga gawaing nang nasa maayos nang kondisyon. Maganda rin ang resulta ng blood at x-ray tests.

Pope Francis kasama ni Pangulong Manfred Weber

Idinagdag pa ni Alfieri na ang operasyon ay isinagawa hindi dahil sa emergency case kundi napagpasyahan lamang sanhi ng tumataas na lebel ng sakit na nararamdaman.

Pinayuhan din ng doctor ang Santo Papa na limitahan ang anumang pagkilos nang sa gayon ay mabawasan ang anumang puwersa sa tiyan.

Noong Biyernes, nagpasalamat ang Santo Papa sa mga panalagin ng paggaling na kanyang natatangap.


“I sincerely appreciate the prayers and numerous expressions of closeness and affection received in the past few days,” ayon sa 86-na taong gulang na Papa sa kanyang Twitter account.

Ipinagdarasal din niya umano ang lahat lalo na ang mga nagdurusa at humiling din siya na isama siya sa mga panalangin.

Matatandaang sumailalim si Pope Francis sa abdominal surgery noong Miyerkules nang hapon.

Medical history ni Pope

- Advertisement -

Ang 86-anyos na Papa, na sa nagdaaang halos 10 taon ng pagiging Santo Papa ay naging maayos ang kalusugan, ay nakaranas ng ilang kondisyong medikal mula noong Disyembre 2020 hanggang maoperahan siya noong Miyerkules, Hunyo 7.

Ayon sa datos mula sa www.catholicnewsagency.com, sa mga huling araw ng 2020, nakaranas si Pope Francis ng sciatica pain kung saan nakadama siya ng pananakit, panghihina o pangingilig sa binti.

Sinabi ng Papa na ilang taon na rin niyang dinaramdam ang naturang sakit na nagsisimula sa ibabang likod at maaaring magdulot ng pananakit sa likod ng hita at binti hanggang sa paa.

Dahil dito, hindi nakapamuno si Pope Francis sa mga liturhiya ng Vatican sa bisperas ng bagong taon at araw ng bagong taon noon.

Enero 2021

Napilitan din si Pope Francis na kanselahin ang tatlo pang pampublikong pagpapakita sa katapusan ng Enero dahil sa pananakit ng sciatic nerve.

- Advertisement -

Hulyo 2021

Dinala sa ospital ang Santo Papa noong Hulyo 4 at sumailalim sa isang operasyon upang maibsan ang stricture ng colon dulot ng diverticulitis. Kasama sa tatlong oras na operasyon ang isang kaliwang hemicolectomy, ang pagtanggal ng isang bahagi ng colon.

Nanatili ang Santo Papa ng 11 araw sa Gemelli Hospital sa Roma.

Enero 2022

Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag noong Enero 17 sa Jerusalem-based Christian Media Center, sinabi ni Pope Francis na nahihirapan siya kapag nakatayo dahil sa problema sa kanang tuhod dulot ng namamagang ligament.

Bunga nito, hindi rin niya nabati gaya ng nakagawian ang mga pilgrims ng sumunod na linggo.

Pebrero 2022

Sa pagtatapos ng Pebrero, kinansela ni Pope Francis ang dalawang pampublikong kaganapan dahil pa rin sa pananakit ng tuhod at sa utos ng doktor na magpahinga.

Sa sumunod na buwan, tinutulugan siya sa pag-akyat at pagbaba ng hagdan, ngunit nagagawang maglakad at tumayo na ng mag-isa.

Abril 2022

Sa isang paglalakbay sa Malta noong unang katapusan ng linggo ng Abril, gumamit si Pope Francis ng elevator upang bumaba sa papal plane.

Naglagay rin ng espesyal na elevator sa Basilica of St. Paul sa Rabat, para makadalaw at manalangin si Pope Francis sa crypt grotto nang hindi umaakyat ng hagdan.

Sa pabalik na flight noong Abril 3, sinabi niya sa mga mamamahayag na “ang aking kalusugan ay medyo pabagu-bago, mayroon akong problema sa tuhod na nagdudulot ng mga problema sa paglalakad.”

Sa paggunita sa Biyernes Santo ng Vatican, ang Papa ay hindi nagpatirapa sa harap ng altar, tulad ng ginawa niya ng mga nakaraan.

Hindi rin siya namuno sa Easter Vigil Mass noong Abril 16 o kahit lumahok sa paschal candle procession. Umupo na lamang siya sa harap ng kongregasyon.

Noong Abril 22 at Abril 26, inayos ang iskedyul ng Santo Papa para sa mga medikal na pagsusuri at pahinga para sa kanyang tuhod, ayon pa sa Vatican.

Nang sumunod na araw, sinabi ng Santo Papa sa mga pilgrim sa kanyang pangkalahatang audience na pinipigilan siya ng kanyang tuhod na tumayo nang napakatagal.

Nagsimula ring manatiling nakaupo si Pope Francis sa popemobile habang binabati ang mga pilgrims sa St. Peter’s Square.

Noong Abril 30, tuluyan nang pinagbawalan si Pope Francis ng kanyang mga doctor na maglakad.

Mayo 2022

Sa pagsisimula ng buwan ng Mayo, sinabi ng Santo Papa na sasailalim siya sa isang medikal na pamamaraan para sa kanyang tuhod, “therapeutic injection” na kung minsan ay ginagamit upang mapawi ang pananakit ng tuhod na dulot ng pagkapunit ng ligament.

Pagkalipas ng dalawang araw, gumamit siya ng wheelchair sa publiko sa unang pagkakataon mula noong Hulyo 2021 kung kailan sumailalim siya sa colon surgery.

Sa buong Mayo ay ipinagpatuloy niya ang paggamit ng wheelchair at iniiwasan ang karamihan sa pagtayo at paglalakad.

Sumasailalim din siya sa sa mahigit dalawang oras na rehabilitasyon para sa kanyang tuhod araw-araw, ayon sa Arsobispo ng Argentina na si Victor Manuel Fernandez sa kanyang twitter account.

Maliban sa pananakit ng kanyang tuhod ay wala nang idinadaing ang Santo Papa.

Nauna rito, inihayag ng tourism minister ng Lebanon na ang napaulat na pagbisita ng Santo Papa sa Hunyo ay maaaring ipagpaliban dahil na rin sa kalusugan nito.

Nagawang tumayo ni Pope Francis habang isinasagawa ang misa sa St. Peter’s Square noong Mayo 15.

Matapos ito, isang seminarista mula sa Mexico ang nakarinig sa usapan ng Santo Papa at isang pilgrim habang sakay ito sa kanyang popemobile. Pinasalamatan ng pilgrim ang Papa na pinilit pa ring pangunahan ang misa sa kabila ng nararamdamang sakit ng tuhod. Sumagot naman ang Papa sa kung ano ang kailangan para sa kanyang nananakit na tuhod, konting tequilla.

Hunyo 2022

Noong unang bahagi ng Hunyo, ipinagpaliban ng Vatican ang planong pagbisita ni Pope Francis sa Democratic Republic of Congo at South Sudan para sa kanyang kalusugan. Ang paglalakbay ay binalak para sa Hulyo 2–7 ngunit ipinagpaliban “sa kahilingan ng kanyang mga doktor, at upang hindi malagay sa panganib ang mga resulta ng therapy na kanyang ginagawa para sa kanyang tuhod,” ayon sa Vatican.

Wala pang isang linggo, inihayag ng Vatican na hindi mamumuno si Pope Francis sa Hunyo 16 na Corpus Christi Mass dahil sa kanyang mga problema sa tuhod at “specific liturgical needs of the celebration”.

“Kapag matanda ka na, wala ka nang kontrol sa katawan mo. Kailangang matutong pumili kung ano ang dapat gawin at kung ano ang hindi dapat gawin,” sabi ng Papa sa kanyang pahayag sa general audience noong Hunyo 15,

Maging matiyaga rin umano at piliin kung ano ang hihilingin sa katawan at sa buhay. “Kapag tayo ay matanda na, hindi natin magagawa ang parehong mga bagay na ginawa natin noong tayo ay bata pa: ang katawan ay may ibang bilis, at dapat tayong makinig sa katawan at tanggapin ang mga limitasyon nito.”

Hunyo 28, gumamit na ng tungkod si Pope Francis nang salubungin ang mga obispo mula sa Brazil.

Agosto 2022

Inanunsyo ng Vatican noong Agosto 4, ang pagtatalaga kay Massimiliano Strappetti, isang nars sa Vatican, bilang “personal health care assistant” ni Pope Francis.

Nobyembre 2022

Ni-recruit si José María Villalón, ang punong doktor ng koponan ng soccer ng Atlético de Madrid, para tulungan si Pope Francis sa kanyang mga problema sa tuhod at nag-alok ng mga konserbatibong pamamaraan ng paggamot upang sumang-ayon ito.

Enero 2023

Sa isang panayam na inilathala ng Associated Press noong Enero 25, inihayag ni Pope Francis na bumalik ang kanyang diverticulitis. Gayunman, binigyang-diin niya na siya ay nasa “magandang kalusugan” at para sa kanyang edad, siya ay “normal.”

Pebrero 2023

Noong Pebrero 23, inihayag ng Vatican na si Pope Francis ay nagkaroon ng “matinding sipon.”

Marso 2023

Inanunsyo ng Vatican noong Marso 29, na si Pope Francis ay inaasahang mananatili sa isang ospital sa Roma sa loob ng “ilang araw” dahil sa impeksyon sa paghinga.

Nauna nang ibinalita na siya ay nasa ospital para sa dati nang nakatakdang medical check-up.

Hunyo 2023

Kinumpirma ng Vatican na bumisita si Pope Francis sa center ng Gemelli Hospital para sa mga matatanda para sa 40 minutong appointment noong Hunyo 6.

Noong Hunyo 7, sinabi ng tagapagsalita ng Vatican na si Matteo Bruni, na sasailalim ang Santo Papa sa isang abdominal surgery under general anaesthesia bandang hapon.

Sa pinakahuling impormasyon mula sa Vatican, nagiging maayos ang pagpapagaling ng Santo Papa bagama’t limitado pa rin ang kanyang pagkilos.

Si Pope Francis ang ika-266 na Papa Romano ng Simbahang Katoliko.

Dating Cardinal Jorge Mario Bergoglio ng Buenos Aires, Argentina, siya ay inihalal sa pamamagitan ng conclave of cardinals noong Marso 13, 2013.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -