“KAILANGAN nating bantayan ang seguridad ng pagkain dahil ang seguridad sa pagkain ay seguridad din ng bansa.”
Ito ang sinabi ni Danilo Fausto, pangulo ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc, sa isang panayam sa programang “Negosyo at Pulitika” ng SMNI na pinangunahan ng Chairman at Chief Executive Officer ng The Manila Times na si Dante “Klink” Ang 2nd.
Ayon kay Fausto, kailangang bigyan ng pamahalaan ng suportang pinansyal ang mga magsasaka at mangingisda upang mapalakas ang sektor ng agrikultura.
Aniya pa, 96 percent ng guaranteed account ng Philippine Guarantee Corp. (PGC) ay nasa real estate at 2.5 porsiyento lamang ang nasa agrikultura.
“Kailangan nating suriin ang operasyon ng PGC dahil kung ang gobyerno ay nagbibigay ng subsidiya o nagbibigay ng badyet sa national defense para sa ating seguridad, kailangan nating [bantayan ang seguridad ng pagkain] dahil ang seguridad sa pagkain ay pambansang seguridad,” sabi ni Fausto sa panayam.
Ang PGC ay isang korporasyong pagmamay-ari at kontrolado ng gobyerno na nakakabit sa Department of Finance. Pangunahing layunin ng PGC ay ang paggawa ng mga probisyon na magbibigay ng garantiya sa utang bilang suporta sa kalakalan at pamumuhunan, pag-export, imprastraktura, enerhiya, turismo, negosyong pang-agrikultura, modernisasyon, pabahay, MSMEs (Micro, Small and Medium Enterprises) at iba pang prayoridad na sektor ng ekonomiya,
Sinabi ni Fausto na dapat magkaroon ang pamahalaan ng isang sistema kung saan mabibigyan ng access ang mga magsasaka sa anumang uri ng pagpapautang.
“Sa tingin ko ang puwedeng magamit ay higit sa isang trilyong piso na maaari nang ipahiram,” sabi niya.
Kailangan din umano ang extension work o mga grupong tutulong sa mga magsasaka na karamihan ay hindi nakatapos ng elementarya kaya nahihirapang sumunod sa mga kinakailangang dokumento at technical details para makapangutang tulad ng cash flow, loan proposals at balance sheet.
Sino ang handang magpautang?
Batay sa 2021 Countryside Bank Survey (CBS) na isinagawa ng Department of Agriculture- Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na inilabas noong Pebrero, hindi bababa sa three-fourths o 76 porsyento ng bangkong lumahok sa survey ang nagsabi na plano nilang palawakin ang kanilang loan portfolio sa agrikultura.
Lumabas sa survey na 93 porsiyento ng mga bangko na handang magpautang sa mga magsasaka ay mga thrift banks (TBs), 87 porsiyento ay government-owned banks (GBs), at 72 porsiyento ay rural and cooperative banks (RCBs).
Sa mga unibersal at komersyal na bangko (UKBs), 53 porsiyento lamang ang bukas sa mga farm loan, habang 47 porsiyento ang nagsabing hindi nila planong palawakin ang kanilang agricultural loan portfolio.
Ang mga thrift bank ay ang bangkong nagbibigay ng abot-kaya at naa-access na mga serbisyong pinansyal sa mga Pilipinong mamimili, may-ari ng bahay at mga micro, small at medium na negosyante.
Sa ranking ng Bangko Sentral ng Pilipinas hanggang noong Disyembre 2022 kaugnay ng thrift bank group (https://www.bsp.gov.ph/Statistics/Financial%20Statements/Thrift/assets.aspx), kabilang sa tatlong nangunguna batay sa total assets ay ang Philippine Savings Bank, Philippine Business Bank Inc., A Savings Bank at City Savings Bank, Inc.
Ang mga rural bank naman ay pagmamay-ari at pinamamahalaan ng pribadong indibidwal habang ang cooperative banks ay pagma-mayari, inayhos at pinamamahalaan ng mga kooperatiba o pederasyon ng mga kooperatiba. Karaniwang kliyente nila ay ang mga komunidad sa kanayunan.
Kabilang sa nangungunang tatlong rural and cooperative bank, ayon pa rin sa Bangko Sentral ng Pilipinas hanggang noong Disyembre 2022 (https://www.bsp.gov.ph/Statistics/Financial%20Statements/Rural/assets.aspx), ang BDO Network Bank, Inc., East West Rural Bank, Inc. at Card Bank Inc. (A MF RB).
Bureau of Agricultural Cooperative
Binigyang-diin din ni Fausto na kailangang bantayan kung paano gumagana ang sistema kaugnay ng pagkakaroon ng access sa pautang na ibinibigay sa mga magsasaka.
“Kung walang kapital, kahit gaano mo kagusto paramihin ang produkto ng mga magsasaka, kung wala siyang pera para sa mga input ay magkakaroon ng problema,” sabi pa niya.
Nagbahagi rin si Fausto ng iba pang solusyon para paunlarin ang sektor ng agrikultura gaya ng paglalagay ng Bureau of Agricultural Cooperative sa ilalim ng Department of Agriculture.
Iminungkahi rin niya ang pagtatayo ng mga mini agro-industrial facility sa lahat ng mga barangay na magkakaroon ng rice dryers, maliliit na rice mill, bodega at mga trak para sa pagbibiyahe.
Sinabi ni Fausto na ang bawat mini agro-industrial facility ay mangangailang ng aabot ng P2 milyon hanggang P3 milyon para maitayo.
“Ito ay hindi lamang isang bagay ng pagsasama-sama ng mga tao bilang isang grupo. Kailangan mo silang turuan o sanayin sa pamamahala at pagnenegosyo,” aniya pa.
Hinimok din niya ang mga Pilipino na tangkilikin ang mga lokal na produkto na maaaring mas mahal nga ng kaunti ngunit malaki naman ang maitutulong sa bansa lalo na sa mga magsasaka kung saan nagmumula ang mga produkto.