Tuwing Independence Day na lang, nalilito tayo kung paano ba isinasalin sa Wikang Filipino ang pangalan ng holiday na ito. Sa totoo lang, mas malapit naman ang konsepto ng ”independence” sa terminong ”kasarinlan” (mula sa salitang ”pagsasarili”) pero tila hindi natin masyadong naririnig ang ”Araw ng Kasarinlan.” Mas ginagamit natin ang ”Araw ng Kalayaan,” mula sa salitang ”laya” na mas malapit naman sa konsepto ng ”freedom.”
Sasabihin ng iba, e ano naman ngayon? Wala namang pagkakaiba, kapag malaya ka, nagsasarili ka, at kapag nagsasarili ka, malaya ka. Simple di ba?
Hindi.
Kapag tiningnang maigi, magkaibang konsepto ito.
Misteryoso ang salitang “Kalayaan.” Ang salitang “Laya” bilang “freedom” ay wala sa mga lumang diksyunaryo noong panahon ng mga Espanyol. Ang pinakamaagang pagkagamit nito ay naitala nang ginamit ni Padre Mariano Sevilla ng Bulakan, Bulacan nang isalin niya ang Italyanong salitang “libera” (freedom) tungo “calaya-an” sa kanyang pagsasalin ng aklat-dasalan para sa Flores de Mayo sa karangalan ng Virgeng Maria noong 1865. Ginamit naman ng kababayan ni Sevilla na si Marcelo H. del Pilar ang salitang ”Kalayaan” sa pagsasalin ng sanaysay ni José Rizal na “El Amor Patrio” (Pagibig sa Tinubuang Bayan) para sa Diariong Tagalog noong 1882.
Naniniwala akong dito nakuha nina Andres Bonifacio at ng Katipunan ang salitang Kalayaan, ginamit sa kanilang diskurso at ginawa pang pamagat ng kanilang pahayagan, kaya ito nakilala.
Sa isang papel na iisinulat niya noong 2010, ang nakababatang historyador na si Ian Christopher Alfonso ang kanyang pagtitimbang sa kaibahan ng “kalayaan” at “kasarinlan:” “In my opinion, using the political concept, kalayaan refers to the removal or separation from a colonial power or occupation from another people of a certain nation, country or race. … While kasarinlan is avoidance from the influence or control of someone who is not part your group or nation, and only those in the group should govern.”
Idinagdag pa ni Alfonso na kung ang kalayaan ay maaring itumbas sa konseptong Kanluranin ng freedom, para sa kanya mas malalim ang kahulugan ng kasarinlan, sovereignty o ang pagiging pinaka-napakapangyayari.
Gayundin, nang tanungin ko ilang taon na ang nakalilipas ang aking dating propesor noon na si Dr. Vicente Villan kung ano ba ang mas mahalaga, ang kalayaan o ang kasarinlan. Ang sagot niya ay ang huli at noon ay tila hindi ko ito sinasang-ayunan sa paniniwalang ang kasarinlan ay mas pulitikal ang kahulugan subalit mas malalim ang kahulugan sa diskursong Katipunan ng kalayaan na hindi lamang ang pagiging malaya kundi ang pagkakaroon din ng “kaginhawahan” ng bayan.
Ngunit noong 2020, sa isang katanungan sa Facebook ng nakabatata ring historyador na si Eufemio Agbayani 3rd, nilinaw lalo ni Villan ang pundasyon gamit ang lenteng Bisaya: Ang kalayaan daw ay ”kahilwayan” sa Bisaya (mula sa ”hilway” na ang kahulugan ay ”hiwalay”) na tumutukoy sa pagkahiwalay o pagkawala sa pagkatanikala sa kahit anong nagtatali sa iyo.
Sa ganito ginamit ng mga sinaunang pulitiko noon ang kalayaan bilang pagkalas lamang sa kapangyarihang kolonyal. Ang taal na Filipino na konsepto ng pagnanais na lumaya mula sa Espanya ay tinatawag na “pagkatimawa” (na ginamit ni Andres Bonifacio sa “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan”), ngunit kailangan idagdag na kahulugan nito sa panahon ng Espanyol ay nakurap mula sa pagiging “malayang tao” o ”hindi alipin” patungo sa ”mahirap pa sa daga” o ”hampaslupa,” kaya kalaunan, naunahan na nitong ”pulitikal” na terminong “kalayaan” (na salitang Tagalog dahil ito na nga ang naging sentro ng kapanyarihan sa bansa).
Ngunit ang salitang ”kasarinlan” ayon kay Villan ay hindi lamang ”pulitikal” ngunit nagmula sa sariling panlipunang pananaw ng mga Pilipino na makikita sa kung papaanong ang mga anak ay humihiwalay sa kanilang mga magulang sa tuwing sila ay mag-aasawa na (nagsasarili), o kung papaanong sa Timog Silangang Asya, ang pengampong ay humihiwalay sa Mandala.
Ibig sabihin, ang kasarinlan ay isang konseptong na mas tumutukoy sa pagnanais ng isang tao na tukuyin ang sariling direksyon ng kanyang buhay, o kahit pa sa pulitika kaysa sa kalayaan na ayon kay Villan, ay katumbas ng Kanluraning ”freedom.” Kahit ang “katimawahan” ay nangangahulugang pagkalaya mula sa pagkaalipin upang maiangat sa pagiging maginoo (na hindi ibig sabihin ay dugong bughaw sa Pilipinas kundi marangal at malayang tao).
Kung gayon, ayon kay Villan, sa diskursong Katipunan ng katimawahan, nahihiraya nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang mga indio na nagiging mga maginoo o mararangal na tao. At ang mga mamamayang napasailalim, naalipin at naabuso ay nais na magsarili. Para kay Villan, ang mga naunang pulitiko ay nais lamang lumaya, magkaroon ng kapangyarihan ngunit hindi nangako ng pagsasarili dahil tumitingin lamang sila sa lenteng Kanluranin, ang hindi nakikita ang pagnanais ng “kamaginoohan.”
Ayon kay Villan ang “Kalayaan” ang isang konseptong pulitikal lamang subalit hindi nakikita ang pagnanais nating itakda ang direksyon ng ating bukas at ang pagiging dakila, at hindi pinapayagan ng mga tradisyunal na mga lider natin na maatim natin ang “kamaginoohan” at ang pagkakaoon ng “dangal ng bayan” na kinakatawan ng salitang “kasarinlan” dahil patuloy nilang hinahayaan lamang ang mga dayuhan na dominahin tayo.
Ano pa man, pinapaalala sa ating ng Independence Day, Araw man yan ng Kasarinlan o Kalayaan, na 125 taon na ang nakalilipas noong Hunyo 12, 1898, naipanalo natin ang Himagsikan at lumaya tayo mula sa 333 taong pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Inagaw man ng mga Amerikano ang kasarinlan na yan, patuloy na nag-alab ang apo ng Kalayaan na ipagpatuloy ang laban hanggang ang laya ay maisauli sa atin noong 1946.
Pero ang laban para sa kaginhawahan at kamaginoohan ay nagpapatuloy.
Orihinal na lumabas sa wikang Ingles sa The Manila Times noong Hunyo 12, 2021: https://www.manilatimes.net/2021/06/12/opinion/columns/kalayaan-or-kasarinlan/1802840