MATAGUMPAY ang naging pagtatapos ng Philippine Book Festival sa World Trade Center noong Hunyo 2-4, 2023. Ito ay isang travelling book festival na nagtatampok sa mga lokal na aklat sa iba’t ibang dyanra (genre) ng panitikan: aklat pambata, nobela, koleksyon ng kuwento o tula, dula, mga aklat ng sanaysay, at iba pang non-fiction titles. Makikita rin dito ang maraming comic books at iba pang graphic literature, gayon din ang mga bagong textbooks mula sa ating mga lokal na educational book publishers. Itinaguyod ito ng National Book Development Board (NBDB), isang attached agency ng Department of Education (DepEd). Kapuri-puri ang hakbang na ito ng NBDB, sa pangunguna ni Chairman Dante Francis Ang 2nd (chairman ng The Manila Times) at Executive Director Charisse Aquino-Tugade, na maitampok ang mayamang ani ng lokal na aklat sa buong bansa, gayon din ang mga manlilikha ng aklat: publisher (tagapaglathala), awtor, ilustrador, mga graphic artists, at book designers.
Kaiba ang ganitong pagtatampok sa mga lokal nating aklat sa isang pambihirang festival. Sa isang bansang mas maraming bata ang pinalalaking English-speaking, maganda na marami rin tayong aklat na nagpapakita ng ganda ng ating kultura at heritage. Kung English-speaking man ang susunod na henerasyon ng mga batang Pilipino (pero dalangin ko pa rin na sana’y matatas din sila sa wikang Filipino), natural lang na babasahing Ingles din ang gugustuhin nila. At laging nandiyan ang mga foreign books na madaling makita at sabi nga’y readily available sa ating mga nangungunang bookstores.
Pero mabuti na lang at marami na rin tayong content ngayon na kahit nakasulat sa wikang Ingles ay Pinoy pa rin ang sensibilidad. Karamihan din sa mga ginagawang aklat-pambata ngayon, kung papansinin, ay laging bilingual: may Filipino at English text. Ito ay para ipaabot sa mga batang mas bihasa sa English ang ganda ng wikang Filipino; at ipaabot sa mga batang mas bihasa sa Filipino ang ganda ng wikang English.
Mayroon ding mga publishing houses ngayon na nagtatampok sa iba’t ibang wika mula sa rehiyon pero may salin sa Filipino o English. Nandiyan ang Aklat Alamid na naglalathala ng mga aklat pambata sa rehiyunal na wika gaya ng Kankana-e (ng Cordillera) at ng Hiligaynon (ng Iloilo). Pinangungunahan ito ni Xi Zuq, ang publisher na nagdesisyong maglathala ng mga aklat pambata sa mother tongue. Isa pang kapuri-puri ay ang Ateneo De Naga Press, sa pangunguna ng kanilang director na si Kristian Cordero, na nagsalin ng mga wika sa Bikol sa Filipino upang mabasa natin ang mayamang diwa ng kanilang mga manunulat.
Noong unang araw pa lang ay natuwa na ang mga taong involved sa book publishing industry dahil nagkaloob ng publishing grants at translation grants ang NBDB sa mga karapatdapat na recipients nito. Layon nito na matulungan ang mga publishers at awtor, beterano man o baguhan sa larangan ng paglalathala, na makapaglabas pa ng maraming aklat tungkol sa iba’t ibang disiplina. Mapalad na nakasama sa mga tumanggap ang aking publisher, ang OMF Literature-HIYAS, na nabigyan ng translation grant para sa aking aklat pambatang ‘Sandosenang Sapatos’ na isasalin sa Sinugbuanong Binisaya (Cebuano). Natuwa rin ang awtor-publisher mula sa Cotabato na si Mary Ann Ordinario ng ABC Educational Publishing House na nabigyan ng translation grant ang isa niyang aklat pambata, ang ‘I love T’nalak’, para mabasa ito ng mga bata at kabataang T’boti sa South Cotabato. Isa rin sa masayang tumanggap ng grant ay ang aking kaibigan na si Dr Joti Tabula na tumanggap ng publishing grant para sa kanyang Alubat Publishing.
Hindi makapaniwala ang maraming publisher at awtor na makatatanggap sila ng grant mula sa NBDB para sa kanilang mga binabalak na ilathalang aklat. Pero ito naman ang isa sa mandato ng NBDB: ang tulungan ang lokal na publishing industry na mapaunlad ang paglalathala ng mga aklat. Maganda ang direksyong tinatahak ng NBDB. At nagagalak kaming makasama sa kanilang paglalayag tungo sa puso ng mga kababayan nating may pagmamahal sa aklat.
Ang nakaraang Philippine Book Festival ay naging matagumpay sa pakikipagtulungan ng NBDB sa iba pang mga organisasyong laan sa book publishing at literacy: Philippine Board on Books for Young People (PBBY), Book Development Association of the Philippines (BDAP), Philippine Educational Publishers Association (PEPA), at Komiket.
Sa darating na Agosto 18-20, 2023, tutungo ang travelling festival na ito ng NBDB sa SMX Davao upang magkaroon naman ng pagkakataon ang mga kababayan natin sa Mindanao na tuklasin ang mayamang ani ng ating mga sariling aklat.
Sana’y magtuloy-tuloy ang Philippine Book Festival sa marami pang taong darating. Makarating sana ito sa marami pang rehiyon at lalawigan ng ating bansa. Sana’y makatulong ito ito upang lalo pang ma-appreciate ng mga kabataang Pilipino ang ating yumayabong na panitikang lokal.
Puwera usog po!