Kami, sa Department of Budget and Management (DBM), ay nagbibigay ng babala sa publiko laban sa mga fixer at manloloko na nangangakong tutulong magpadali o magsagawa ng mga transakyon sa ahensya.
Ang DBM po ay naninindigan sa pagkakaroon nito ng integridad, sigasig, at katapatan sa lahat ng mga proseso at transaksyon, alinsunod sa umiiral na batas, alituntunin at regulasyon, lalung-lalo na sa pag-request at pag-release ng pondo ng bayan.
Dahil dito, nais naming bigyang-diin na hindi kami kailanman magbibigay ng otoridad sa kahit sinong indibidwal o grupo para humingi ng pera, goods o pabor kapalit ng pagpapadali ng mga transaksyon. Hindi po namin, sa kahit anong paraan, pahihintulutan ang anumang maling representasyon dahil ito ay malinaw na paglabas sa batas.
Para makaiwas maging biktima ng mga panloloko, mariin naming hinihikayat ang publiko na maging maingat at i-report ang anumang kahina-hinalang mga aktibidad para masampahan ng kaukulang kaso ang mga manlolokong indibidwal.
Para sa kaalaman ng publiko, ang pag-sumite ng request para sa Local Government Support Fund– Financial Assistance (LGSF-FA) to Local Government Units (LGUs) ay sa pamamagitan lamang ng Digital Requests Submission for Local Government Support Fund (DRSL) na makikita sa DBM Apps Portal. Lahat ng dokumentong isusumite ng mga LGU sa ibang paraan ay otomatikong hindi tatanggapin.
Upang maiwasan ang mga scammer, middlemen, fraudulent individuals, o organized groups na makagawa ng maling representasyon na maaari silang maka-impluwensya o makapagpadali ng release ng LGSF-FA sa mga LGUs, ang DBM ay makikipag-transakyon lamang sa mga local chief executive ng bawat LGU.
Hinihikayat namin ang publiko na maging mas mapagbatid at i-report ang mga scam o iba pang bogus na aktibidad sa pagtawag sa (02) 865-7-3300.